WHO, binatikos sa pagkuha ng mas maraming senior directs sa gitna ng kakulangan sa budget
- BULGAR
- 15 hours ago
- 3 min read
ni Chit Luna @News | May 3, 2025
World Health Organization - WHO / Circulated
Nahaharap sa matinding pagsusuri ang World Health Organization (WHO) dahil sa pagpaparami ng senior director positions sa Geneva, na nagdudulot ng pangamba sa tamang paggamit ng limitadong pondo.
Ayon sa mga kritiko, naililihis nito ang pondo mula sa mahahalagang initiatives sa pampublikong kalusugan, lalo na’t humaharap ang organisasyon sa kakulangan sa badyet.
Batay sa pagsusuri ng Health Policy Watch sa datos ng human resources ng WHO, tumaas nang malaki ang bilang ng D2-level directors — isang mataas na posisyon sa ilalim ng senior team ng Director-General — mula 39 noong Hulyo 2017 patungong 75 pagsapit ng Hulyo 2024.
Tinatayang umaabot sa $92 milyon ang pinagsamang gastos para sa mga senior position na ito, kasama ang team ng Director-General.
Maaari pa itong umabot sa $130 milyon kung isasama ang mga P6-level staff na may katulad na responsibilidad sa pamamahala. Binatikos ng Nicotine Consumers Union of the Philippines (NCUP) ang prayoridad ng WHO sa paggastos.
“It is time for the WHO to refocus on its mandate of improving public health, instead of spending its resources on highly-paid officials who support their dogmatism, such as alienating the hundreds of millions of smokers who deserve less harmful alternatives. With the US withdrawing its support from the WHO, hiring more executives is unjustifiable,” ani Antonio Israel.
Ipinahayag din niya ang pag-aalala sa pagdepende ng WHO sa pribadong pondo, na maaaring magdulot ng conflict of interest.Binanggit niya ang Bloomberg Philanthropies, na dati nang inakusahan ng Kongreso ng Pilipinas ng panghihimasok sa lokal na mga polisiya.
Sa isang imbestigasyon sa Kongreso tungkol sa pagtanggap ng Food and Drug Administration (FDA) ng dayuhang pondo para sa paggawa ng mga regulasyon para sa non-combustible alternatives sa sigarilyo, kinondena ng mga mambabatas ang ganitong gawain na nagbibigay ng impluwensya sa mga pribadong organisasyon sa pambansang patakaran sa pamamagitan ng mga grant na ibinibigay sa mga ahensya ng gobyerno.
“The WHO can still fulfill its mandate of promoting health and safety while helping the vulnerable worldwide by actually extending medicines and vaccines to those that need them the most and not by engaging in endless debates on whether modern technologies such as smoke-free products should be banned or not,” dagdag pa ni Israel.
Binatikos din niya ang nalalapit na WHO Framework Convention on Tobacco Control Conference of the Parties (COP 11), na aniya ay isang pag-aaksaya ng pondo at plataporma lamang para isulong ang partikular na agenda.
Aniya, muli na namang pipilitin ng mga WHO directors ang mga bansa na tanggapin ang kanilang prohibitionist dogma sa COP 11, nang hindi pinakikinggan ang milyun-milyong konsyumer at stakeholder na mas apektado.
Hinimok ni Israel ang WHO na iwasan ang pagkiling at ikonsidera ang tunay na ebidensya sa benepisyo ng mga produktong may mas mababang panganib, sa halip na magpatupad ng malawakang pagbabawal na maaaring pumigil sa mga naninigarilyo sa pag-access ng mas ligtas na alternatibo.
Ipinakita ng hiring analysis na karamihan sa mga bagong D2 position ay nasa punong tanggapan ng WHO sa Geneva, na siyang may pinakamataas na gastusin. Malaki rin ang itinaas ng bilang ng mga posisyon sa iba’t ibang rehiyon, kabilang ang Africa.Naganap ang pagpapalawak na ito sa kabila ng $175 milyong kakulangan sa badyet ng WHO para sa 2025, na pinalala ng pag-atras ng Estados Unidos sa pagbibigay ng pondo — na dati’y humigit-kumulang 15 porsyento ng kita ng WHO.
Bilang tugon, inanunsyo ni Director-General Tedros Adhanom Ghebreyesus ang mga hakbang sa pagtitipid, kabilang ang hiring freeze, pagbabawas ng temporary staff, at pagbuo ng mga komite para sa karagdagang pagsusuri sa kahusayan.
Nagsagawa rin ang WHO ng limitasyon sa mga kontrata at nag-alok ng early retirement options.
Ayon sa mga kritiko, mas apektado ng mga hakbang na ito ang mga mas mababang posisyon, habang patuloy namang dumarami ang mga matataas na opisyal.
Iminungkahi rin nila ang paglilipat ng mga staff sa regional at country offices, pagbawas ng top-level positions, at pagpapatupad ng merit-based strategy sa human resources.
Binanggit din ang kakulangan ng transparency sa gastos ng staff, dahil hindi isinasama sa publikadong salary figures ang mga allowance at benepisyo.
Tumaas din ang pagdepende ng WHO sa mga consultant, kung saan mahigit doble ang dami ng mga kontrata mula noong 2018. Nagbabala ang ulat na maaaring magdulot ito ng pagkawala ng institutional knowledge at kasanayan.
Ayon kay WHO Spokeswoman Margaret Harris, ang organisasyon ay nakatuon sa “cost containment” at paglilipat ng pondo sa mga country-level programs.
Nanawagan ang mga kritiko ng mas mataas na transparency sa gastusin sa staff at ng “recalibration of the pyramid” na nagbibigay-diin sa kahusayan at bisa, na dapat simulan sa pinakamataas na antas ng organisasyon.
Wala pang tiyak na pahayag ang WHO kaugnay sa pagtaas ng D2 positions at kabuuang gastos sa staff.
Comments