3 pari na nagkakaisa sa bokasyon at aspirasyon para sa simbahan at bayan
- BULGAR

- 10 minutes ago
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | November 10, 2025

Hindi tayo makapaniwala sa kuwento ng nakababatang paring nakilala natin ilang taon bago tinamaan ng COVID 19 ang buong Pilipinas.
Dati siya umanong adik at kabisado niya ang lahat ng uri ng alak at droga na pinagtitripan ng mga kabataan noong panahon niya. Sa gitna ng kanyang pagpapalayaw, naakit siyang magmisyonerong layko na kasapi sa Philippine Lay Mission.
Pinadala siya sa East Timor at naranasan niya ang mga panganib sampu ng mga tagumpay sa pakikiisa at paglilingkod sa mga mamamayan ng bansang dumaraan sa giyera.
Nang matapos ang giyera sa East Timor at nakabalik na rin siya sa Pilipinas, tila nagsimula na ang kanyang pagtatanong kung tinatawag din siya sa ibang uri ng buhay. Doon niyang nasubukang tingnan kung ano ang nasa kabilang bakod ng buhay.
Pasaway ba, lagalag?
Ano ang kanyang hinahanap? Barkada, gimik, tao, mundo, Diyos, dukha? Anuman talaga ang kanyang hinahanap, sinubukan niya ang iba’t ibang daan at paraan. Barkadahan, gimikan, inuman at iba pa.
Baka misyon ang sagot, Bikol, East Timor. Naisip na subukan ang seminary, Society of the Divine Word, SVD, Tagaytay. Kasusubok, sa wakas natumbok ang kanyang bokasyon. Naging paring misyonero, paring SVD si Fr. Flaviano Villanueva na noong nakaraang Biyernes, Nobyembre 7 ay tumanggap ng Ramon Magsaysay Award 2025.
Nakilala natin si Fr. Flavie bago pa mag-pandemic noong panahon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte. Tatlo kaming magkakaibigang pari na nagkakaisa sa bokasyon at aspirasyon para sa simbahan at bayan. Matibay at malalim ang aming pananaw sa dangal at karapatan ng tao. May pagka-aktibista ang tingin sa amin ng marami. Tama naman sila ngunit higit doon, tapat lang kaming tatlong pari at magkakaiba sa likas na hamon ng aming pananampalataya at bokasyon. Sinusundan namin si Hesu Kristo na sa aming binyag ay binahaginan kami ng kanyang tatlong karisma bilang hari, pari at propeta!
Ganoon kaming magkakaibigang pari, Fr. Bert Alejo Sj., Fr. Flavie at ako, ang paring “kalbong” mananakbo. Lalo pang umigting ang aming bokasyon bilang pari at ang aming pasyon bilang mga Pilipino, anak ng mahal na Inang Bayan sa panahon ni Pangulong Digong.
Simula pa lamang ng kanyang termino, malinaw na malinaw na ang tila panganib sa lahat. War on drugs ang kanyang binandera. Ayon sa kanya, droga ang pangunahing kalaban. Mga drug addict, pusher at drug lords ang mga salarin na nagdudulot ng gulo at kahirapan, aniya. Kapag nasugpo ang salot ng droga, nalipol ang mga gumagamit at nagtutulak, titino, uunlad, gaganda ang mahal nating bansa.
Ito ang ginawa niyang plataporma, puno’t dulo, dahilan ng kanyang pagiging pangulo. Tama ba? Totoo bang droga ang problema at tama ba na ang solusyon ay lipulin, ubusin at burahin ang mga gumagamit, nagtutulak at gumagawa ng droga? Alam din ng marami na hindi droga ang pangunahing problema ng Pilipinas. Alam din ng marami na hindi ang paglipol, ‘pagpatay’ ang solusyon. Ngunit, kaakit-akit ang mga simple at madaliang solusyon.
Iyon ang ginawa ni Hitler sa Alemanya. Naghihirap ang Alemanya, ang mga Hudyo raw ang dahilan. Lipulin ang mga Hudyo ang mainam. Kaya’t anim na milyong Hudyo ang ikinulong, ginutom, pinahirapan, pinatay at sinunog sa mga Konzentrationslager, concentration camp sa Polonya at Alemanya.
Ganoon ang sinabi rin ni ex-Pres. Digong sa simula ng kanyang anim na taon. Noong Setyembre 30, 2016, sabi niya, “Hitler massacred three million Jews, there are three million drug addicts in the Philippines. I will be happy to slaughter them. If Germany had Hitler, the Philippines… my victims, you know, I would like the criminals, I would like to finish the problem of my country and save the next generation.”
At nagsimula na ang pakikipaglaban naming tatlong pari sa kalagiman ng ‘pagpatay’ sa mga mahihina, mahihirap at maraming inosenteng mamamayan. Tumutulong na noon si Fr. Flavie sa maraming mahihirap na nakatira sa kalye sa Tayuman, Manila. Kain, maligo nang maayos, pagkalinga sa kanila. Nagtayo siya ng mga banyo at kasilyas para sa mga nakatira sa kalye. Pinakain, binihisan, binigyan ng edukasyon, paghuhubog tungo sa pagbabalik-dangal bilang mga anak ng Diyos. Nang nagsimula na ang ‘pagpatay’, sinimulan namin ni Fr. Flavie ang “paghilom.” Inalagaan, inalalayan, tinulungan, prinotektahan ang mga kaanak ng mga biktima ng “kill, kill, kill” ng war on drugs ng nakaraang pangulo.
Congrats Fr. Flavie. Salamat sa iyong pagkalinga at paghilom sa mga maliliit at mga biktima ng madilim, marahas at nakakamatay na inhustisya. Sabi ni Fr. Bert, “Saludo kapatid!”, at maraming, maraming salamat, kapatid.








Comments