13th month pay ng caregiver, obligasyon ng employer
- BULGAR

- Aug 8
- 2 min read
ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 8, 2026

Dear Chief Acosta,
Sa kasalukuyan, ang nanay ko po ay matanda na at may iniindang mga sakit. Ngunit dahil nagtatrabaho ako ay hindi ko siya matutukan sa buong araw, kaya napagpasyahan ko na kumuha ng caregiver. Gusto ko lang pong malaman kung kailangan ko po ba bayaran ang caregiver ng 13th month pay kasi kasama po ito sa hinihingi niyang benepisyo sa akin.
— Florencia
Dear Florencia,
Una sa lahat, alamin natin ang konsepto ng 13th month pay. Ayon sa Presidential Decree (P.D.) No. 851, ang 13th month pay ay katumbas ng 1/12 ng suweldo na kinikita ng isang empleyado sa loob ng isang taon.
Kaugnay nito, mahalagang maintindihan natin kung sinu-sino ba ang mga empleyado na may karapatan sa 13th month pay. Ayon pa rin sa nasabing batas, ang mga empleyado na itinuturing na rank-and-file employees na nakapagtrabaho ng kahit isang buwan sa kanyang amo, ay maaaring magkaroon ng karapatan sa 13th month pay.
Ano naman ang katayuan ng isang caregiver sa ilalim ng batas ukol sa 13th month pay? Ayon sa Section 11 ng Republic Act (R.A.) No. 11965, o ang Caregivers' Welfare Act:
“Section 11. Thirteenth Month Pay. - A caregiver who has rendered at least one (1) month of service is entitled to a thirteenth month pay which shall not be less than one-twelfth (1/12) of his/her total basic salary earned in a calendar year.
The thirteenth month pay shall be paid not later than December 24 of every year or upon separation from employment.”
Batay sa nasabing mga batas, ang mga caregiver na nakapagtrabaho ng kahit isang buwan ay may karapatan na tumanggap ng karampatang halaga ng 13th month pay. Kaya naman, may basehan sa batas ang hiling ng kukunin mong caregiver na mabigyan ng 13th month pay.
Bilang panghuli, ang caregiver sa ilalim ng nabanggit na batas ay tumutukoy sa:
“Section 3. Definition of Terms. - For purposes of this Act, the following terms shall mean:
(a) Caregivers refers to a person, at least eighteen (18) years of age, who renders services as enumerated under Section 7 of this Act and shall include the following:
(1) Licensed health care professionals who listed themselves voluntarily with the Department of Labor and Employment (DOLE) as caregivers;
(2) Any person duly assessed and certified by the Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) upon compliance with any of the following:
(i) Graduate of a caregiving qualification who achieved the required competencies;
(ii) Graduate of allied health care courses of an educational and/or accredited training institution; or
(iii) Practitioner or any person with prior learning and/or experience who has undergone competency or portfolio assessment.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




Comments