Ang maging Bise-Presidente: Malas o suwerte?

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | October 4, 2023
Pamalit-gulong lamang ba sa kasalukuyan o karapat-dapat humawak ng manibela ng pagpapatakbo ng bansa sa hinaharap?
Sa puso at isipan ng ordinaryong mamamayan sa bayan, iyan ang kanilang katanungan sa gitna ng pangarap na bumuti ang kanilang kalagayan sa mga susunod na taon.
Krusyal at malaking hamon ang maging Vice-President (VP) o Pangalawang Pangulo ng bansa. Sa pagkakaluklok dito, tumatambad sa taumbayan na kasing linaw ng sikat ng araw ang pagiging karapat-dapat o hindi ng nakaabang sa pinakamataas na posisyon.
Ito ay bubuo o guguho, huhubog o tutunaw, magpapalakas o magpapalusaw, at magpapatibay o bibiyak sa tsansa ng isang Bise-Presidente na mailuklok ng mamamayan sa pagka-Pangulo sa susunod na halalan.
Sa kasaysayan ng Pilipinas, mayroong lima sa 15 na naging Bise-Presidente ang tumakbo sa pagka-Pangulo matapos ang kanilang termino bilang Pangalawang Pangulo.
Dalawa sa kanila, sina Diosdado Macapagal noong 1961 at Joseph Estrada noong 1998, ang nanalo bilang Presidente. Tatlo naman sa kanila ang natalo sa pampanguluhang halalan. Ang mga ito ay sina Doy Laurel noong 1992, Jejomar Binay noong 2016, at Leni Robredo nitong 2022.
Dalawang Bise-Presidente naman, sina Sergio Osmeña at Elpidio Quirino, ang humalili bilang Presidente matapos yumao ang noon ay kasalukuyang Pangulo.
Isang babae naman, kasalukuyang si Rep. Gloria Macapagal-Arroyo, ang humalili bilang Pangulo matapos ang “pagbibitiw” ni Estrada noong 2001. Sa kabuuan, tatlong babae pa lamang ang naihalal na Pangalawang Pangulo ng Pilipinas na sina Macapagal-Arroyo, Robredo at ang kasalukuyang nasa posisyon na si Vice-President Sara Duterte, na pinakabatang naupo sa nasabing puwesto.
Kung ito ang pagbabatayan, ang pagiging Bise-Presidente ay hindi madaling landas para maihalal na Pangulo ng bansa. Ang lumalabas na “dark horse” o hindi kasing-sikat ang kalaunan ay nangingibabaw sa pampanguluhang halalan.
Maaaring makabuti o makasama ang pagiging tampulan ng atensyon, batikos at birada sa isang Bise-Presidente. Mabuti, kung ito ay magpapalutang ng kanyang angking galing at sinserong puso, habang masama naman, kung ito ay magpapamalas ng kanyang angking kahinaan at kawalan ng malasakit sa taumbayan.
Mainit pa ring pinag-uusapan ang tungkol sa confidential funds na hiningi at hinihingi ng Pangalawang Pangulo, at halos lahat ng punto rito ay nailahad na — legalidad, moralidad, prayoridad. Subalit, sapat na ba ang sagot na ating narinig?
Saan kalaunan papaling ang pabor ng mamamayan? Sila ang higit na nakakaramdam ng hirap sa bawat araw at ng gutom sa bawat oras. Ang totoong may puso para sa kanila ang dirinig din sa kanila, at kanila rin namang papaboran kalaunan.
May apat na taon pa at mahigit si VP Sara para ipamalas sa taumbayan kung ang puso nga ba niya ay tunay na para sa kanila o malayo sa kanila. Siya rin ang bubuo ng sagot sa ating katanungan, “Karapat-dapat ba naming ibigay sa’yo ang manibela ng pagpapatakbo ng bansa?”
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.





Sa ilalim ng 1987 Constitution, walng espisipikong tungkulin ang Pangalanwang Pangulo. Nguni't maaring italaga ng Pangulo ng Pilipinas na miyembro ng kaniang Gabinete ang Pangalawang Pangulo, at ito ay hindi na mangangailangan ng confirmation ng Commission on Appointments. Subali't ito ay nasa discretion ng Pangulo, at hindi niya obligasyon. Noong 1986 Constitutional Commission ipinanukala ni Commissioner Rama na gawing Pangulo ng Senado ang Pangalawang Pangulo pero hindi sinang-ayunan ni Commissioner Rodrigo. Ayon sa kaniya, bilang Pangulo ng Senado, walang kapangyarihan ang Pangalawang Pangulo kundi bumoto lamang kung tabla (tie) ang botohan ng mga Senador. Mas may tungkulin at kapangyarihan pa ang Pangalawang Pangulo kung miyembro siya ng Gabinete. Si Commissioner Brocka naman ay ipinanukalang alisin na ang nasabing puwesto kas…