top of page
WINNER - KATHRYN AT KAILA, PINAGSASABONG NG “TEAM SAKANG” AT “TEAM NOO”-IG _bernardokath &

Alaga Bill: Batas na may ngipin para sa animal welfare

Writer: BULGAR
BULGAR
1 hour ago
2 min read

ni Leonida Bonifacio-Sison @Boses | September 30, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Para sa isang bansang maraming pamilyang itinuturing na bahagi ng tahanan ang kanilang mga alaga, hindi dapat hanggang awa at pagmamahal lamang ang usapin ng animal welfare. Kailangan itong suportahan ng batas na may ngipin at isang institusyong may sapat na kapangyarihan upang ipatupad ito.


Isinusulong ngayon sa Kamara ang panukalang lumikha ng National Commission on Animal Welfare sa ilalim ng Animal Life Advocacy and Guardianship Act o ALAGA Bill. Layunin nitong amyendahan ang Animal Welfare Act of 1998 at palakasin ang pagpapatupad ng mga batas para sa proteksiyon ng mga hayop.


Mahalaga ang panukalang ito dahil hindi sapat ang pagkakaroon ng batas kung mahina naman ang mekanismo para ipatupad ito. Sa ilalim ng ALAGA Bill, magkakaroon ng isang hiwalay na komisyon na magiging pangunahing awtoridad sa mga usapin ng animal welfare. Saklaw nito ang enforcement, licensing, regulation ng mga pasilidad at pagdinig sa mga paglabag.


Magkakaroon din ito ng fiscal at administrative autonomy at sariling budget line sa Department of Agriculture (DA). Papalitan nito ang kasalukuyang Committee on Animal Welfare at ililipat sa bagong komisyon ang mga kaugnay na tungkulin at miyembro.


Mas malawak din ang magiging mandato nito. Maaari itong bumuo ng mga patakaran para sa tamang pagtrato, transportasyon at paggamit ng mga hayop sa research.


Maaari rin nitong irehistro at regulahin ang animal control facilities, pounds at shelters. Bibigyan din ito ng quasi-judicial functions upang magsiyasat at duminig ng mga kaso ng paglabag sa animal welfare.


Kasama sa panukala ang mas mabibigat na parusa. Mula sa kasalukuyang maximum na P5,000 na multa at hanggang dalawang taong pagkakakulong, magiging batay sa bigat ng paglabag ang magiging parusa. Halimbawa, ang pagkamatay ng hayop ay maaaring patawan ng hanggang P500,000 na multa at pagkakakulong, habang ang matinding pananakit ay maaari ring magkaroon ng malaking multa at pagkakakulong.


Hindi lamang ito usapin ng aso, pusa o ibang alagang hayop. Usapin din ito ng responsibilidad. Ang maayos na regulasyon sa shelters, pounds, animal transport at iba pang pasilidad ay nakatutulong sa pagbuo ng mas ligtas at responsableng komunidad.


Hindi rin dapat maging batas lamang sa papel ang ALAGA Bill. Kung maisasabatas, kailangang may sapat na pondo, tauhan, malinaw na proseso at tuloy-tuloy na pagpapatupad. Dapat ding tiyakin na ang mga reklamo ay mabilis na naaaksyunan at ang mga lumalabag ay napapanagot alinsunod sa due process.


Kung paano natin tratuhin ang mga hayop ay bahagi rin ng kung paano natin pinahahalagahan ang responsibilidad at malasakit sa komunidad. Ang batas na may malinaw na mekanismo at tunay na pagpapatupad ay maaaring maging malaking hakbang tungo sa mas maayos na pangangalaga sa mga hayop. Ang ALAGA ay hindi lamang pangalan ng panukalang batas—dapat itong maging konkretong pananagutan ng lipunan.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page