“Big fish” sa likod ng anomalya, bakit si Zaldy ang pinupuntirya?
- BULGAR

- 2 hours ago
- 3 min read
ni Ka Ambo @Bistado | January 12, 2026

Tapos na ang mahabang Pasko.
Tapos na rin ang pinakamahabang prusisyon sa imahe ng Poong Nazareno.
Pero, nasaan ang mga “big fish” na dapat makasuhan at makalaboso sa scam ng annual budget?
-----$$$--
NANGAKO kasi si PBBM na ipakukulong niya ang mga mandarambong sa trilyong pisong flood control projects scam bago mag-Pasko.
Mabagal ang usad ng kaso lalo na ang isyu laban kay dating Speaker Martin Romualdez.
-----$$$--
DINIDEDMA lang kasi ang matitibay na ebidensiya at testimonya na ibinunyag mismo ni ex-Rep. Zaldy Co.
Pero mula sa online expose ni Co, mala-piyesa ng domino na nagsipagbitiw sina ex-ES Lucas Bersamin, DBM Sec. Amenah Pangandaman, mga Usecs at ang misteryosong pagkamatay ni ex-Usec Cathy Cabral.
-----$$$--
Si Zaldy pa ang tinawag “pugante”, imbes na pag-aralan ng Office of the Ombudsman ang nilalaman ng video series ng dating kongresista na direktang nag-uugnay kina Marcos Jr. at Romualdez.
Itinuturing silang mga “big fish” sa isang pinakamalaking katiwalian sa kasaysayan ng bansa.
-----$$$--
HINDI rin pinayagang makapasok sa Witness Protection Program ang mag-asawang Curlee at Sarah Discaya.
Puwede sana silang magamit bilang testigo at magbunyag ng mga detalye sa katiwalian.
----$$$--
IBINAON naman sa limot ang salaysay ni Sgt. Orly Guteza kahit pa ang kanyang sinabi na naghatid siya kay Romualdez ng male-maletang pera.
Kinumpirma rin mismo ni Co ang testimonya ni Guteza kaya’t nagkaroon na ito ng inaantay nilang “kolaborasyon”.
----$$$--
ANO ang ginagawa ng Department of Justice at Office of the Ombudsman na pimumunuan ni Jesus Crispin Remulla?
Imbes kasi na tutukan ang mahahalagang lead, salaysay, at dokumento, may mga nagsasabi na tila mas abala na iligtas ang mga tunay na may pakana ng pandarambong.
-----$$$--
ANG taktika kasi ay puwedeng maghanap ng scapegoat o fall guy.
Nakapagtataka rin kung bakit mas pinapahalagahan ang salaysay ni dating DPWH Usec. Roberto Bernardo at pati ng BGC Boys sa pangunguna ni dating District Engr. Henry Alcantara.
------$$$--
ANG problema, batay sa mga pinakahuling ulat, nagsimula nang mag-recant at bumaliktad si Alcantara.
Wala kasi sa kanilang kuwento sina Marcos Jr. at Romualdez, pero may ibang inginunguso kahit wala namang tinutuntungang mabibigat na ebidensiya at puro paratang lamang.
-----$$$--
UMAALMA ang mga abogado nina Sen. Joel Villanueva at dating Sen. Bong Revilla dahil sa kaduda-dudang proseso.
Ayon kay Atty. Ramon Esguerra, hindi consistent ang mga pahayag ni Bernardo.
Sa bawat karagdagang salaysay, tila may bagong direksyong sinusundan.
-----$$$---
MAYA’T maya ang script revisions para mas gumanda ang eksena.
Para kay Esguerra, ang mga akusasyon ni Bernardo ay saktong tabas at tahi upang kumasya sa direksyon ng imbestigasyon nina Remulla na nagsasalba sa ilan na may kasalanan habang nagdidiin sa iba na walang sala.
----$$$---
NAGSUMITE si Bernardo ng limang affidavits at ito’y isang original, at katakut-takot na supplementary affidavits.
Para sa sinumang law student, red flag na agad ‘yan.
Bakit kailangang paulit-ulit na magdagdag?
-----$$$--
NATUTORETE ang mga nagmamasid kung sino ang pipiliing pakinggan – Bernardo at BGC Boys, at aling testimonya at ebidensya ang isasantabi – Co, Discaya couple, at Sgt. Guteza?
Hangga’t script ang inuuna kaysa ebidensya, hindi hustisya ang ating makakamtan, kundi palabas na ang ending ay alam na natin kung sino ang maliligtas at kung sino ang makakalaboso.
Kumbaga sa “Batang Quiapo”, mahuhulaan ang “wakas” ng teleserye!!!
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.








Comments