top of page
Pokwang.jpg

Karapatan ng mga mamimili sa ilalim ng Price Control Act

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 11, 2018
3 min read

Ang Price Control Act ay ipinasa ng Kongreso at isinabatas upang bigyan ng sapat na proteksiyon ang mga mamimili sa panahon ng mga kagipitan o biglaang pangangailangan. Ang polisiya ng batas na ito ay upang siguruhin na ang mga pangunahing pangangailangan ng tao ay mapanatili sa rasonableng halaga sa lahat ng oras at lalung-lalo na sa panahon ng kagipitan bunsod na rin ng mga kalamidad. Sa paglalagay ng kontrol sa mga bilihin ay sinisiguro rin ng pamahalaan na mayroong sapat na balik ng puhunan ng mga namumuhunan.

Ang mga pangunahing bilihing ito ay ang mga sumusunod: Bigas, mais, root crops, tinapay, isda (presko o nakalata) at iba pang laman-dagat, preskong karne ng baboy, baka at manok, itlog, tubig na nakalagay sa mga bote at iba pang lalagyan; gatas (fresh/processed), gulay at prutas, noodles, kape, asukal, mantika, asin, sabong panlaba, panggatong, uling, liquefied petroleum gas (LPG) at kerosene, kandila at mga kinakailangang gamot na pinag-uri ng Department of Health (DOH).

Ang mga prime commodity naman ay mga produktong hindi man kasali sa mga pangunahing bilihin, ito ay tinataguriang lubhang mahalaga tulad ng harina, de-latang karne ng baboy, baka o manok, sibuyas, bawang, suka, patis, toyo, sabon, fertilizer, pesticides, herbicides, mga patuka, papel at iba pang school supplies at mga construction material.

Sa ilalim ng batas na ito, ipinagbabawal ang pagtatago at pagtitipon ng pangunahing bilihin (essential commodities) at prime commodities. Masasabing mayroong pag-iimbak kung mayroong hindi makatwirang pamimili, pagtitipon at pag-iimbak ng isang tao na labis-labis sa kanyang normal na imbentaryo. Sa pagkakataon din na ang isang tao ay ayaw magbenta ng kanyang mga stock ng anumang uri ng pangunahing bilihin sa karamihan ng mamimili ay nangangahulugan din ng hindi rasonableng pag-iimbak ng pangunahing bilihin.

May karapatan ang bawat mamimili laban sa mga labis na nagtataas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at prime commodities. Mayroong labis na kita (profiteering) kapag ang pagbenta ng anumang pangunahing bilihin at prime commodities sa presyong sobrang taas sa nakatalagang presyo nito.

Ipinagpapalagay na mayroong labis na pagkita kapag ang mga pangunahing bilihin ay walang price tag; hindi tama ang sukat at bigat; may halo o nahaluan ng ibang uri o ibinebenta ang mga pangunahing bilihin nang mas mataas sa 10% sa kanyang presyo nang nakaraang buwan.

Ang karapatan laban sa mga cartel ay binibigyang-proteksiyon din ng batas na ito. Mayroong cartel na tinatawag kapag may dalawa o higit pang dami ng tao na nagkasundong magsagawa ng produksiyon, magpakalat, magproseso, magtago, mag-supply o magbenta ng mga pangunahing bilihin at prime commodities at ang kanilang layunin ay upang pataasin at manipulahin ang pagtaas ng presyo ng bilihin sa merkado.

Ang sinumang mahuling nagsasagawa ng illegal price manipulation ng mga pangunahing bilihin at prime commodities ay maaaring maparusahan na makulong nang hindi bababa sa limang taon at hindi hihigit sa 15 taon at pagbabayad ng multa na hindi bababa sa P5,000 at hindi hihigit sa P2,000,000.

Sa mga mahuhuli namang nagsasagawa ng paglabag sa price ceiling na itinalaga para sa mga pangunahing bilihin ay maaaring maparusahan ng pagkabilanggo ng hindi bababa sa 1 taon at hindi hihigit sa 10 taon at multa ng P5,000 at hindi hihigit sa P1 milyon.

Kapag ang nagsagawa ng mga nabanggit na paglabag ay isang korporasyon, ang opisyales at empleyado o ng kanilang Pilipinong kinatawan para sa mga banyagang korporasyon ng mga ito ang magiging responsable sa nasabing mga paglabag.

Ang awtomatikong price control para sa mga pangunahing bilihin ay magtatagal hanggang sa tagal ng kondisyon na nagbunsod nito subalit, hindi tatagal sa 60 araw. Para naman sa mga produktong hindi sakop ng regulasyon tulad na lamang ng LPG at kerosene, ang isinagawang price control ay hindi tatagal sa 15 araw.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page