Ala-Willie na rin… SEN. BONG, NAMIGAY NG CASH, TABLET, NEGOSYO PACKAGE AT JACKET

Updated: Jan 9, 2021
ni Janiz Navida @Showbiz Special | January 7, 2021

Aminado si Sen. Bong Revilla, Jr. na nag-i-enjoy siya sa bago niyang 'career' ngayon bilang game show host, na bagama't hindi sa TV napapanood kundi sa Facebook page lang ng aktor-senador ay todo-bigay naman siya sa pagpapasaya sa kanyang milyong fans na nakatutok sa tuwing namimigay siya ng mga 'amazing giveaways'.
Nagsimula ang pamimigay ni Sen. Bong ng mga tablet, laptop, cash at negosyo package nu'ng kanyang birthday last September 26. Dahil sa lockdown at pandemic kung saan maraming bata ang nangailangan ng tablet at laptop para sa kanilang online schooling, naisip ni Sen. Bong na malaking tulong sa mga nangangailangan ang ipamimigay niyang mga regalo.
At dahil successful ang una niyang Kap's Amazing Giveaways, naulit pa uli ito nu'ng Pasko kung saan umabot na sa P20 milyon ang total ng naipamigay ni Sen. Bong.
Kaya naman, iniintriga ngayon ang mister ni Bacoor Mayor Lani Mercado na gusto raw nitong kumpitensiyahin ang Wowowin host na si Willie Revillame sa pamimigay ng cash, gadgets at pati jacket.
Nangingiti lang naman si Sen. Bong kasabay ng pagsingkit ng kanyang mga mata, pero aniya, wala siyang balak banggain o kumpitensiyahin si Kuya Willie at nag-i-enjoy lang siya kapag nakikita niyang parami nang parami ang tumututok sa kanyang FB Live na nu'ng last time nga ay umabot daw sa 14 million views, ha?!
At kung magbabalik-TV man si Sen. Bong, 'yan ay para raw sa kanyang upcoming action-fantasy series sa GMA-7, ang Agimat ng Agila, at hindi para mag-host ng game show sa GMA-7.
Samantala, naikuwento ni Sen. Bong sa get-together niya with a few entertainment press na bukod pala sa kanya, nagka-COVID-19 din ang anak na si Inah Revilla at ang buong pamilya nito (kasama pati mister, ang mga anak at mga kasambahay).
Nu'ng November lang daw nagpositibo sa COVID-19 ang pamilya ni Inah at buti na lang, hindi naman na kinailangang ma-confine sa ospital. Nag-isolate lang sila at self-quarantine at naka-survive rin naman.
Kaya nga sabi nina Sen. Bong at Mayor Lani, grabeng pagsubok talaga ang inabot ng kanilang pamilya nu'ng year 2020, dahil alam din naman ng lahat na sa taong ito pumanaw ang pinakamamahal na ama ni Sen. Bong na si Don Ramon Revilla, Sr.
Pero ang nakakahanga sa pamilya Revilla, sa kabila ng sunud-sunod na dagok at pagsubok na dumating sa kanila, nananatiling positibo ang pagtingin nila sa buhay, tuluy-tuloy pa rin sa pagtulong sa ating mga kababayan — may kalamidad man o wala — at patuloy silang naghahatid ng inspirasyon sa lahat.
Kaya naman, idol ko talaga si Kap, eh!!!





Comments