top of page
SPECIAL - MISTER NI BEA NA SI VINCENT, ‘DI TINANGGAL SA PUREGOLD_IG _beaalonzo.jpeg

'Yun lang! COCO, HURT NA ILANG BESES INAYAWAN NG ABS-CBN DAHIL HUBADERO

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 30, 2023
3 min read

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | March 30, 2023




Hindi nakasagot si Coco Martin sa tanong kung for the love o may talent fee siya sa pelikulang Apag na entry ng Center Stage Productions at Hongkong International Film Festival Society, produced and directed by Brillante Mendoza, mula sa panulat ni Arianna Martinez para sa First Summer Metro Manila Film Festival na magsisimula ngayong Abril 8.


Natawa kasi kaagad ang aktor kaya kinuha ni Direk Brillante ang mikropono at sinabing, "Napakamahal po ng talent fee niya, kaya nga ako naghirap (sabay tawa)."


Kung iaanalisa ang reaksiyon ng dalawa ay parang ‘for the love’ ang serbisyong ibinigay ni Coco sa Apag bilang pagtanaw pa rin ng utang na loob sa kanyang mentor na naging daan para makapasok siya sa telebisyon at mainstream movies.


Kuwento nga ni Direk Brillante, sa tuwing may nababalitaan daw si Coco na ginagawa niyang pelikula ay panay ang kulit nito kung puwede siya sa kahit anong role.


"Si Coco kasi, sabi niya, ‘Uy, hindi ba ako bagay diyan (role)?’ Sabi ko, 'Sobra ka naman, hindi ka na puwede rito (dahil sikat ka na).' Wala naman sa project din at masaya kami kapag magkakasama kami kahit walang project, nag-uusap pa rin kami. Hindi nawala 'yung communication tungkol sa trabaho. Kami-kami pa rin ang nag-uusap kapag may problema," masayang sabi ng direktor.


Para naman kay Coco, hindi uso sa kanya ang salitang ‘sikat’ tulad ng gustong tukuyin ng mentor niya, dahil trabaho lang daw ang lahat ng ginagawa niya, kaya nananatiling nakatapak ang mga paa niya sa lupa.


"Hanapbuhay lang talaga ang tingin ko sa ginagawa ko, kasi paulit-ulit kong sinasabi na hindi ko pinangarap maging artista. Gusto ko talaga, mag-TNT abroad para mabigyan ng magandang buhay ang pamilya ko," kuwento ulit ng aktor for the nth time.


Nabanggit din ni Coco na natulungan siya ng mga matatagal na sa industriya at napayuhan din kung ano ang mga dapat gawin kaya naging successful actor siya.


At dito inamin ng aktor na malaking bahagi sa showbiz career niya si Jaclyn Jose dahil ito ang nagtulak sa kanya para subukan ang telebisyon na ilang beses siyang ni-reject na ikinasama talaga ng loob niya.


Sa mga indie films ni Direk Brillantes nagsimula si Coco at sa lahat ng mga ito ay walang kiber siyang nagpakita ng katawan tulad sa Masahista (2005) at Serbis (2008) kung saan parehong kasama niya ang batikang aktres na si Jaclyn.


"Siya po ang dahilan kung bakit ako nakapasok sa TV kasi marami akong rejection dahil nga nag-umpisa ako sa indie films at naniniwala kami sa proyektong ginagawa namin at hindi namin ito tinitingnan (na bastos) kasi si Direk Dante (Brillante), ang mindset niya ay nasa abroad, talagang kompetisyon, lumaban abroad.


"Tingin sa akin ng network, bold actor (at) sexy actor. 'Pag nag-i-inquire sila kay Direk Dante para kunin ako, hindi ko makakalimutan ito, unang in-inquire nila kay Direk Dante, ‘Direk, puwede ba si Coco na maging love triangle nina Shaina (Magdayao) at Rayver (Cruz)?'


"Siyempre si Direk Dante, excited. Kasi mabibigyan ako ng trabaho. Alam naman natin na kapag sa TV, 'yun ang bread and butter kasi regular show. 'Pag sa pelikula kasi, minsan meron, minsan wala.


"Kaya excited kami na magkakaroon na ako sa TV, may regular show na. Tapos, biglang binalikan kami na, ‘Eh, direk, si Coco Martin pala ay bold actor.’ Alam mo naman, medyo conservative kapag ila-love triangle kina Rayver at Shaina. Sabi ko 'Okay, eh, di next time.'"


Then, ang next offer ay gay best friend sana siya ni Judy Ann Santos. Kaso, muli raw siyang ni-reject dahil nga bold actor ang image niya.


"Honestly, na-hurt ako kasi ang taas ng tingin ko sa trabahong ginagawa ko, hindi ko tinitingnan na magpapakita ako ng katawan para sumikat. Hindi ‘yun. Ginagawa ko kasi, naniniwala ako sa respeto ng trabahong ginagawa ko, kahit ano pa ‘yan!


"Kaya mula noon ayaw ko na, sabi ko kung ayaw nila sa akin, eh, di ‘wag! Hindi ko naman ipinagpipilitan ang sarili ko. Sila ang nag-inquire sa akin, tapos makakatikim ako ng rejection.


Ang baba ng tingin nila sa akin, pero ang taas-taas ng ginagawa ko sa trabaho ko,” balik-tanaw ng aktor.


Hanggang sa nagkausap daw sila ni Jaclyn habang nag-iinuman sa Cannes kung saan sila dumalo ng international competition at nabanggit nga ng aktres na kinukuha siya ni Direk Andoy Ranay for Ligaw na Bulaklak (2008).


Ayaw na raw sanang tanggapin ni Coco pero kinumbinse siya ni Jaclyn for the last time at doon na nga raw siya napansin ng ABS-CBN at nagdire-diretso na ang trabaho niya at narating ngayon ang pagiging aktor-direktor-producer.


Anyway, tiyak na gugutumin ang mga makakapanood ng Apag (Feast) dahil inihain sa pelikula ang mga Pampanga’s best food sa tuwing may okasyon.


Kasama rin sa pelikula sina ex-Senator Lito Lapid, Pampanga ex-Governor Mark Lapid, Gina Pareño, Julio Diaz, Vince Rillon, Joseph Marco, Ronwaldo Martin, Shaina Magdayao, Mercedes Cabral, Gladys Reyes, Carlos Canlas at Jaclyn Jose.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page