Puwede bang i-offset ang overtime sa late at undertime?

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | September 30, 2026

Dear Chief Acosta,
Nagtatrabaho ako bilang sekretarya sa isang opisina. Ang trabaho ko ay mula alas-7 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon. Nguni’t may mga pagkakataon na kinakailangang kami ay magtrabaho ng higit sa walong (8) oras. Ang problema po ay napapansin ko na tuwing nagtatrabaho kami ng higit sa walong (8) oras ay hindi kami binabayaran ng overtime pay. Ang ginagawa ng employer ko ay ibinabawas lang iyon o ini-offset sa aming mga late at undertime. Tama po ba ang polisiya na ito ng aming employer? — Analiza
Dear Analiza,
Ayon sa Article 83 ng Labor Code ng Pilipinas, ang pangkaraniwang oras ng trabaho ng isang empleyado ay hindi dapat lumagpas ng walong (8) oras sa isang araw. Nguni’t sa mga pagkakataon na ang empleyado ay nagtrabaho ng higit sa walong (8) oras, nakasaad sa Article 87 ng Labor Code na kailangang ang nasabing empleyado ay bayaran ng overtime pay:
“ART. 87. Overtime Work. – Work may be performed beyond eight (8) hours a day provided that the employee is paid for the overtime work, an additional compensation equivalent to his regular wage plus at least twenty-five percent (25%) thereof. Work performed beyond eight hours on a holiday or rest day shall be paid an additional compensation equivalent to the rate of the first eight hours on a holiday or rest day plus at least thirty percent (30%) thereof.”
Kaya naman, nasa batas na kailangang bayaran ng overtime pay ang isang empleyado na nagtrabaho ng higit sa walong (8) oras. Ang tanong, puwede ba ang patakaran na mag-off set ng overtime sa mga late o undertime ng isang empleyado?
Ayon sa Article 88 ng Labor Code, hindi maaari ang nasabing polisiya:
“ARTICLE 88. Undertime Not Offset by Overtime. — Undertime work on any particular day shall not be offset by overtime work on any other day. Permission given to the employee to go on leave on some other day of the week shall not exempt the employer from paying the additional compensation required in this Chapter.”
Ang dahilan ng batas dito ay dahil sa oras na ang isang empleyado ay nagtrabaho ng higit sa walong (8) oras, may karapatan siya sa overtime pay na tinatawag ding premium pay. Ang ibig sabihin nito ay karagdagang bayad sa empleyado bukod pa sa kaniyang arawang kita. Sa kabilang banda, kung ang isang empleyado naman ay umuwi nang maaga o late sa trabaho, ibinabawas lang ito sa kaniyang arawang kita. Kaya kung gagawin ang patakaran ng iyong employer, maaaring malugi ang empleyado kung ang kabayaran lang sa kaniyang pagtatrabaho ng higit sa walong (8) oras ay panakip sa kaniyang mga late at undertime. Ibig sabihin, kung ikaw ay nagtrabaho ng higit sa walong (8) oras, kailangang bayaran ka ng kaukulang karagdagang bayad o overtime pay.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyong iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





Comments