top of page

Ang mga benepisyo ng L-carnitine sa kalusugan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 6 hours ago
  • 4 min read

ni PAO Deputy Chief Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | March 17, 2026



Sabi ni Doc Lion's Mane Mushroom


Dear Doc Erwin, 


Magandang araw po, Doc Erwin! Ako si Quintina, isang senior citizen mula sa Candaba, Pampanga. Isa po akong masugid na tagasubaybay ng dyaryong BULGAR, lalo na ng inyong “Sabi ni Doc” column. Malaking tulong po sa amin ang inyong mga payo tungkol sa kalusugan. 


Doc, nais ko sanang magtanong. Sa aking edad, madalas po akong makaramdam ng panghihina ng katawan at madaling pagkapagod, lalo na’t ako pa rin ang nag-aalaga sa aking mga apo araw-araw. Nabasa ko rin po na ang carnitine ay maaaring makatulong sa pagbawas ng timbang, na posibleng makabawas sa pananakit ng aking tuhod–dahil medyo mabigat na rin po ang aking timbang.


Bukod rito, makatutulong din ba ang L-carnitine para sa panghihina ng katawan na dulot ng pagtanda? Ligtas po ba ito para sa mga senior citizen tulad ko? Ano pa po ang mga benepisyo nito sa kalusugan at mayroon po ba itong mga side effects na dapat malaman?

Maraming salamat po at sana ay mapansin ninyo ang aking katanungan. — Quintina



Maraming salamat, Quintina, sa iyong liham at sa patuloy mong pagsubaybay sa “Sabi ni Doc” at sa pahayagang BULGAR.


Ang pagtanda o aging ay nagdudulot ng unti-unting paghina ng mga tungkulin ng katawan at ng mga organo. Kasama rito ang pagbaba ng kakayahan ng katawan na maayos na gamitin at balansehin ang enerhiya. May mahalagang papel dito ang mitochondria, na responsable sa paggawa ng enerhiya ng mga selula. Kapag nagkaroon ng pinsala sa mitochondrial DNA, maaaring bumaba ang kakayahan ng katawan na makagawa ng sapat na enerhiya para sa pisikal na aktibidad habang tumatanda ang isang tao.


Ang L-carnitine ay isang kemikal na sangkap na nagmumula sa mga amino acid na lysine at methionine. Natural itong ginagawa ng katawan at matatagpuan din sa ilang pagkain tulad ng karne at isda. Maaari rin itong inumin bilang dietary supplement. Tumutulong ang L-carnitine sa paggawa ng enerhiya sa pamamagitan ng paglipat ng taba papasok sa mitochondria ng mga selula kung saan ito ginagamit o “sinusunog” upang maging enerhiya.


Ayon sa isang pananaliksik na inilathala sa Journal of Translational Medicine noong 2025, ang pag-aaral tungkol sa carnitine pool ay hindi na lamang nakatuon sa fatty acid oxidation (FAO). Lumawak na rin ito sa iba’t ibang larangan tulad ng metabolismo ng enerhiya, mitochondrial homeostasis, epigenetic regulation, immune at inflammatory responses, at maging sa neuroprotection.


Sa isa pang pag-aaral na nalathala sa isang peer-reviewed journal noong 2021 tungkol sa musculoskeletal system, natuklasan na ang L-carnitine supplementation ay maaaring makatulong sa pagtaas ng enerhiya, pagpapabuti ng pisikal na kakayahan, at pagbawas ng pagkapagod. Ipinakita rin sa ilang pag-aaral na maaari itong makatulong sa mga programang rehabilitasyon, lalo na sa mga matatandang nakararanas ng matinding pagkapagod o pisikal na stress. Maaari rin itong makatulong sa pagpapabuti ng mental at kognitibong paggana.


Sa artikulong “L-Carnitine Supplementation in Older Women: A Pilot Study on Aging Skeletal Muscle Mass and Function” (2018), ipinakita na ang pagbaba ng L-carnitine sa katawan habang tumatanda ay maaaring magdulot ng panghihina at pagnipis ng kalamnan, o sarcopenia. Natuklasan sa pag-aaral na ang supplementation ay maaaring makatulong sa pagpapanatili ng lakas ng kalamnan.


Ayon naman sa mga pag-aaral na inilathala noong 2022 sa Saudi Journal of Biological Sciences, may iba’t ibang benepisyo sa kalusugan ang L-carnitine. Tumutulong ito sa metabolismo ng carbohydrates at sa paggawa ng enerhiya ng katawan. Kaugnay ng iyong tanong tungkol sa pagpapapayat, maaari rin itong makatulong sa pagbabawas ng timbang dahil sa papel nito sa pagpapahusay ng fat oxidation o proseso ng pagsunog ng taba sa katawan.


Bukod dito, ipinakita rin sa ilang pag-aaral na maaaring makatulong ang L-carnitine sa pagpapabuti ng glucose intolerance, kaya maaaring maging kapaki-pakinabang ito para sa mga pasyenteng may uremia at diabetes. Maaari rin itong makatulong sa pagbawas ng neuropathic pain, pagpapabuti ng nerve conduction, at pagpapalakas ng immune function. Mayroon din itong potensyal laban sa ilang neurological na karamdaman tulad ng Alzheimer’s disease, Parkinson’s disease, at iba pang uri ng neuropathies. Sa ilang pagkakataon, ginagamit din ang L-carnitine upang makatulong sa panunuyo ng mata at bilang suporta sa pagpapanatili ng kalusugan ng puso.


Ang karaniwang dosis ng L-carnitine para sa mga nasa hustong gulang ay mula 500 mg hanggang 2,000 mg bawat araw, depende sa payo ng doktor. Gayunman, mahalagang kumunsulta muna sa physician bago uminom ng suplementong ito, lalo na para sa mga senior citizen. Mas sensitibo ang mga nakatatanda sa side effects dahil sa unti-unting paghina ng atay at bato.


Ilan sa mga posibleng side effects ng L-carnitine ay pagkahilo, pagduduwal, pananakit ng tiyan, pagbabago sa presyon ng dugo, at allergic reactions gaya ng pantal.

Mahalaga ring regular na magpatingin sa doktor, uminom ng sapat na tubig, at kumain ng masustansyang pagkain upang mapanatili ang lakas at kalusugan ng katawan sa ginintuang edad. (Eunice Anne G. Garcia, RPh, MD)


Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page