top of page
BIDA - RURU, UMAMING NAG-CHEAT KAY BIANCA-G _rurumadrid8.jpg

Ang pagsunod kay Kristo, ang mabuhay o mamatay para sa kapwa

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 15 hours ago
  • 4 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 9, 2026



Fr. Robert Reyes



Noong nakaraang Martes, Agosto 4, 2026, inilunsad ng Kingdom Keepers ang programang “SULO NG PANANAGUTAN.”


Bakit? Sapagkat mahirap ipahayag ang Katotohanan sa isang lipunang marahas, na sa salita at gawa ay nasanay nang magbanta. Ito ang inspirasyon at hamon ng awit na isinulat ni Padre Eduardo Hontiveros noong dekada ’60:


“Walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang. Walang sinumang namamatay para sa sarili lamang. Tayong lahat ay may pananagutan sa isa’t isa. Tayong lahat ay tinipon ng Diyos na kapiling Niya.”


Sa sumunod na dekada, mula 1970 hanggang ngayon, sa gitna ng hirap at panganib, ito rin ang naging kuwento ng buhay ng marami.


Mahigit apatnapu’t siyam na taon na ang nakalilipas nang itatag ang GOMBURZA noong Pebrero 17, 1977, ng ilang seminarista ng San Jose Seminary at mga Jesuit scholastic. Salamat, Padre John Schumacher, SJ, sa iyong kurso tungkol sa “Revolutionary Clergy,” na tumalakay sa pagiging pari at martir nina Padre Mariano Gomez, Jose Burgos at Jacinto Zamora.


Naging inspirasyon namin ang GOMBURZA upang mag-organisa at kumilos laban sa diktadurya ni Ferdinand Edralin Marcos. Sinikap naming buuin ang isang pananaw sa buhay espiritwal at pakikitungo sa kapwa at lipunan na hindi naghihiwalay sa pagiging Kristiyano sa pagiging Filipino. Kaya nabuo ang aming sigaw: “Kristiyano Ako, Kaya Makabayan.”


Mapanganib ang mga panahong iyon. Limang taon pa lamang ang Batas Militar. Marami na ang hinuli, tinortyur, pinatay at winala sa ilalim ng diktadurya ni Marcos. Malinaw para sa amin kung bakit pinaiiral ang ganitong kalagayan sa lipunan. Kung takot ang tao, madali siyang pasunurin, lokohin at apihin.


Nais naming sumunod kay Kristo bilang mga pari. Subalit hindi ito simple. Puno ito ng pagsubok, hamon at panganib. Kung susunod kami kay Kristo, kailangang malinaw ang dahilan at kailangan ang tatag at lakas upang magpasya, magtaya at kumilos para at kasama Niya.


Malaking tulong ang Liberation Theology noong panahong iyon. Malaking tulong din ang pagbababad sa mga lugar ng maralitang taga-lungsod. Bumabad ako kasama ang apat pang seminarista sa Isla Puting Bato sa North Harbour.


Malaki rin ang naging tulong ng mga pananaw na nagmula sa mga dokumento ng Second Vatican Council at sa mahabang tradisyon ng Social Teachings of the Church. Madalas naming marinig at gamitin ang “Pagbasa ng mga Tanda ng Panahon” o “Reading the Signs of the Times.”


Kasabay nito, pinag-aralan din namin ang social, structural at cultural analysis. At dahil mga Heswita ang aming mga guro, napakahalaga rin ng “Discernment of the Spirits” o pagkilala, pagbasa at pagsunod sa galaw ng Espiritu ng Diyos at ng iba pang espiritu sa aming buhay.


Malaking inspirasyon din ang mga banal at progresibong paring Heswita na naging guro at kaibigan namin. Salamat kina Padre Archie Intengan, Carlos Abesamis, Toti Olaguer, Pete Sevilla, Guido Arguelles, John Schumacher, Johny Sanz, Nick Cruz at Vinie San Juan.

Halos lahat sa aming mga propesor ay nanatiling tapat, matatag, matapang at kumikilos hanggang sa katapusan ng kanilang buhay.


Halos limang dekada ng pagnamnam sa turo, halimbawa, inspirasyon at espiritu ng Panginoong Hesu Kristo.


Kasabay ng pagnamnam—pag-aaral, pagninilay at panalangin—naroroon ang pagtataya, ang pagsasabuhay ng tinanggap mula sa Espiritu. Susuong sa sari-saring hamon at panganib nang hindi nawawalan ng tiwala sa Kanyang pagpapala.

Ito ang “Pananam-Pala-Taya”—ang pagnamnam, pagtataya at pagtitiwala sa Kanyang pagpapala.


Nawa’y dumaloy ito sa kabuuan ng ating buhay, hanggang sa dulo.

At tila ito na nga ang biyaya ng halos limang dekada ng pagharap, paghamon at pakikipagtunggali sa kasamaan—mula sa personal at indibidwal na antas hanggang sa pamilya, pamayanan at lipunan.

Ito ang PANANAGUTAN!


Nang tayo’y binyagan, sinindihan ang kandila ng ating mga magulang, ninong at ninang mula sa Cirio Pascual o Paschal Candle. Mula kay Kristo, lumipat ang Liwanag sa lahat. Mula noon hanggang ngayon, taglay natin ang Liwanag ni Kristo.

Nasa atin kung ito ay pag-aalabin natin o ikukubli.


Hindi naging madali ang pamamahayag at pagsaksi sa Katotohanan, sa Liwanag ni Kristo. Ilang ulit na akong nakatanggap ng death threat. Ordinaryo na sa akin ang mabastos at ma-bash sa social media. Dalawang beses na rin akong nakulong.

Ngunit hindi ako titigil.


Hindi ko hahayaang mamatay, mawala o madurog ang apoy at Liwanag ni Kristo, gayundin ang Kanyang Salita at Halimbawa sa aking buhay.


Dahan-dahang nauubos ang kandila ng ating buhay. Ngunit habang umiikli ang kandila, lalong lumalakas at umiinit ang ningas nito.

Totoo ang sinabi ni San Pablo:


“Walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Kristo, kahit dumanas pa tayo ng mga pagsubok, paghihirap, pag-uusig, gutom, kawalan, panganib o maging kamatayan. Gaya nga ng sinasabi sa Kasulatan: ‘Alang-alang sa iyo, palaging nasa panganib ang aming buhay; para kaming mga tupang kakatayin.’ Ngunit kahit ganito ang kalagayan natin, ganap ang ating tagumpay sa tulong ni Kristo na nagmamahal sa atin…”


“Sapagkat natitiyak ko na walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na ipinakita sa atin sa pamamagitan ni Kristo Hesus na ating Panginoon. Maging kamatayan o buhay, mga anghel o anumang makapangyarihang espiritu, ang kasalukuyang panahon o ang hinaharap, ang mga kapangyarihan, ang mga nasa itaas o mga nasa ibaba, o kahit ano pang mga bagay sa mundo ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos.”

—Mga Taga-Roma 8:35–39


Tayo ay Kandila. Tayo ay Sulo. Kanyang Liwanag ay Lalaganap.

Ating PANANAGUTAN sa Kanya at sa Lahat!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page