7 taon pagkakakulong at P500-k multa sa magpapakalat ng sex video
- BULGAR
- Dec 28, 2021
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | December 28, 2021
Dear Chief Acosta,
Noong nakaraang taon ay mayroong nangyaring seksuwal sa amin ng kaibigan kong si “J”. Bagama’t pumayag ako na kuhaan niya ng video ang nangyari sa amin dahil pareho naman kaming nasa hustong gulang, malinaw na sinabi kong para lamang sa aming dalawa ang video na iyon. Ngayon ay nabanggit ng isa naming kaibigan na gumawa si “J” ng kopya ng naturang video. Hindi ko ito alam kung kaya’t kakausapin ko siya upang malaman ko kung totoo ito at siguruhing hindi lalabas ang nasabing kopya ng video, kung mayroon man.
Gayunman, nais kong malaman kung mayroon ba siyang posibleng paglabag sa batas dahil sa kinuha niyang video namin o dahil gumawa siya ng kopya at/o ipagkalat ang video namin nang wala akong pagsang-ayon? – Jeppoy
Dear Jeppoy,
Ang pagkuha ng lawaran at/o video ng pangyayaring seksuwal sa pagitan ng mga partido na nasa hustong gulang na ay kailangang kapwa mayroong pagsang-ayon nila. Dahil sila ay mayroon nang kapasidad na magdesisyon para sa kanilang sarili, ang kanilang pagsang-ayon ay nangangahulugang malaya nilang tinatanggap ang sitwasyon. Sa iyong sulat, nabanggit mo na nasa hustong gulang na kayo ng iyong kaibigan at kusang pumayag na kuhaan niya ng video ang naganap sa pagitan ninyo. Sa aspetong ito, hindi agarang masasabi na mayroon siyang naging paglabag sa batas.
Subalit nabanggit mong hindi ka nagbigay ng pahintulot na gumawa siya ng kopya ng naturang video sapagkat nais mong para lamang sa inyong dalawa ang nasabing video, at wala ka ring pagsang-ayon na ipagkalat niya ang video ninyo. Sa puntong ito, maaaring magkaroon siya ng paglabag sa batas kung sadyang gumawa siya ng kopya ng inyong video, o kaya naman ay ipagkalat niya ang nilalaman nito. Alinsunod sa Republic Act (R.A.) No. 9995 o mas kilala bilang “Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009”, ang paggawa ng kopya, pagpapakalat o pagpapalathala ng seksuwal na kaganapanan, nang walang pahintulot ng partido nito ay mahipit na ipinagbabawal. Ayon sa Section 4 ng R. A. No. 9995:
“Section 4. Prohibited Acts. - It is hereby prohibited and declared unlawful for any person:
x x x
(b) To copy or reproduce, or to cause to be copied or reproduced, such photo or video or recording of sexual act or any similar activity with or without consideration;
(c) To sell or distribute, or cause to be sold or distributed, such photo or video or recording of sexual act, whether it be the original copy or reproduction thereof; or
(d) To publish or broadcast, or cause to be published or broadcast, whether in print or broadcast media, or show or exhibit the photo or video coverage or recordings of such sexual act or any similar activity through VCD/DVD, internet, cellular phones and other similar means or device.”
Ang parusa na maaaring ipataw sa taong mapatutunayang lumabag sa nabanggit na probisyon ng batas ay pagkakakulong ng hindi bababa sa tatlong taon at hindi hihigit sa pitong taon at fine na hindi bababa sa P100,000 at hindi hihigit sa P500,000. [Paragraph 1, Section 5, Id.]
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.




Comments