top of page
Search

ni Chit Luna @News | May 3, 2025


World Health Organization - WHO / Circulated


Nahaharap sa matinding pagsusuri ang World Health Organization (WHO) dahil sa pagpaparami ng senior director positions sa Geneva, na nagdudulot ng pangamba sa tamang paggamit ng limitadong pondo. 


Ayon sa mga kritiko, naililihis nito ang pondo mula sa mahahalagang initiatives sa pampublikong kalusugan, lalo na’t humaharap ang organisasyon sa kakulangan sa badyet.


Batay sa pagsusuri ng Health Policy Watch sa datos ng human resources ng WHO, tumaas nang malaki ang bilang ng D2-level directors — isang mataas na posisyon sa ilalim ng senior team ng Director-General — mula 39 noong Hulyo 2017 patungong 75 pagsapit ng Hulyo 2024.


Tinatayang umaabot sa $92 milyon ang pinagsamang gastos para sa mga senior position na ito, kasama ang team ng Director-General.


Maaari pa itong umabot sa $130 milyon kung isasama ang mga P6-level staff na may katulad na responsibilidad sa pamamahala. Binatikos ng Nicotine Consumers Union of the Philippines (NCUP) ang prayoridad ng WHO sa paggastos.


“It is time for the WHO to refocus on its mandate of improving public health, instead of spending its resources on highly-paid officials who support their dogmatism, such as alienating the hundreds of millions of smokers who deserve less harmful alternatives. With the US withdrawing its support from the WHO, hiring more executives is unjustifiable,” ani Antonio Israel.


Ipinahayag din niya ang pag-aalala sa pagdepende ng WHO sa pribadong pondo, na maaaring magdulot ng conflict of interest.Binanggit niya ang Bloomberg Philanthropies, na dati nang inakusahan ng Kongreso ng Pilipinas ng panghihimasok sa lokal na mga polisiya. 


Sa isang imbestigasyon sa Kongreso tungkol sa pagtanggap ng Food and Drug Administration (FDA) ng dayuhang pondo para sa paggawa ng mga regulasyon para sa non-combustible alternatives sa sigarilyo, kinondena ng mga mambabatas ang ganitong gawain na nagbibigay ng impluwensya sa mga pribadong organisasyon sa pambansang patakaran sa pamamagitan ng mga grant na ibinibigay sa mga ahensya ng gobyerno.


“The WHO can still fulfill its mandate of promoting health and safety while helping the vulnerable worldwide by actually extending medicines and vaccines to those that need them the most and not by engaging in endless debates on whether modern technologies such as smoke-free products should be banned or not,” dagdag pa ni Israel.


Binatikos din niya ang nalalapit na WHO Framework Convention on Tobacco Control Conference of the Parties (COP 11), na aniya ay isang pag-aaksaya ng pondo at plataporma lamang para isulong ang partikular na agenda.


Aniya, muli na namang pipilitin ng mga WHO directors ang mga bansa na tanggapin ang kanilang prohibitionist dogma sa COP 11, nang hindi pinakikinggan ang milyun-milyong konsyumer at stakeholder na mas apektado.


Hinimok ni Israel ang WHO na iwasan ang pagkiling at ikonsidera ang tunay na ebidensya sa benepisyo ng mga produktong may mas mababang panganib, sa halip na magpatupad ng malawakang pagbabawal na maaaring pumigil sa mga naninigarilyo sa pag-access ng mas ligtas na alternatibo.


Ipinakita ng hiring analysis na karamihan sa mga bagong D2 position ay nasa punong tanggapan ng WHO sa Geneva, na siyang may pinakamataas na gastusin. Malaki rin ang itinaas ng bilang ng mga posisyon sa iba’t ibang rehiyon, kabilang ang Africa.Naganap ang pagpapalawak na ito sa kabila ng $175 milyong kakulangan sa badyet ng WHO para sa 2025, na pinalala ng pag-atras ng Estados Unidos sa pagbibigay ng pondo — na dati’y humigit-kumulang 15 porsyento ng kita ng WHO.


Bilang tugon, inanunsyo ni Director-General Tedros Adhanom Ghebreyesus ang mga hakbang sa pagtitipid, kabilang ang hiring freeze, pagbabawas ng temporary staff, at pagbuo ng mga komite para sa karagdagang pagsusuri sa kahusayan. 


