top of page

Alituntunin sa citizen's arrest

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 6 days ago
  • 3 min read

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | April 8, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta



Dear Chief Acosta,


Totoo po ba na maging ang isang pribadong indibidwal na tulad ko ay maaaring mang-aresto ng isang taong napag-alamang gumawa ng krimen? Kung sakali, may mga kondisyon ba na kailangang sundin upang maging wasto at naaayon sa batas ang naturang pag-aresto? Maraming salamat po sa inyong paglilinaw. — Zordyk





Dear Zordyk, 


Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa alituntunin na itinatadhana ng batas upang ang isang pag-aresto na isinagawa ng pribadong indibidwal ay maituring na balido at makatarungan.


Kaugnay nito, matatagpuan ang legal na batayan sa Seksyon 5 at Seksyon 9 ng Rule 113 ng Revised Rules of Criminal Procedure, na nagbibigay-pahintulot sa isang peace officer o pribadong tao na magsagawa ng pag-aresto, kahit walang warrant, sa mga piling pagkakataon:


 “Section 5. Arrest without warrant; when lawful. — A peace officer or a private person may, without a warrant, arrest a person:


(a) When, in his presence, the person to be arrested has committed, is actually committing, or is attempting to commit an offense;


(b) When an offense has just been committed, and he has probable cause to believe based on personal knowledge of facts or circumstances that the person to be arrested has committed it; and


(c) When the person to be arrested is a prisoner who has escaped from a penal establishment or place where he is serving final judgment or is temporarily confined while his case is pending, or has escaped while being transferred from one confinement to another


Section 9. Method of arrest by private person. — When making an arrest, a private person shall inform the person to be arrested of the intention to arrest him and cause of the arrest, unless the latter is either engaged in the commission of an offense, is pursued immediately after its commission, or has escaped, flees, or forcibly resists before the person making the arrest has opportunity to so inform him, or when the giving of such information will imperil the arrest.”


Ayon sa mga nabanggit, kabilang sa mga pagkakataon na nagbibigay-pahintulot sa isang peace officer o pribadong tao na magsagawa ng pag-aresto kahit walang warrant ay ang mga sumusunod na sitwasyon: a) ang isang tao ay nahuling gumagawa, kasalukuyang gumagawa, o nagtatangkang gumawa ng isang krimen sa mismong harap ng mang-aaresto; b) kapag ang krimen ay kagaganap lamang at may personal na kaalaman ang mang-aaresto na nag-uugnay sa taong inaaresto sa nasabing krimen; o c) kung ang inaaresto ay isang preso na tumakas mula sa kulungan o habang inililipat ng kustodiya. Sa mga nasabing pagkakataon, mahalaga na ang taong naaresto ay dapat agad na ihatid ng mang-aaresto sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya o kulungan upang siya ay maisailalim sa wastong proseso ng batas.


Dagdag pa rito, malinaw ding itinatakda ng Seksyon 9 ng Rule 113 ng Revised Rules of Criminal Procedure ang paraan ng pag-aresto ng isang pribadong indibidwal. Karaniwan, kinakailangang ipaalam ng mang-aaresto ang kanyang layunin at ang dahilan ng pag-aresto. Gayunman, may mga pagkakataong hindi na ito kailangan, gaya ng kung ang inaaresto ay aktuwal na gumagawa ng krimen at agad na hinabol, tumatakas o marahas na lumalaban, o kung ang pagbibigay ng abiso ay maaaring maglagay sa panganib sa mang-aaresto. 


Mahalagang tandaan na ang pag-aresto na isasagawa ng isang pribadong indibiwal o citizen’s arrest ay hindi isang malayang kapangyarihan na maaaring abusuhin. Ang sinumang magsasagawa nito ay inaasahang kikilos nang may pag-iingat, sapat na batayan, at tapat na hangarin, sapagkat ang maling pag-aresto ay maaaring magbunga ng pananagutang sibil at kriminal laban sa mismong mang-aaresto.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page