top of page
Search

ni Chit Luna @News | July 26, 2025


File Photo: World Health Organization (WHO)


Ang mungkahi ng World Health Organization (WHO) na magpataw ng “sin taxes” sa matatamis na inumin, alak, at tabako upang punan ang kakulangan sa badyet nito ay maglalagay ng hindi patas na pasanin sa mga manggagawa sa mga umuunlad na bansa, ayon sa isang pandaigdigang grupo ng mga konsyumer.


Sa pamamagitan ng 3 by 35 Initiative nito, hinihikayat ng WHO ang mga miyembrong bansa na makabuluhang itaas ang presyo ng alinman o lahat sa tatlong produktong ito ng hindi bababa sa 50 porsyento pagsapit ng 2035 sa pamamagitan ng pagtaas ng buwis — na diumano’y upang mabawasan ang konsumo at makalikom ng kita sa panahon ng lumiliit na development aid at lumalaking pampublikong utang.


Ang panukala ng WHO na gamitin ang mga buwis na ito upang matugunan ang tinatayang $600 milyong kakulangan sa badyet sa 2025 ay isang “war on the working class” at “regressive social engineering”, ayon kay Martin Cullip, international fellow ng The Taxpayers Protection Alliance (TPA) Consumer Center sa London.


Sa isang ulat ng Reuters, nagpahayag din ng pag-aalala ang International Council of Beverages Associations (ICBA) na patuloy na hindi pinapansin ng WHO ang higit isang dekadang malinaw na ebidensya na ang pagbubuwis sa matatamis na inumin ay hindi kailanman nagpabuti sa kalusugan o nagpababa ng obesity sa kahit anong bansa.


Sa parehong ulat ng Reuters, tinawag ng Distilled Spirits Council na “misguided” ang ideya ng WHO na itaas ang buwis bilang paraan upang mabawasan ang pinsalang dulot ng alak, at idinagdag na hindi nito mapipigilan ang pang-aabuso sa alak.


Imbes na tunay na mapabuti ang pampublikong kalusugan, ang mga buwis na ito na iminungkahi ng mga hindi halal na opisyal ng WHO ay maglalagay ng hindi patas na pasanin sa mga mababa ang kita, lalo na sa mga umuunlad na bansa, ayon kay Cullip. Iginiit niya na layunin ng WHO na kumuha pa ng mas maraming pera mula sa mga konsyumer at nagbabayad ng buwis sa pamamagitan ng malawakang “sin taxes” sa tabako at alak, at posibleng sa iba pang produktong itinuturing nilang hindi malusog.


“The WHO proposal would impose an unfair burden on industries and ordinary citizens, especially the most vulnerable in developing countries, and risks further alienating the very public the WHO aims to serve,” ayon kay Jess Arranza, Chairman Emeritus ng Federation of Philippine Industries (FPI).


Sumang-ayon si Arranza na ang tunay na progreso sa pampublikong kalusugan ay nangangailangan ng pananagutan, makabago at epektibong estratehiya para sa harm reduction, at tunay na pag-unawa sa mga sosyo-ekonomikong hamon, ngunit binigyang-diin niyang “relying on regressive taxation and an outdated, top-down approach” ay hindi makikinabang sa kalusugan ng publiko.


“Education, not excessive taxation, is the more sustainable path to long-term behavior change and better health outcomes,” dagdag pa ni Arranza.


Ang mungkahi ng WHO na “sin tax” ay kasunod ng hakbang ng Estados Unidos na bawiin ang bilyong dolyar mula sa mga pandaigdigang programa sa kalusugan ng organisasyon dahil sa umano’y kawalan ng bisa at maling pamamahala.


Binigyang-diin ni Cullip na matapos tukuyin ni WHO Director-General Dr. Tedros Adhanom Ghebreyesus ang pangangailangan para sa mga reporma, tila nakahanap ang ahensya ng paraan upang iwasan ang isyu ng hindi maayos na paggasta sa pamamagitan ng paglalagay ng karagdagang pasanin sa mga nagbabayad ng buwis.


Ang WHO ay kumikilos sa labas ng demokratikong pananagutan, ngunit may napakalaking impluwensya sa mga pambansang polisiya sa kalusugan, lalo na sa mga bansang mababa at katamtaman ang kita, ayon kay Cullip. “And yet, the public foots the bill through national contributions, charitable donations, and now, potentially, through higher prices on products they legally choose to use.


