top of page
Search
  • BULGAR

ABS-CBN, ipinasara… CONG. ALAN, TANGGAP NA MURAHIN NI ANGEL AT IBA PANG KAPAMILYA STARS

ni Janiz Navida @Showbiz Special | December 9, 2020



Inamin ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano na hindi naging madali para sa kanya ang desisyon nang isa siya sa mga bumoto na hindi bigyan ng bagong prangkisa ang ABS-CBN na nagresulta nga sa pagpapasara sa network.


Kahapon ay humarap sa entertainment press si Cong. Alan kasama ang kapatid na si Taguig Mayor Lino Cayetano para ibalita ang mga programa nilang makakatulong sa pagbuhay sa entertainment industry sa gitna ng pandemyang kinakaharap natin ngayon.


Isa sa mga bills na ginawa ni Cong. Alan ang Department of Arts and Culture Bill na ang layunin ay matiyak na hindi maisasantabi ang arts, culture at creative industries sa mga programang prayoridad ng gobyerno at para mai-promote ang talento ng mga Pinoy sa buong mundo.


Ayon kay Cong. Alan Peter, naiintindihan niyang marami ang nawalan ng trabaho nang magsara ang ABS-CBN, kaya nga raw gumagawa at humahanap sila ng paraan para makapag-provide pa rin ng trabaho lalo ngayong panahon ng pandemya.


At bagama't alam niyang maraming pamilya ang naapektuhan ng pagsasara ng Kapamilya Network, ang mas inisip daw niya sa pagbuo ng desisyon ay ang higit na dami ng bilang na makikinabang sa ginawa nilang hakbang ng mga kapwa niya mambabatas na naniniwalang may mga naging pagkukulang ang ABS-CBN kaya hindi nabigyan ng prangkisa.


Inamin nga ni Cong. Alan na hindi naging madali ang kanyang desisyon dahil kahit nasa pulitika siya, meron silang mga kaibigang artista sa Kapamilya Network na nadamay sa mga nawalan ng hanapbuhay tulad nina Shaina Magdayao, Bianca Gonzalez (ex-GF ng kanyang kapatid na si Mayor Lino) at sina Angel Locsin at Neil Arce.


At maiintindihan daw niya kung sumama ang loob ng mga ito at murahin siya sakaling magkita-kita sila dahil hindi nga naman madaling tanggapin na mawalan ng trabaho.


Inirerespeto raw niya ang opinyon at damdamin ng mga naturang celebrities at umaasa siyang isang araw ay makakapag-usap-usap din sila at magkakaintindihan.


Kaugnay ng usapin ng posibilidad na pagbabalik ng ABS-CBN ngayong iba na raw ang House Speaker at hindi na si Cong. Alan Peter, aniya ay posible naman talaga 'yun lalo't makakapagbigay ng mga dahilan ang Kapamilya Network para maging karapat-dapat daw silang bigyan ng bagong prangkisa.


Sayang at hindi na nagtagal sa presscon kahapon ang misis ni Cong. Alan na si District 2 Congresswoman Lani Cayetano, di sana'y nahingi rin namin ang reaksiyon niya sa mga bumabanat kay Cong. Alan dahil nga sa pagpapasara sa ABS-CBN.


Samantala, tiniyak naman nina Cong. Alan at Mayor Lino na patuloy silang sumusuporta at gumagawa ng mga paraan para makatulong sa entertainment industry. In fact, may mga proyekto ngayon ang Taguig City na ilo-launch soon kung saan may chance nang makapanood ng pelikula ang publiko kahit ipinatutupad pa rin ang social distancing.

Subaybayan na lang ang socmed account ni Mayor Lino Cayetano o ng Taguig local government para sa mga detalye sa mga latest programs nila.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page