Alamin: Batas na magpaparusa sa mga tsimoso’t tsismosa!
- BULGAR
- Mar 17, 2021
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | March 17, 2021
Dear Chief Acosta,
Wala yatang magandang magawa sa buhay ang aking mga kapitbahay kaya’t kung anu-anong tsimis ang kanilang ipinagkakalat. Habang bumibili ako sa tindahan, narinig kong pinag-uusapan nila na buntis ang isang tagarito sa amin, at ang ama diumano ng bata ay may asawa na. Hindi tuloy malayang makakilos sa komunidad ang nasabing babae, at naaawa ako sa kanya. May batas bang nilalabag ang mga tsismosa? – Nancy
Dear Nancy,
Ang pagkakalat ng tsismis ay nakasisira sa dignidad at reputasyon ng tao, at maaaring maparusahan ang sinumang gumagawa nito sa kanyang kapwa. Sa ilalim ng Republic Act No. 10951, o An Act Adjusting the Amount or the Value of Property and Damage on Which a Penalty is Based and the Fines Imposed Under the Revised Penal Code, Amending for the Purpose Act No. 3815, Otherwise Known as “The Revised Penal Code,” as Amended, maaaring makulong o magbayad ng multa ang inyong mga kapitbahay. Nakasaad sa nasabing batas ang sumusunod:
“Section 96. Article 364 of the same Act is hereby amended to read as follows:
“Art. 364. Intriguing against honor. - The penalty of arresto menor or fine not exceeding twenty thousand pesos (₱20,000) shall be imposed for any intrigue which has for its principal purpose to blemish the honor or reputation of a person.”
Nabanggit din ninyong dahil sa pang-iintriga sa kanya ay hindi malayang makakilos sa komunidad ang babaeng tampulan ng tsismis. Dapat paalalahanan ang mga nagkakalat ng tsismis na ang paggalang hindi lamang sa kapitbahay kundi sa bawat kapwa-tao ay malinaw na nakasaad sa Civil Code of the Philippines, at maaaring maging ugat ng hiwalay na kaso para sa danyos ang paglabag dito. Nakasaad sa nasabing batas ang sumusunod:
“Article 26. Every person shall respect the dignity, personality, privacy and peace of mind of his neighbors and other persons. The following and similar acts, though they may not constitute a criminal offense, shall produce a cause of action for damages, prevention and other relief:
(1) Prying into the privacy of another's residence;
(2) Meddling with or disturbing the private life or family relations of another;
(3) Intriguing to cause another to be alienated from his friends;
(4) Vexing or humiliating another on account of his religious beliefs, lowly station in life, place of birth, physical defect, or other personal condition.”
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.




Comments