Zero-balance billing, pangakong ‘di ramdam ng taumbayan
- BULGAR

- 4 hours ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | January 12, 2026

Kung titignan, tila regalo sa taumbayan ang tig-P1 bilyong pondo para sa mga specialty hospital sa ilalim ng 2026 national budget. Ngunit ito’y puro press release lamang, at walang malinaw na kasiguruhan kung maisasakatuparan nga ba ito para sa mamamayan.
Ang zero balance billing na ipinagmamalaki ng administrasyong Marcos ay muling ipinahayag bilang malasakit, pero sa aktuwal na karanasan ng pasyente, madalas itong nananatiling pangako lamang.
Ayon sa Department of Health (DOH), apat na specialty hospital ang tatanggap ng tig-P1 bilyon: Lung Center of the Philippines, National Kidney and Transplant Institute, Philippine Children’s Medical Center, at Philippine Heart Center. Mga ospital na humahawak ng pinakamabibigat at pinaka-komplikadong kaso. Sabi ng ahensya, makatutulong ang pondo para mapalawak ang saklaw ng zero balance billing at hindi na raw kailangang itaas ang singil sa private services.
Maganda itong pakinggan, pero dito nagsisimula ang problema. Ang mga ospital na ito ay government-owned ngunit pinatatakbo na parang pribado. Umaasa sila sa kita mula sa private patients para tustusan ang libreng serbisyo. Ibig sabihin, kahit may zero balance billing, nakadepende pa rin ito sa kung kumikita ang ospital. Kapag kulang ang kita, hirap din ang serbisyong libre. Hindi ito tunay na garantiya, kundi kondisyonal na tulong.
Dagdag pa rito, ang P448.125 bilyong health budget para sa 2026 ay ipinakilalang pinakamalaki sa kasaysayan, may dagdag ding P1 bilyon para sa zero balance billing sa mga ospital ng lokal na pamahalaan. Ngunit ang laki ng pondo ay hindi awtomatikong katumbas ng ginhawa. Sa sistemang matagal nang inuugat ng katiwalian, ang pondo ay nagiging anunsiyo, hindi solusyon.
Sa ganang akin, hindi bagong programa ang zero balance billing. Matagal na itong naririnig ng mga pasyenteng paulit-ulit pa ring naglalabas ng pera para sa gamot, laboratoryo, at iba pang “out of pocket” na bayarin. Kapag ang dagdag-badyet ay walang malinaw na mekanismo ng pananagutan, nagiging palamuti lamang ito sa pandinig ng taumbayan.
Ang ganitong pahayag ay mas kahawig ng maayos na press release kaysa konkretong reporma. Walang paliwanag kung paano masisiguro na direktang mararamdaman ng taumbayan ang pondo, o kung sino ang mananagot kapag muling nabigo ang pangako ng libreng gamutan.
Ang kalusugan ay hindi dapat ginagawang entablado ng propaganda. Ang tunay na malasakit ay hindi nasusukat sa laki ng inilaang pondo, kundi sa dami ng pasyenteng umuwing magaling nang walang binayaran. Hangga’t hindi ito nangyayari, mananatiling duda ang umiiral, at ang zero balance billing ay mananatiling paulit-ulit na pangakong nakalagay sa press release.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments