79 probinsya na may flood control projects, dapat ding imbestigahan, hindi ‘yung pili lang
- BULGAR

- 2 hours ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | February 14, 2026

SAPUL DIN SI SEN. RISA HONTIVEROS SA PASARING NI SEN. BAM AQUINO SA MGA MAAGANG PUMOPOSTURA SA 2028 PRESIDENTIAL ELECTION – Nagpasaring si Sen. Bam Aquino sa mga maagang pumopostura sa 2028 presidential election. Ayon sa kanya, darating din ang 2028 at may tamang panahon para pag-usapan ito. Sa ngayon, dapat unahin ang paglaban sa korupsiyon, pagpapabuti ng edukasyon, pagpapalago ng ekonomiya, at pagpapababa ng presyo ng bilihin at bayarin.
Sa kanyang pahayag, tila sapul din dito ang kaalyado niyang si Sen. Risa Hontiveros, na kabilang sa mga maagang nagpakita ng interes sa pagkandidatong presidente o bise presidente sa 2028. Boom!
XXX
KAPAG PINATAWAN NG CONTEMPT SI TITO SEN, BAKA ANG GAWING RESBAK AY I-IMPEACH NAMAN MGA MAHISTRADO NG SC – Nagsampa ng petisyon sa Supreme Court (SC) ang mga abogado ng Duterte Diehard Supporters (DDS), humihiling na i-contempt si Senate President Tito Sotto kaugnay ng kanyang pambabatikos sa naging desisyon ng SC na nag-stop sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon sa eksperto, dapat maghunos-dili ang SC sa anumang hakbang laban kay Sotto, dahil magkahiwalay ang kapangyarihan ng Korte Suprema at Kongreso. Paalala, may kapangyarihan ang Senado at Kamara na i-impeach ang mga SC justices, gaya ng nangyari noon kay dating Chief Justice Renato Corona. Period!
XXX
FLOOD CONTROL PROJECTS SA 79 PROVINCES DAPAT IMBESTIGAHAN DIN NG SENATE BLUE RIBBON COMMITTEE KASI IMPOSIBLENG MGA DPWH OFFC’LS LANG SA BULACAN, MINDORO AT DAVAO OCCIDENTAL ANG MGA KORUP – Itinigil ng Senate Blue Ribbon Committee ang imbestigasyon sa flood control scandal nang hindi pa nasasaklaw ang ibang probinsya na may mga proyekto rin sa flood control. Tatlong probinsya lamang—Bulacan, Oriental Mindoro, at Davao Occidental—ang iniimbestigahan ng komite ni Senate Pro Tempore Ping Lacson.
Ayon sa “DPWH leaks” ng Bilyonaryo News Channel, may flood control projects ang lahat ng 82 probinsya. Marapat sana na inimbestigahan din ang iba pang lalawigan upang matukoy kung may mga ghost, substandard, o incomplete projects na ginawa ng provincial DPWH officials.
Sa ganitong sitwasyon, hindi patas sa mga DPWH officials ng Bulacan, Oriental Mindoro, at Davao Occidental na sila lamang ang napapailalim sa imbestigasyon at mga kasong isinampa, gayong malamang may kurakot din sa ibang 79 lalawigan. Tsk!
XXX
DOE, ANG HILIG MAG-ANUNSYO NG MGA DAGDAG-DUSA SA MAMAMAYAN – Nag-anunsyo ang Department of Energy (DOE) ng panibagong taas-presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo: P0.95 sa gasolina, P0.10 sa diesel, at P0.25 sa kerosene.
Marami ang nagsasabi na tila hilig ng DOE ang maghatid ng dagdag-dusa sa mamamayan sa tuwing tataas ang presyo ng langis. Buset!








Comments