Ang mga natural na obligasyon
- BULGAR

- 2 hours ago
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | February 1, 2026

Ang isang obligasyon ay maaaring sibil o natural. Ang isang obligasyon na sibil ay maaaring magbigay ng karapatan sa isang tao na piliting isagawa at isakatuparan ng taong may obligasyong gawin ito. Samantala, ang isang natural na obligasyon ay hindi maaaring ipilit na gawin dahil sa hindi ito base sa positibong batas. Ang obligasyong ito ay batay lamang sa kung ano ang makatarungang gawin sa ilalim ng sirkumstansyang kinasasangkutan.
Makatarungan para sa isang tao na bayaran ang kanyang pagkakautang subalit kung ang karapatan para singilin ito ay lumipas na, hindi na maaaring pilitin pa itong bayaran ang kanyang pagkakautang. Subalit kung nagbayad ang nasabing nakautang sa taong pinagkakautangan niya kahit na lampas na sa takdang araw, hindi na niya maaaring bawiin pa ang kanyang naibayad.
Kapag ang isang tao ay nagbayad ng pagkakautang ng ibang tao kahit na ang takdang pagbabayad nito ay nakalipas na at hindi nalalaman ng huli na binayaran ang kanyang pagkakautang ng ibang tao o ang nasabing pagbabayad sa kanyang pabor ay taliwas sa kanyang kagustuhan, hindi maaaring hilingin ng taong nagbayad ng nasabing pagkakautang na ibalik sa kanya ang halaga na ibinayad nito pabor sa isang tao.
Kapag ang isang tagapagmana naman ay nagbayad ng pagkakautang ng estate na kanyang pinagmanahan at ang halaga ng ibinayad niya ay mas mataas sa halaga ng mana na kanyang tinanggap, ang pagbabayad nito ay mananatiling may bisa at hindi na maaaring ipawalang-bisa pa ng tagapagmanang nagbayad nito.
Bagama’t ang isang natural na obligasyon ay hindi kinakailangang gawin, ang paggawa nito ay isang makatarungang pagtanggap ng isang obligasyon habang isinasa-isip na anumang obligasyon ay marapat na mabayaran o magawa dahil walang tao ang dapat na magkaroon ng yaman kung nakasasagasa naman siya sa karapatan ng ibang tao.








Comments