Winter Olympic flame sinindihan na sa Beijing
ni MC - @Sports | October 22, 2021

Dumating na ang Winter Olympic flame sa China para sa Beijing 2022 Games, ayon sa state media kasunod ng seremonya sa Athens na iprinotesta dahil sa kontrobersiyal na human rights record umano ng China.
Ang Beijing na nakatakdang maging unang host ng Summer at Winter Games ay sinalubong ang seremonya ng pagsisindi ng sulo sa umaga sa Olympic Tower ng capital city at ididispley ito sa publiko bago isagawa ang exhibition tour.
Tinatayang may 2,900 athletes, na kakatawan sa 85 National Olympic Committees ang magsasagupa sa Winter Games sa Peb. 4-20, 2022. Sinindihan ang sulo sa Athens noong Lunes at nilipat nang sumunod na araw sa organizers ng Beijing Games.
Ang napakasimpleng event ay idinaos nang kakaunti ang audience dahil sa coronavirus at wala ring palabas na mga tradisyon at wala ring torch relay mula sa Greece.
Pero inaakusahan ng rights campaigners ang International Olympic Committee na nagbubulag-bulagan sa mga umano'y nagaganap na pang-aabuso sa China, lalo na ang pang-aapi sa Tibet, maging sa maling trato sa Muslim minorities sa rehiyon ng Xinjiang at sa ibang bahagi ng Hong Kong.
Nang-agaw atensiyon ang mga aktibista habang isinasagawa ang lighting ceremony, nagwagayway ng Tibetan flag at may banner na "no genocide" bago napayapa sila ng Greek police. Iyan din ang protesta sa Acropolis sa Athens noong Linggo.
Nang mag-host ang Beijing noong 2008 Games, ang relay ay ginambala rin ng kilos-protesta sa Europa at North America.





Comments