Zero waste lifestyle para sa malinis na kapaligiran
- BULGAR
- Jan 31
- 3 min read
ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Jan. 31, 2025

Bago matapos ang buwang ito, nais nating ipaalala na kada Enero ay Zero Waste Month. May limang dekada na rin noon ang nakalipas mula nang magsimulang lumalala ang panganib sa ekolohiya sanhi ng basura at siyang nakapanghimok noong 1973 sa kimikong si Paul Palmer na maisip at maisapubliko ang katawagang “zero waste”.
Maraming aktibidad ang naidaos sa ating bansa nitong nakaraang mga linggo sang-ayon sa layunin ng zero waste movement. Isa sa mga kaakibat na usapin dito ay ang pagpapahalaga sa mga impormal na manggagawang ang maliit na kabuhayan ay nakasalalay sa pangongolekta o pagsasala ng basura upang maibukod ang maaari pang mai-recycle sa halip na mapasama sa bumubulwak nang mga tambakan o landfill.
Dahil sa nagkalat na samu’t saring basura, suportahan natin ang zero waste o ang pagbawas man lang sa tone-toneladang kalat na dulot ng ating mga nakagawian.
Kahit pa tayo’y may mga kababayang ang hanapbuhay ay pagkolekta ng basura o paglilinis ng ating mga espasyo, nararapat silang bigyan ng respeto’t malasakit at huwag salaulang ipaubaya na lamang sa kanila lahat ng kalat. Iwaksi ang mentalidad na “may pupulot naman nito” o “may magwawalis naman.”
Tayo mismo ang “ground zero” o simula ng kani-kanyang zero waste na pamumuhay. Kung pagsasama-samahin ang ating displina ukol sa basura, malayo ang ating mararating. Sanga-sanga man ang uri ng basura at perhuwisyong dulot nito, marami rin ang paraan upang harapin ang hamon ng basura. Namamayagpag sa kampanyang ito ang popular na paggamit ng mga eco bag. Bawal na nga rin ang paggamit ng plastik na supot sa ilang mga siyudad at mga tindahan dito. Nakatutuwa rin ang kasikatan ng reusable na mga boteng pang-inumin at ang unti-unting pagwaksi sa pagtangkilik ng tubig na nasa plastik na bote. Patuloy nating ipaunawa na malaking kasayangan ang produksyon ng boteng plastik na itatapon lamang pagkaubos ng laman, samantalang ang pag-inom mula rito ay may dala ring mga microplastic na maaaring makapasok sa mga daluyan ng ating dugo at makalason sa ating pangangatawan.
Walang kupas din ang kaugalian na imbes na itapon ang napaglumaang mga damit, bag at iba pang kagamitan ay tingnan kung maipagkakaloob pa ito sa mga institusyong pangkawanggawa na tumutulong sa mga maralita. Marami na rin ang nakauunawa na maganda para sa kalusugan, sa mundo at sarili ang maglakad o magbisikleta kung ’di kalayuan ang paroroonan sa halip na gumamit ng behikulo habang sumusunog ng gasolina ay unti-unti ring sinusunog ang planeta. Salamat din at dumarami ang mga korporasyon o bahay-kalakal na may taglay na mga pamamaraan upang makatulong sa pagbawas ng pag-ubos ng likas na yaman at krudo, o kaya’y gumagamit ng ni-recycle na mga natural na panangkap para sa paggawa ng kanilang mga produkto. Dahil nakasanayan na natin ang paggamit ng mga app at iba pang digital na teknolohiya, nabawasan ang ating paglilimbag na nakaaaksaya ng papel at tinta. Hindi rin kaunti ang nakababatid ng kaugaliang burahin ang hindi na kailangang mga email, upang makabawas sa gastos sa kuryenteng kinukonsumo ng mga data server na nagpapatakbo ng internet.
Bagama’t nakaaakit ang naglipanang bilihin sa mga tindahan, sa gusali man o online, nasa kamalayan ng hindi lang iilan na hindi dapat walang pakundangan sa pagpapalit ng mga gamit. Nakakaganyak ring masaksihan ang malawakang pagtangkilik sa mga solar panel upang makabawas sa enerhiyang nasasayang dala ng kuryenteng masakit sa bulsa.
Laganap rin ang pag-iwas sa paggamit ng styrofoam na mga lalagyan at mga plastik na straw, at ang kapalit ay ang pagbaon sa mga lakad ng paulit-ulit na magagamit na mga baunan at panghigop ng inumin. Marami na rin ang nanumbalik sa paggamit ng safety razor na napapalitan ang blade, imbes na umasa sa plastic at disposable na pang-shave.
Unti-unti ring nadaragdagan ang matitiyagang ginagawa ang composting o ang paggamit ng piling basurang pagkain bilang pampataba sa hardin. Nakapapangiti rin ang pagsuporta sa mga negosyong ang kalakalan ay pag-upcycle ng mga gamit na bagay na maaaring maging hilaw na materyales upang makabuo ng mga silya, pader at iba pa.
Ilan lamang iyan sa maaari nating maiangkop na mga gawaing pambawas basura sa araw-araw. Sabihin man ng mga mapang-uyam na “habang may buhay, may basura”; mas matimbang at dalisay naman ang katotohanang “habang may buhay, may pag-asa”. Tayo ay makatutulong na magawan ng paraang mapalapit sa zero ang kalat sa ating kapaligiran. Hindi man makakaya na burado ang lahat ng kalat sa balat ng lupa, basta hindi tayo zero sa pag-asinta nang lubos hanggang sa ang basura ay halos maubos.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Comments