10 araw na paid leave para sa kababaihan na biktima ng karahasan
- BULGAR
- Feb 15, 2023
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Pebrero 15, 2023
Dear Chief Acosta,
Biktima ako ng karahasan ng aking asawa, kaya nanghingi ako ng tulong sa aming barangay at ako ay pinagkalooban ng tinatawag nilang Barangay Protection Order (BPO). Desidido akong sampahan ng kaso ang aking asawa, kaya humingi ako ng leave sa aming kumpanya upang maasikaso ko ito. Nagbigay ako ng mga kinakailangan na dokumento, kaya binigyan ako ng 10 araw na leave ngunit walang bayad. “No work, no pay” diumano ang patakaran namin sa kumpanya. Gusto kong malaman kung ang nasabing patakaran ay naaayon sa batas. –Amie
Dear Amie,
Ang leave para sa mga biktima ng karahasan laban sa mga kababaihan at kanilang mga anak ay makikita sa Seksyon 43 ng Republic Act No. 9262 o mas kilala sa tawag na “Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004”, kung saan nakasaad na:
“SECTION 43. Entitled to Leave. – Victims under this Act shall be entitled to take a paid leave of absence up to ten (10) days in addition to other paid leaves under the Labor Code and Civil Service Rules and Regulations, extendible when the necessity arises as specified in the protection order.
An employer who shall prejudice the right of the person under this section shall be penalized in accordance with the provision of the Labor Code and Civil Service Rules and Regulations.
Likewise, an employer who shall prejudice any person for assisting a co-employee who is a victim under this Act shall likewise be liable for discrimination.”
Batay sa iyong salaysay, binigyan ka ng 10 araw na leave nang walang bayad dahil “no work, no pay” ang patakaran umano sa inyong kumpanya. Samakatuwid, labag sa batas ang nasabing patakaran dahil ang mga biktima ng karahasan laban sa kababaihan tulad mo ay may karapatan na kumuha ng leave na may bayad na hanggang 10 araw, na maaari pang mapalawig kung kinakailangan, alinsunod sa protection order. Ito ay dagdag na leave sa iba pang mga leave na may bayad sa ilalim ng Labor Code at Civil Service Rules and Regulations.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments