SINO ANG MAG-UUWI NG P1-M AT SASABAK SA 3X3 WORLD TOUR?

MALALAMAN iyan ngayong araw ng Linggo (Marso 31) sa pagwawakas ng Chooks-To-Go Pilipinas 3X3 President’s Cup sa SM City Fairview kung saan maaring kahit sino sa 12 koponan ay may pantay na pagkakataong makuha ang malaking halaga.
Ang dalawang koponan na nag-kampeon ng tig-dalawang beses sa apat na yugto, ang Grindhouse Kings-Pasig at 1Bataan Risers, ang ipinasok na diretso sa quarterfinals kasama ang Pasay Voyagers at Go-For-Gold-San Juan Knights at naghihintay na lang ng kalaro.
Ang walong iba pang kasali ay daraan sa mga knockout na laro sa eksaktong 11:00 a.m. para malaman ang bubuo sa quarterfinals. Papasok ang mananalo sa tunggalian ng #8 Bulacan Kuyas at #9 MLV Zamboanga Valinetes, #7 Max Birada-Cebu at #10 Zark’s Burger-Quezon City, #6 Vigan Baluarte Wolves at #11 Bacoor Strikers at #5 Carga Valenzuela Classic at #12 Marikina Shoemasters.
Maliban sa salapi, paglalabanan din ng mga koponan ang karapatan at karangalan na katawanin ang Pilipinas sa mga parating na pandaigdigang torneo ng 3X3.
Ito ay ang FIBA Asia-Pacific Super Quest na gaganapin sa SM Megamall sa Abril 6 at ang FIBA World Tour Masters sa Doha, Qatar sa Abril 18.Para sa Super Quest, nagpahiwatag na ng kanilang paglahok ang Japan, Mongolia at Tsina na may tatlong pinakamataas ang ranggo sa Asya at kasama sa Top 10 sa buong mundo. Lalaro rin ang South Korea, Hong Kong, Chinese-Taipei, Indonesia, Vietnam, Australia at New Zealand.
Gaya ng dati, hindi mawawala ang Three-Point Shootout at Slam Dunk Contest. Ang mga nakaraang kampeon sa 3-Points ay sina Dylan Ababou at Joshua Munzon ng Pasig, Jan Jamon at Chris de Chavez ng Valenzuela at mga Dunk Champion na sina Kobe Paras, Joe Gomez De Liaño, David Carlos at Franky Johnson ay inaasahang babalik para malaman kung sino ang kampeon.





Comments