WILLIE, WALA NANG SPONSORS, DEDMA NA SA MGA BINAHA
- BULGAR

- 3 hours ago
- 3 min read
ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | September 4, 2026

Photo: File / Willie Revillame - Willyonaryo FB
Marami ang nagtataka at naninibago ngayon kay Willie Revillame. Dalawang bagyo at baha na ang dumaan sa National Capital Region (NCR) at iba pang lalawigan tulad ng Bulacan, Pampanga, Tarlac, Pangasinan at Zambales, pero hindi siya nagparamdam o nagbigay ng tulong sa mga binaha.
Dati-rati, kapag may nangyayaring kalamidad sa bansa, isa si Willie sa mga unang nagpapadala ng tulong at ayuda.
Noong nagkaroon ng nationwide strike ang mga jeepney drivers, nagbigay siya agad ng milyones na ayuda para sa mga nawalan ng pagkakakitaan.
Pero ngayon na napakalawak ng mga lugar na binaha at maraming pamilya ang nawalan ng bahay, walang Willie Revillame na tumulong.
Nagsawa na kaya siya sa pagtulong o nagtampo dahil hindi nanalong senador noong nakaraang eleksiyon?
Ang sabi naman ng ilang mga netizens, wala na siyang TV show na kumikita sa mga sponsors. Alangan namang ang personal niyang pera ang ubusin niya sa pagtulong sa tuwing may kalamidad? Naging praktikal lang naman si Willie. May mga anak siyang dapat din niyang bigyan ng magandang buhay.
May pa-ayuda rin sa mga binaha…
MADIR NI RYZZA, GAYA-GAYA RAW KAY IVANA
GINAGAWANG issue ngayon ng mga bashers ang pamimigay ng ayuda ni Ivana Alawi sa gitna ng baha nitong nakaraang linggo. Nagpapapansin lang daw ang aktres-vlogger at gustong maging bayani sa mata ng publiko, kaya kahit na sa gitna ng bagyo at baha ay sumuong siya upang maghatid ng ayuda.
Well, depensa naman ng mga fans ni Ivana, dati pa ay tumutulong na ito kahit walang kalamidad. Kung tutuusin, mas kapuri-puri ang pagtulong niya kaysa sa mga pulitikong walang pakialam sa mga taong binaha at nawalan ng bahay, pati na ng kabuhayan.
Hindi naman hangad ni Ivana na pagkakitaan ang kanyang pagba-vlog sa ginagawa niyang pagbibigay ng ayuda.
Samantala, may issue pa ngayon na pinagkukumpara si Ivana at ang mom ni Ryzza Mae Dizon na si Mommy Rizza. Tulad ni Ivana, namimigay din ng tulong si Mommy Rizza sa kanyang mga kababayan sa Pampanga.
Sey ng mga supporters, gaya-gaya raw at nagpapapansin din ang ina ni Ryzza Mae, pero alam ng lahat na dati nang ginagawa ni Mommy Rizza ang pagbibigay ng ayuda, kahit na wala pang bagyo at baha.
Bigas, groceries at itlog ang kanyang ipinamimigay. Minsan ay may packed lunch pa.
Wala namang masama kung tumulong din sila sa mga nangangailangan. Ito ang paraan nila sa pagse-share ng mga blessings na kanilang natatanggap.
Ngayon ay may 2 million subscribers na ang Team Ryzza sa TikTok.
Nang maghiwalay sila ni Joem… MERYLL, BINILHAN NG ENGAGEMENT RING ANG SARILI
UMAMIN si Meryll Soriano sa interview niya kay Karen Davila na noong naghiwalay sila ni Joem Bascon ay binilhan niya ang kanyang sarili ng engagement ring.
Well, 5 years din siyang naging single, minahal muna niya ang kanyang sarili at nagmuni-muni sa naging takbo ng kanyang buhay.
Ayaw na niyang dumanas pa ng kabiguan sa pag-ibig. Gusto niyang alamin kung ano ang kanyang naging pagkukulang para makatanggap ng mga pagsubok sa buhay.
Maraming kaibigan ang umalalay at nagbigay ng moral support kay Meryll nu’ng kailangan niya ng pagmamahal at pang-unawa.
At isang araw ay nagising na lang siya at naipangako sa sarili na itutuwid niya ang kanyang mga pagkakamali at magbabagong-buhay na alang-alang sa kanyang mga anak.
Nagkabalikan sila ni Joem at panatag na ang kanyang buhay ngayon. Nalagpasan na ni Meryll ang matinding unos at pagsubok.
Nagpasalamat siya sa mga taong sumuporta, nagmahal at hindi nang-iwan sa kanya sa panahon na lugmok siya at nasa madilim na bahagi ng kanyang buhay. Naging matibay na sandigan din ni Meryll ang kanyang Papa Willie Revillame.





Comments