Ang mahabang lakaran ng bayan laban sa dinastiya at korupsiyon
- BULGAR

- Jun 7
- 4 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | June 7, 2026

Isang taon na nang lumipad tungong Espanya ang munting pangkat ng mga peregrino upang maranasan ang matawag na “unting Camino de Santiago de Compostela.” Libong taon nang naglalakbay ang ‘di na mawaring bilang ng tao at hayop na naglakbay mula sa iba’t-ibang bahagi ng Europa patungong San Tiago de Compostela sa Galicia, Espanya. Ito ang kilalang huling hantungan ng Apostol Santiago na naglakbay.
Bagama't hindi naglakbay si Santiago sa Espanya dahil pinatay siya sa Judea, nabuo pa rin ang “Camino” para parangalan ang kanyang alaala. Isang tradisyon lamang ang paniniwalang naglakbay ang apostol mula sa Jerusalem hanggang sa Espanya. Nang namatay ang Apostol, inilagay ng mga disipulo nito ang kanyang labi sa isang barkong nagtataglay ng mga bato sa Galicia, Espanya.
Dumaong ang barko sa Iria Flavia, kasalukuyang Padron sa Galicia. Noong ika-9 na siglo, ang kauna-unahang naglakbay tungo sa libingan ni Santiago ay ang ermitanyong Pelagius na sinundan ang mga bituwin. Noong 825 AD, si Haring Alfonso II ng Asturias ang kinikilalang unang opisyal na peregrino na naglakad mula Oviedo tungo sa libingan ng Santo. At kinilala noon ang kanyang paglalakbay bilang “Camino Primitivo.”
Ngayon, libong taon na ang nakaraan, maaaring magsimula maski saan sa Europa ang naghahangad na maglakbay tungo sa Santiago. Dalawa ang pinakasikat na simula: ang Camino Frances, mula sa Francia, o ang Camino Português, mula sa Portugal. Ngunit merong naglalakad mula Roma, Alemanya, Herusalem at saan pa mang maisipang simulan ang Camino.
Isang “Mini Camino” lamang ang isinagawa namin. Mahigit 100 kilometro mula sa Sarria hanggang sa Santiago de Compostela. Ang tunay na Camino ay umaabot ng mahigit 800 kilometro mula sa France o Portugal. Maaari ring abutin ng libong kilometro kung nais mong magsimula sa Herusalem o sa Italya.
Pagkaraan ng isang taon, muling nagtipun-tipon ang aming munting pangkat at nagtungo sa Subic, Zambales para makasama si Padre Querox na nagpasyang magretiro bilang pari sa edad 70 noong ika-1 ng Hunyo 2026. Tapos na ang kanyang Camino Sacerdotal, opisyal na paglalakbay bilang pari. Ngayon, maaari siyang tumulong pa rin sa Obispo at mga kapwa pari ngunit wala na siyang opisyal na tungkulin. Malamang, pag-usapan namin hindi lang ang aming mga personal na Camino kundi ang higit na malawak na Camino, ang Camino del Pueblo Filipino, ang paglalakbay ng mga mamamayang Pilipino.
Mahigit tatlong linggo na mula noong ika-11 ng Mayo nang kinudeta ni Cayetano si Sotto upang maging bagong Presidente ng Senado. Bagama't hindi aaminin ng 13 bagong mayorya noon, iisa lang ang malinaw na pakay ng kudeta. Dahil naipadala na ng Kongreso sa Senado ang mga “Articles of Impeachment”, kailangan nang simulan agad-agad (forthwith) ang impeachment. At sa halip na simulan agad-agad ang magtatatlong linggo nang nagkakagulo o ginugulo ang Senado ng bagong Mayorya.
Sa harapan ng lahat: nakatakas si Bato; nilusob kuno ang Senado dahil sa naririnig na mga putok na hindi galing sa labas kundi mula sa isang silid sa loob ng Senado; mga drama at drum-drum na luhang pilit ng mga Senador na nagreklamong “hindi man ninyo kami kinamusta; inaresto si Jinggoy at dahil kulang na ang labing tatlo ng dalawa (Bato at Jinggoy) pinanukala ng Mayorya na dapat maaaring bumoto ang dalawang hindi na makakadalo sa plenaryo mula sa kinalalagyan nila; hindi ito pinayagan hindi lang ng minorya kundi ng maraming mga dalubhasa sa batas; at biglang lumipat si Chiz sa Mayorya, ang bagong kudeta na nagluwal sa bagong Mayorya; sa unang plenaryo ng bagong Mayorya, nag boycott ang mga kasapi ng dating Mayorya; nagtawag ng plenaryo ang dating Mayorya sa ilalim ni APC para simulan ang pagdinig sa “Korapsyon aka Maleta” ng 18 Marino.
Naganap noong nakaraang araw ang testigo ng mga marino na nagtuturo ng kung sinu-sino na dinalhan daw nila ng maletang may bilyun-bilyong piso ang laman.
Malinaw na hindi pa tapos ang drama, samantalang walang nangyayaring matino sa Senado. Sa ayaw at gusto ng lahat, bahagi na ito ng Camino del Pueblo Filipino. 40 taon na ang EDSA Uno (1986-2026) at 54 taon na mula nang idineklara ni Marcos ang Martial Law (1972-2026). Ano na ang nagbago?
Ano na ang pag-unlad natin mula sa walang katapusang gulo ng mga makapangyarihang pamilyang nag-aagawan ng puwesto, poder at pera? Laro-gulo-away-kampihang dinastiya o dinastiyahan!!!
Nanggaling sa Cabanatuan noong Huwebes ang munting grupong isinusulong ang
“Dapat Isa Lang,” D1L. Tuloy pa rin ang lakad ng protesta sa mga lansangan, sa Kongreso, Senado’t Malacañang, saan pa man ng mamamayan. Ngunit kailangang tukuyin ang isang malinaw na ugat ng problema, ang mga dinastiya. Marcos vs. Duterte lang ba ang away o lahat-lahat silang nagnanais na makakuha ng puwesto, poder at pera?
Kay tagal na ng ating paglalakbay. Mula pagkakasakop ng mga Kastila; Amerikano; Hapon at mula noon ng mga dinastiya na kanya-kanyang kampi sa Tsina o sa Amerika.
Sino sa kanila ang mamumulat,magbabago at kakampi sa bansang Pilipinas? Sino sa mga mamamayan ang mamumulat, magbabago, magmamahal, magsasakripisyo at magtatanggol sa bansang sinisiil ng mga dayuhan sa labas at ang malungkot para sa mga kapwa Pilipino sa loob.
Lakad, lakbay, laban, mga kababayan, hanggang marating natin ang Tunay na Kalayaan! Sinimulan ni Bonifacio ang kanyang Lakaran, banal na paglalakbay tungo sa Kaliwanagan. Ito na, tara na’t simulan ang ating lakaran!!!





Comments