Windsurfer Coveta, sasabak sa Mussanah Open para sa OQT
- BULGAR
- Mar 27, 2021
- 1 min read
ni VA - @Sports | March 27, 2021

Nakatakdang makipagsapalaran ang apat na Filipino windsurfers para mag-qualify sa darating na Tokyo Olympics sa buwan ng Hulyo sa kanilang gagawing pagsabak sa 2021 Mussanah Open Championship na idaraos sa Oman.
Nasa bansang Oman na ang mga atletang Pinoy na pinangungunahan ni 2-time RS: One world champion Geylord Coveta. Nakarating sila roon noon pang Martes at handa ng lumahok sa gaganaping Asian and African Olympic qualifying competition na nakatakda sa Abril 1-8. Bukod kay Coveta, sasabak din sina 2019 Southeast Asian Games gold medalist Yancy Kaibigan at Renz Angelo Amboy para sa nakatayang nag-iisang Olympic slot sa RS:X Male event.
Si 2019 SEA Games silver medalist Charizzanne Jewel Napa ay isa sa apat na babaeng windsurfers na mag-aagawan sa nag-iisa ring nakatayang Olympic berth sa RS:X Female event. Ang tatlo pa niyang makakalaban ay mula sa Indonesia, Singapore at Algeria. Nagpapasalamat si Philippine windsurfing team head coach Raul Lazo, na naimbita ang apat na Pinoy windsurfers na lumahok sa naturang Olympic qualifier kahit na wala silang nasalihang anumang kompetisyon dahil sa COVID-19 pandemic.
Kumpiyansa rin si Lazo sa tsansa ng mga Filipino windsurfers na ilang buwan ding nagtiyagang magsanay sa isang resort sa Mabini, Batangas kahit may pandemya. "We're thankful for the local government of Mabini for being cooperative for the training of our athletes. As early as last year, we're preparing already amid the pandemic," wika ni Lazo. Target ng apat na masundan ang ginawa ni Richard Paz na nag-qualify at nakalaro noong 1988 at 1992 sa Olympic windsurfing competitions.





Comments