Search
  • BULGAR

13th month pay ng mga empleyado, kailangang maibigay kahit may krisis

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | December 12, 2020



Dear Chief Acosta,


Isa akong empleyado sa pribadong kompanya. Kasalukuyan pa rin akong naka-work from home bunsod ng pandemya. Nais kong malaman kung matatanggap ba namin ang aming 13th month pay tulad ng mga nakaraang taon o maipagpapaliban ba ito? Nangangamba akong baka humiling ang aming kompanya sa mga sangay ng gobyerno na ipagpaliban ito. Paano naman ang mga bayaring kailangan ko nang maisaayos? Higit limang taon na ako sa aking trabaho. – Peter


Dear Peter,


Batay sa Revised Guidelines on the Implementation ng Presidential Decree (P.D.) No. 851 o 13th Month Pay Law, ang mga rank-and-file employees na namamasukan ng hindi bababa sa isang buwan sa loob ng calendar year ay dapat makatanggap ng kanilang 13th month pay nang hindi lalagpas sa ika-24 ng Disyembre ng bawat taon.


Batid nating malaking dagok ang dinala ng kasalukuyang pandemya sa bawat isa sa atin. Kapwa manggagawa at employer ay lubhang apektado. Gayunman, isiniguro ng ating Pamahalaan na matatanggap pa rin ng mga kawani ang mga angkop na benepisyo para sa kanila. Kabilang na ang 13th month pay na isa sa mga talaga namang inaabangan ng bawat manggagawa. Para sa kaalaman ng lahat, nagpalabas na ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng Labor Advisory No. 28, Series of 2020 (Guidelines on the Payment of Thirteenth Month Pay) noong Oktubre 16, 2020 na kung saan malinaw na nakasaad ang sumusunod:


III. TIME OF PAYMENT
The employer shall pay the 13th month pay on or before 24 December 2020.
IV. NO EXEMPTION OR DEFERMENT
No request or application for exemption from payment of 13th month pay, or for deferment of the payment thereof shall be accepted and allowed.

Alinsunod sa nabanggit na advisory, kinakailangang ibigay sa inyo ng inyong employer ang benepisyo ng 13th month pay sa o bago sumapit ang ika-24 ng Disyembre ng taong ito kung kayo ay kabilang sa mga rank-and-file employees. Alinsunod sa Revised Guidelines on the Implementation ng P.D. No. 851, “The minimum 13th month pay required by law shall not be less than one-twelfth of the total basic salary earned by an employee within a calendar year. x x x” Hindi maaaring ipagpaliban ang pagbibigay ng naturang benepisyo. Kahit pa humiling ang inyong kompanya na ipagpaliban ang pagbibigay ng nasabing benepisyo ay hindi rin sila papayagan ng DOLE.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyong inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.