Nagsagawa rin ang WHO ng limitasyon sa mga kontrata at nag-alok ng early retirement options.


Ayon sa mga kritiko, mas apektado ng mga hakbang na ito ang mga mas mababang posisyon, habang patuloy namang dumarami ang mga matataas na opisyal. 


Iminungkahi rin nila ang paglilipat ng mga staff sa regional at country offices, pagbawas ng top-level positions, at pagpapatupad ng merit-based strategy sa human resources. 


Binanggit din ang kakulangan ng transparency sa gastos ng staff, dahil hindi isinasama sa publikadong salary figures ang mga allowance at benepisyo.


Tumaas din ang pagdepende ng WHO sa mga consultant, kung saan mahigit doble ang dami ng mga kontrata mula noong 2018. Nagbabala ang ulat na maaaring magdulot ito ng pagkawala ng institutional knowledge at kasanayan.


Ayon kay WHO Spokeswoman Margaret Harris, ang organisasyon ay nakatuon sa “cost containment” at paglilipat ng pondo sa mga country-level programs.


Nanawagan ang mga kritiko ng mas mataas na transparency sa gastusin sa staff at ng “recalibration of the pyramid” na nagbibigay-diin sa kahusayan at bisa, na dapat simulan sa pinakamataas na antas ng organisasyon. 


Wala pang tiyak na pahayag ang WHO kaugnay sa pagtaas ng D2 positions at kabuuang gastos sa staff.


 
 

ni Chit Luna @News | Apr. 21, 2025





Isa sa mga pangunahing hamon na kinakaharap ng lipunan ay ang kalidad at accessibility ng edukasyon.


Maraming Pasigueño ang hindi nakakapagtapos ng kolehiyo dahil sa kakulangan sa oportunidad at suporta.


Kaya naman itinuturing ni Ate Sarah Discaya ang edukasyon bilang isang adbokasiya na dapat bigyang-prayoridad.


Ang edukasyon ay hindi lamang daan upang magkaroon ng kaalaman at kasanayan, kundi ito rin ang susi sa pag-abot ng pangarap at pag-unlad ng komunidad.


Sa pamamagitan nito, nabibigyan ng pagkakataon ang kabataan na makahanap ng maayos na trabaho at mas maginhawang pamumuhay.


Para kay Ate Sarah, kailangang tiyakin na ang de-kalidad na edukasyon ay abot-kamay ng bawat Pasigueño upang walang maiiwan sa kaunlaran.


Bilang tugon, isinusulong niya ang mga konkretong hakbang para sa isang mas inklusibo at epektibong sistema ng edukasyon sa Pasig. Kabilang dito ang libreng edukasyon mula elementarya hanggang kolehiyo.


Kasama rin sa kanyang programa ang pagbibigay ng sapat na gamit pang-eskwela at uniporme. Layunin nitong bawasan ang gastusin ng mga magulang at mas matutukan ng mga estudyante ang kanilang pag-aaral.


Mahalaga rin ang pagpapalawak ng mga scholarship program sa kolehiyo. Mas maraming kabataan ang mabibigyan ng pagkakataong makapagtapos at magtagumpay sa napiling larangan.


Isinusulong din ni Ate Sarah ang pagpapabuti ng mga pasilidad tulad ng mga silid-aklatan, science laboratories, computer rooms, at internet access.


Binibigyang-diin din niya ang kaligtasan, kalinisan, at kaginhawaan sa loob ng mga paaralan, pati na rin ang suporta sa kalusugan at mental well-being ng mga estudyante.

Hindi rin niya nakakalimutang bigyang-pansin ang kapakanan ng mga guro. Kailangan nila ng sapat na training, teaching materials, at benepisyo upang makapaghatid ng de-kalidad na edukasyon.


Sa kabuuan, naniniwala si Ate Sarah na sa pamamagitan ng mga hakbang na ito, magiging mas patas, abot-kaya, at epektibo ang edukasyon para sa lahat—isang hakbang patungo sa mas maliwanag na kinabukasan ng Pasig at ng bansa.


 
 

ni Chit Luna @News | August 7, 2024


News Photo
Photo: Punching


Mahigit P2 trilyong halaga ng kalakal, kabilang ang mga pekeng kontrabando, produktong agrikultural, sigarilyo at tabako ang ipinupuslit sa Pilipinas taun-taon, na dumadaya sa kita ng gobyerno at nagpapahina sa mga lokal na industriya, ayon sa Federation of Philippine Industries Inc. (FPI).


