31-anyos na lehitimong anak na may sakit sa pag-iisip mula nang ipanganak, maaaring
maging GSIS dependent ng ina.
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | March 22, 2021
Dear Chief Acosta,
Maaari ko bang ikonsidera ang aking lehitimong anak na 31-anyos ngunit mayroong sakit sa pag- iisip mula nang siya ay ipanganak at hindi kayang suportahan ang kanyang sarili, bilang aking dependent sa Government Service Insurance System (GSIS)? – Beatrice
Dear Beatrice,
Para sa inyong kaalaman, ang inyong katanungan ay tinatalakay sa Section 2 (f) ng Republic Act No. 8291, o mas kilala bilang “The Government Service Insurance System Act of 1997” kung saan nakasaad na:
“SECTION 2. Definition of Terms. — Unless the context otherwise indicates, the following terms shall mean:
x x x
(f) Dependents — Dependents shall be the following: (a) the legitimate spouse dependent for support upon the member or pensioner; (b) the legitimate, legitimated, legally adopted child, including the illegitimate child, who is unmarried, not gainfully employed, not over the age of majority, or is over the age of majority but incapacitated and incapable of self-support due to a mental or physical defect acquired prior to age of majority; and (c) the parents dependent upon the member for support; (Sinalungguhitan para bigyang-diin)
Sang-ayon sa nabanggit, ikinokonsidera pa rin bilang dependent ang lehitimong anak na higit pa sa legal na edad kung siya ay hindi kayang suportahan ang kanyang sarili dahil mayroon itong depektong pisikal o depekto sa pag-iisip bago pa siya tumuntong sa legal na edad.
Kaugnay nito, ang inyong lehitimong anak na 31-anyos na, ngunit may sakit sa pag-iisip mula nang siya ay ipanganak at hindi kayang suportahan ang kanyang sarili ay ikinokonsidera bilang inyong dependent.
Sana ay nabigyang-linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments