After ibulgar top 15 contractor, next sana ni PBBM mga sen. at cong. na tumiba ng kickback sa flood control projects
- BULGAR
- 15 hours ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 12, 2025

TOP 15 LANG CONTRACTOR NG FLOOD CONTROL PROJECTS, IBINULGAR NI PBBM, MALAKAS SIGURO SA MALACAÑANG ANG PANG-16 HANGGANG 20 CONTRACTOR KAYA ‘DI ISINAMANG IBINULGAR -- Isinapubliko na ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ang top 15 contractors ng mga flood control project sa bansa.
Aba teka, bakit top 15 lang, hindi ginawang top 20, o kaya mas mainam hanggang top 10 lang ang inanunsyo para magandang pakinggan o kaya hanggang top 20 para maganda rin pakinggan, kasi ang top 15 parang bitin.
Ihalimbawa natin na ang iba’t ibang research organization, na kapag naglabas sila ng data tungkol sa mayayamang probinsya, lungsod at munisipalidad tungkol sa mga corrupt na ahensya ng gobyerno, kundi top 10 ay hanggang top 20 ang isinasapubliko nilang datos, wala silang inaanunsyong top 15.
Siguro, malakas o may padrino sa Malacañang ang pang-16 hanggang pang-20 contractor kaya hanggang top 15 lang ang inanunsyo ni PBBM, boom!
XXX
DAPAT IBULGAR NI PBBM ANG MGA PORK BARREL SENATOR & CONGRESSMEN NA TUMIBA NG KICKBACK SA MGA FLOOD CONTROL PROJECT -- Base nga sa ibinulgar kamakailan lang ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ay 20% hanggang 40% ang kickback ng pork barrel senators and congressmen sa iba’t ibang infrastructure projects, kabilang itong flood control projects kung kaya raw karamihan sa mga imprastrukturang proyekto ng gobyerno ay palpak o kaya ay hindi natatapos.
Tutal ibinulgar na ni PBBM ang mga contractor ng mga flood control project na iyan, ang tanong: Kailan naman kaya ibubulgar ng Presidente ang pangalan ng mga pork barrel senator and congressmen na kumontrata sa mga construction firms na iyan, mga sen. at cong. na tumiba ng kickback sa flood control projects na iyan, period!
XXX
DAHIL SA PATAWA NI VICE GANDA TUNGKOL SA PAGKAKAKULONG NI FPRRD SA ICC JAIL, PINUTAKTI SIYA NG BATIKOS NG MGA DDS SA SOCIAL MEDIA – Sablay ang patawa ni comedian Vice Ganda nang gawin niyang katatawanan sa concert nila ni Regine Velasquez sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City ang pagkakakulong ng 80-anyos na si former Pres. Rodrigo Roa Duterte (FPRRD) sa International Criminal Court (ICC) jail sa The Netherlands.
Bagama’t may mga ‘nasiyahan’ sa pagkakakulong ni FPRRD sa ICC jail at hindi maitatanggi na isa si Vice Ganda sa tila natuwa, ay nalungkot naman ang milyun-milyong Duterte Diehard Supporters (DDS) sa sinapit ng ex-president.
At dahil nga sablay ang patawa ni Vice Ganda, hanggang ngayon ay pinuputakti siya ng batikos ng mga DDS sa social media, boom!
XXX
SA PANAHON LANG NI GEN. TORRE NANGYARI NA NAKAKUHA NG UBOD NANG TAAS NA PERFORMANCE AT TRUST RATING ANG PNP -- Sa inilabas na survey ng OCTA Research firm ay nakakuha ang Philippine National Police (PNP) ng ubod nang taas na 73% performance rating at 71% trust rating.
Ngayon lang nangyari iyan na ang PNP ay minarkahan ng publiko ng napakataas na grado sa rating, at nangyari iyan sa panahon ni PNP Chief Gen. Nicolas Torre III, at patunay iyan na nagustuhan ng taumbayan ang repormang ginawa niya sa pambansang pulisya, palakpakan naman diyan!
Comentários