top of page

Alam naman ng mga sen. at cong. na ini-scam din ang budget sa farm to market road tapos pinondohan pa rin nila ito ng P33B

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 4 hours ago
  • 3 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | January 3, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


HINDI DAPAT BALEWALAIN NG OMBUDSMAN ANG 'CABRAL FILES' NI CONG. LEVISTE, TOTOO MAN ITO O HINDI–DAPAT NILA ITONG IMBESTIGAHAN – Totoo man o hindi ang isinapubliko ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste hinggil sa nilalaman ng tinaguriang “Cabral Files”—mga dokumentong umano’y iniwan ng yumaong dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary for Planning na si Ma. Catalina Cabral—na nagsasaad na halos lahat ng kongresista ay may project insertions sa mga DPWH District Office sa kani-kanilang nasasakupan, nararapat lamang na ito ay imbestigahan ng Office of the Ombudsman.

Hindi dapat balewalain ng Ombudsman ang usaping ito sapagkat pera ng bayan ang nakataya—hindi ito personal na pondo ng mga pulitiko o ng mga opisyal ng DPWH. Period!


XXX


FARM TO MARKET ROADS, PINONDOHAN PA RIN NG P33B KAHIT ALAM NG MGA SEN. AT CONG. NA INI-SCAM DIN ITO NG MGA POLITICIANS, KONTRAKTOR AT DPWH OFFC’LS – Sa mga nagdaang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee, nabunyag na hindi lamang mga flood control projects ang ini-scam ng ilang pulitiko, kontratista, at opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH), kundi maging ang farm-to-market roads (FMR). Ang mga katiwaliang ito ay umano’y naganap mula 2016 hanggang 2025.


Ang lalong nakakabuwisit sa isyung ito, alam na ng mga senador at kongresista na nilulustay at ini-scam din ang pondo para sa FMR, ngunit pinondohan pa rin nila ito ng ₱33 bilyon sa 2026 national budget—na ang DPWH pa rin ang itinalagang mangangasiwa. Buset!


XXX


SANA BOMOTO NA LANG NG 'NO' SI CONG. PULONG DUTERTE SA 2026 NATIONAL BUDGET AT HINDI NA SANA NAGPABIDA PARA ‘DI SIYA NABATIKOS SA P51B FLOOD CONTROL SA DAVAO CITY – Sablay ang pabidang pagkuwestyon ni Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte sa 2026 national budget, na ayon sa kanya ay puno umano ng insertions—kaya’t “no” ang naging boto niya, na nangangahulugang hindi siya pabor sa mga nakapaloob sa pambansang badyet para sa susunod na taon.


Sablay ito sapagkat matapos niyang kuwestyunin ang 2026 national budget, agad siyang pinutakti ng batikos kaugnay sa naging pahayag ng noo’y DPWH Undersecretary na si Ma. Catalina Cabral, na nagkumpirmang ang distrito ni Cong. Pulong ay pinagkalooban ng humigit-kumulang ₱51 bilyong flood control projects noong panahon ng Duterte administration.


Kung tutuusin, mas mainam sana kung tahimik na lamang siyang bumoto ng “no” at hindi na nagpabida sa pagkuwestyon ng 2026 national budget. Sa ganitong paraan, naiwasan sana ang muling pagbuhay sa isyu ng ₱51 bilyong flood control projects sa kanyang distrito. Boom!


XXX


MASAKIT PARA SA MGA NAULILANG PAMILYA NINA CONG. PANOTES AT CONG. HAGEDORN NA DEAD NA SILA, SINIRA PA NG 'CABRAL FILES' NI CONG. LEVISTE ANG KANILANG MGA PAGKATAO – Hindi lamang ang yumaong Camarines 2nd District Rep. Marisol “Toots” Panotes, na pumanaw noong Abril 29, 2022, ang nakatala sa tinaguriang “Cabral Files” na isinapubliko ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste bilang umano’y nagkaroon ng project insertions sa 2025 national budget. Maging ang yumaong Palawan 3rd District Rep. Edward Hagedorn, na pumanaw naman noong Oktubre 3, 2023, ay kabilang din umano sa listahang may nakatalang project insertion para sa taong 2025.


Sa totoo lang, masakit ito para sa mga naulilang pamilya nina Cong. Panotes at Cong. Hagedorn. Ang paglalathala ni Cong. Leviste ng naturang impormasyon sa kanyang social media account hinggil sa “Cabral Files” ay tumatama sa dangal ng mga taong wala na at hindi na kayang ipagtanggol ang kanilang sarili. Pareho na silang pumanaw, ngunit tila sinisira pa ang kanilang mga pagkatao. Period!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page