Sinabi ni FPI president Jesus Montemayor sa National Anti-Illicit Trade Summit na ginanap sa Manila Hotel noong Hulyo 25, 2024 na ang smuggling at illicit trade ay hindi lamang krimen sa ekonomiya kundi panganib din sa komunidad.


Aniya, ang mga puslit ng kalakal ay sumisira sa tiwala ng publiko sa gobyerno, nakokompromiso sa kalidad at kaligtasan ng mga mamimili at pinipigilan ang paglago ng mga lehitimong negosyo.


Sinabi ni Montemayor na sa nakalipas na limang taon, nawalan ang gobyerno ng tinatayang P905 bilyon na potensyal na kita dahil sa smuggling.


Nagpakita naman si FPI chairman Jesus Lim Arranza ng resulta ng isang pag-aaral na nalulugi ang pamahalaan ng P250 bilyon na halaga ng value-added tax dahil sa smuggling kada taon.


Dahil ang VAT ay kumakatawan sa 12 porsiyento ng halaga ng mga imported goods, mahigit P2.3 trilyon na halaga ng mga puslit na produkto ang hindi patas na nakikipagkumpitensya laban sa mga lokal na produkto bawat taon, dagdag ni Arranza.


Ayon kay Arranza, ang mga kalakal na pumapasok sa Pilipinas na hindi nagbabayad ng karaniwang buwis ay umaabot sa P2.3 trilyon, at ito ay may ripple effects sa ekonomiya at sa pamahalaan.


Sinabi ni Assistant Secretary Carlos C. Carag ng Department of Agriculture Inspectorate and Enforcement Office (DAIE) na naaapektuhan din ng smuggling ang sektor ng agrikultura at pangisdaan.


Ang pagpupuslit ng agrikultura ay nagdudulot ng malaking banta sa kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda, at malaking panganib para sa kalusugan at kaligtasan ng mga mamimili, ayon kay Carag.


Sinabi ni Carag na ang mga smuggled na produkto ng pagkain ay lumalampas sa kontrol at inspeksyon sa kalidad, umiiwas sa pagbabayad ng buwis at nagpapahina sa lokal na produksyon ng pagkain. Ito ay dapat ituring na economic sabotage, ayon kay Carag.


Kinilala ni Paul Oliver Pacunayen, hepe ng Intellectual Property Rights Division ng Bureau of Customs, ang limang pinakakaraniwang ipinuslit na produkto bilang sigarilyo, iligal na droga, pekeng produkto, produktong pang-agrikultura at general merchandise.


Batay aniya ito sa dami ng mga bodega na sinalakay ng mga ahente ng Bureau of Customs noong unang kalahati ng 2024. Bilyon-bilyong halaga ng ipinagbabawal na sigarilyo at vape ang nakumpiska ng ahensiya ngayong taon, na nagpapaliwanag sa pagbaba ng koleksyon ng tobacco excise tax.


Tinatayang 20 porsiyento ng mga sigarilyong ibinebenta sa Pilipinas ay iligal, at dahil dito ay bumagsak ang koleksyon ng excise tax ng tabako ng P41 bilyon sa nakalipas na dalawang taon.


Sinabi ni Bienvenido-Oplas Jr., presidente ng Bienvenido S. Oplas Jr. Research Consultancy Services at Minimal Government Thinkers, sa kanyang regular na column sa isang pahayagan na tumindi ang smuggling ng sigarilyo nang lumagpas sa P50 kada pakete ang tabako ang excise tax noong 2021.


Humigit-kumulang 50 porsiyento ng mga koleksyon ng buwis sa tabako ang nagpopondo sa Philippine Health Insurance Corp. at Health Facilities Enhancement Programs (HFEP). Samantala, 5 porsiyento, o P4 bilyon, ang napupunta sa mga local government units na pinagmumulan ng burley at native tobacco habang 15 porsiyento, o P17 bilyon, ay inilaan sa mga LGUs na gumagawa ng Virginia tobacco.


Hiniling ng FPI sa mga ahensiya ng gobyerno na puspusang ipatupad ang mandato ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na wakasan ang smuggling at iba pang anyo ng ipinagbabawal na kalakalan.


Ang pagtutulungan ng industriya at gobyerno ay makatutulong ng malaki para makamit ito, ani Montemayor.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page