911 hotline, dapat may sagot at agarang tulong
- BULGAR

- 2 days ago
- 2 min read
ni Leonida Bonifacio-Sison @Boses | August 18, 2026

Nakababahala kapag ang isang tawag para sa emergency ay nauuwi sa pangamba ng taumbayan. Sa oras na buhay ang nakataya, bawat segundo ay mahalaga. Kaya nararapat lamang na seryosong suriin ang anumang alegasyon ng pagkaantala sa pagtugon ng 911, lalo na kung may pasyenteng nangangailangan agad ng tulong.
Iniimbestigahan ngayon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang umano’y problema sa pagtugon sa isang emergency call sa Taguig na kinasangkutan ng isang 71-anyos na lalaki na inatake sa puso.
Iniutos ng ahensya ang pagsasagawa ng imbestigasyon matapos kumalat sa Facebook ang salaysay ng anak ng biktima. Ayon sa kanya, halos 10 minuto umanong paulit-ulit na tumawag ang kanyang pamilya sa 911 habang nangangailangan ng agarang medical assistance ang kanyang ama.
Dagdag pa niya, dumating ang ambulansya ngunit wala umano itong automated external defibrillator o AED at iba pang kinakailangang medical equipment. Dahil dito, napilitan ang pamilya na magsagawa ng cardiopulmonary resuscitation o CPR habang hinihintay ang tulong mula sa medical personnel. Sa kasamaang-palad, hindi na nakaligtas ang pasyente.
Mahalagang bigyang-diin na alegasyon pa lamang ang mga ito at patuloy ang imbestigasyon.
Depensa ng ahensya, taliwas ang ipinahayag ng pamilya, dahil agad umaksyon umano ang 911 hotline matapos matanggap ang distress call.
Dahil magkaiba ang mga pahayag, mas kailangan ngayon ang malinaw at patas na imbestigasyon. Hindi dapat pangunahan ng emosyon ang resulta, ngunit hindi rin dapat balewalain ang karanasan ng pamilyang nawalan ng mahal sa buhay.
Ang insidenteng ito ay higit pa sa isang reklamo. Paalala ito na ang emergency response system ay dapat gumagana kahit sa pinakamahihirap na sitwasyon. Kailangang matiyak na ang mga ambulansiya ay may sapat na kagamitan, ang mga responder ay maayos na sinanay at ang bawat distress call ay nasusundan hanggang sa makarating ang kinakailangang tulong.
Hindi rin dapat matapos sa simpleng pag-alam kung sino ang nagkamali. Kung may pagkukulang, dapat itong maitama at mapanagot ang responsable. Kung walang pagkukulang, dapat ding malinaw na maipaliwanag sa publiko ang aktuwal na nangyari.
Sa emergency, walang pamilya ang dapat maiwang nangangapa sa gitna ng takot. Ang 911 ay simbolo ng pag-asang may darating na tulong. Kaya tungkulin ng pamahalaan na siguraduhing kapag tumawag ang isang mamamayan sa oras ng panganib, ang serbisyong kailangan ay hindi lamang sumagot—kundi tunay na makatutulong.




Comments