top of page
BIDA - RURU, UMAMING NAG-CHEAT KAY BIANCA-G _rurumadrid8.jpg

Alex Eala at ang muling pagpapakita ng kadakilaan at kabayanihan ng Pinoy

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 52 minutes ago
  • 4 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 10, 2026



Fr. Robert Reyes


Umuulan na talaga at natapos na ang mahabang panahon ng matinding tagtuyot. Napakalaking kawalan sa mga magsasaka ang matagal na tagtuyot dahil naaantala ang pagtatanim ng palay at iba pang produktong pangsakahan. Dahil dito, lumiit ang posibilidad na makabawi sila sa puhunan at kumita nang maayos. Hindi pa kasama rito ang banta ng mga paparating na bagyo na maaaring sumira sa kanilang mga pananim.


Kung may tagtuyot na dinadaing ang mga magsasaka, mayroon ding kakaibang tagtuyot na matagal nang nararanasan ng maraming mamamayang Pilipino. Matagal nang tuyo at uhaw ang lupang sakahan at pandayan ng isip, puso, diwa at kaluluwa ng bawat mamamayan para sa tunay at wagas na kabayanihan.


Lantarang napapanood ang mga halimbawa ng kataksilan, kasakiman, kayabangan at pagtatakipan ng mga tiwali na maingat na nagtatago at nag-iingat sa kani-kanilang mga kaso. Kitang-kita ito sa lingguhang pagharap ng depensa at prosekusyon sa Senado na nagsisilbing Impeachment Court. Hindi na kailangang banggitin ang mga pangalan ng mga nakakadismaya, nakakawalang-gana at nakakagalit, lalo na sa panig ng depensa at ng mga Senador na tila kampi rito.


Nahubaran at lantad na ang kani-kanyang ugali at pagkatao ng iba't ibang may papel sa Senate Impeachment Trial. Mahigit labindalawang araw nang naghaharap ang depensa at prosekusyon sa harap ng mga Senador bilang mga hurado.


Iniharap na rin ang mga personal bank account, gayundin ang mga rekord mula sa AMLAC at BIR, ng Bise Presidente at ng kanyang asawang si Mans Carpio. Nakita at narinig na ng publiko ang mga kataka-takang halaga na pumasok at lumabas sa mga bank account ng mag-asawang Duterte-Carpio. Nakita rin kung paano inilabas ang iba't ibang halaga mula sa confidential funds ng Bise Presidente.


Napanood kamakailan ang mahabang pagtatanong ni Senador Robin Padilla sa isang kawani ng COA. Umabot ang kanyang mga tanong sa kung nakarating na ang COA officer sa BARMM at kung nakapaglibot na siya sa mga bundok ng Sierra Madre. Sa huli, tinanong pa ni Padilla ang opisyal ng COA kung naiintindihan niya at kung ano ang ibig sabihin ng “confidential.”


Mahabang pagtatanong iyon na nakapagdulot ng pagkainis, kasabay ng matiyaga at mahinahong pagsagot ng opisyal ng COA. Malinaw na tila malayo sa pangunahing papel ng opisyal ng COA ang ilan sa mga tanong. Mabuti na lamang at kapansin-pansin ang kahandaan at kahinahunan ng naturang opisyal.


Naalala natin sa pagkakataong ito ang komentaryo ng batikang Amerikanong tennis player na si Serena Williams tungkol kay Alex Eala:


“I was struck not by her power, not by her technique, not by any of the things scouts and coaches talk about when they describe a prospect. What struck me was her composure. I mean there is a particular kind of stillness that the greatest players have, a quality that you cannot teach and cannot manufacture.”


Namangha si Serena hindi lamang sa kakayahan ni Alex, kundi higit sa lahat sa kanyang kahinahunan o “composure”—isang uri ng kapanatagan na hindi basta natututunan o nalilikha.


Sa kabilang banda, puno ng kayabangan at kahambugan ang himig ng ilang nagsasalita sa Impeachment Trial. May malalim na galit at pagkamuhing tila kumukulo sa loob.

Tunog ng mga batang barumbado—mga “spoiled brats,” ika nga.

Dagdag pa ni Serena:


“…She’s 21 but she is so mature…the way she reads a situation, the way she adjusts mid-match without losing the thread of what she is trying to do. That is not a 21-year-old’s mind. Honestly, that is not a quality that all veterans carry. There are players who compete for 15 years but do not develop the in-match intelligence that Alex shows naturally…”


Maaari bang maging higit na may isip at hinog sa pagkatao ang isang batang tulad ni Alex Eala, na 21 taong gulang pa lamang?


Sa ilalim ng marami nang tagumpay ni Alex, muling lumilitaw ang tinatawag nating “best, beautiful and basic” tungkol sa ating pagkatao. Ipinakikita ni Alex kung ano ang likas, pinakamagaling at pinakamaganda sa pagkataong Pilipino—mga katangiang tila nahihirapan na tayong makita sa ating bansa.


Hindi nangangahulugang tuluyan nang nawala ang mga katangiang ito. Marahil, nakalimutan lamang at napabayaan ng marami. Sa halip, nahumaling tayo sa mga ugali at pagpapahalagang bunga ng unti-unting pagsira sa tunay na dangal at kadakilaan ng bawat mamamayan.


Sapat nang balikan natin ang Kartilyang isinulat noong 1896 ni Emilio Jacinto bilang gabay sa mga bagong kasapi ng Katipunan. Marahil, kailangan nating balikan ang mga aral nito at pagnilayan ang isang bagong Kartilya na maaaring ibatay sa mga ipinakikitang halimbawa ng mga bagong bayani tulad ni Alex Eala at marami pang iba.


Salamat, Alex, sa sariwang hangin ng iyong malinis at wagas na pagmamahal—hindi lamang sa tennis kundi, higit sa lahat, sa iyong Inang Bayan at mga kababayan.


Salamat, Alex, sa liwanag na sumisilip sa pusikit na kadiliman ng kasalukuyan. Salamat sa bawat salitang binibitawan mong pumupukaw sa ating likas na kagandahan at kadakilaan na tila nahihiyang muling magpakita.


Salamat sa unti-unting pagbabalik ng tiwala, lakas ng loob at pagmamahal na pilit na pinapatay ng mga kalaban ng Liwanag at Kabayanihan.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page