Binatikos niya ang WHO sa pagsusulong ng makitid at self-righteous na modelo ng pampublikong kalusugan na matagal nang pinabulaanan, at sa paggamit ng isang lumang pamamaraan na parang galing pa sa panahon ng prohibition, kung saan ang pagpapataw ng sin taxes ang tanging sandata.


“Instead of evolving with science and supporting modern harm reduction strategies, the WHO remains hostile to innovation, particularly in the case of reduced-risk nicotine products,” ayon kay Cullip.


Binigyang-diin niya na ang mga magbabayad ng presyo para sa mga panukala ng WHO ay hindi aniya, “the corporations, the policymakers, the NGO elites flying business class to conferences. No, it’s regular people, especially in poorer countries, who will bear the cost.”


Tinawag ni Cullip ang mga sin tax na iminungkahi ng WHO bilang “regressive by design”, at nagbabala na ang ganitong hakbang ay, “hit low-income populations the hardest, many of whom already face enormous barriers to accessing basic healthcare. For someone barely scraping by, a tax on a legal product they enjoy or rely on is not just a health nudge. It’s a slap in the face.


Hinimok ni Cullip ang WHO na talikuran ang diskarte sa pampublikong kalusugan na ginagabayan ng matigas at moralistikong pananaw, at sa halip ay ituon ang pansin sa praktikal at evidence-based na solusyon na tunay na makapagpapabuti sa buhay ng mga tao.


 
 

ni Chit Luna @News | July 2, 2025


File Photo: World Health Organization (WHO)



Nanawagan ang isang regional harm reduction group sa World Health Organization (WHO) na ituon muli ang pansin sa pangunahing mandato nito sa gitna ng mga alegasyon ng katiwalian at labis na impluwensiya, na pinalala pa ng pag-atras ng suporta ng Estados Unidos.


"It's time to hold the WHO to its mandate and core mission of protecting global health based on science, not ideology; that is inclusive of all stakeholders, without judgment or prejudice," ayon kay Nancy Loucas, executive coordinator ng Coalition of Asia Pacific Tobacco Harm Reduction Advocates (CAPHRA).


Binanggit ni Loucas ang mga nakababahalang kaganapan kamakailan na kinasasangkutan ng WHO, kabilang ang mga alegasyon ng katiwalian at mismanagement sa Asia-Pacific, at mga ulat na may labis na impluwensiya ang isang charity na pinondohan ng U.S. billionaire na si Michael Bloomberg.


Tinukoy ng CAPHRA ang mga ulat na ang Bloomberg Philanthropies, sa tulong ng WHO, ay "improperly influenced domestic policymaking" sa mga bansang tulad ng Pilipinas, India, Pakistan, Bangladesh, Indonesia, at Vietnam.


Sa Pilipinas, ayon sa CAPHRA, isang pagdinig ng Kongreso noong 2021 ang nagbunyag na tumanggap ang local Food and Drug Administration ng mga grant mula sa mga dayuhang pribadong organisasyon na pinondohan ng Bloomberg Philanthropies upang bumuo ng regulasyon para sa mga alternatibo sa sigarilyo.


Sa Bangladesh, binatikos ang eleksyon noong Nobyembre 2023 kay Saima Wazed bilang WHO regional director para sa South East Asia. Si Wazed, anak ng dating Prime Minister Sheikh Hasina, ay naharap sa alegasyon ng improper influence mula sa kanyang ina. Isang pahayagan sa Bangladesh ang nag-ulat na sinabi ng director ng Anti-Corruption Commission na may suspecha ng korupsyon sa pag-appoint kay Wazed.


Sa Pakistan, sinuspinde ng gobyerno ang mga aktibidad ng Tobacco-Free Kids at Vital Strategies, dalawang NGO na pinondohan ng Bloomberg Philanthropies, dahil sa umano'y paglabag. Hiniling din ng Interior Ministry sa State Bank of Pakistan na i-freeze ang kanilang mga bank account.


Sa Indonesia, iniulat ng CAPHRA na ang Ministry of Health ay inakusahan ng pagsasama ng agenda ng Framework Convention on Tobacco Control (FCTC) sa draft regulation ukol sa plain packaging ng sigarilyo, na nagbunsod ng mga pag-aalala ukol sa dayuhang impluwensya sa tobacco policy.


Ayon kay Hikmahanto Juwana, isang propesor ng international law sa University of Indonesia, "Indonesia should protect its national sovereignty from foreign intervention and ensure government policies reflect domestic conditions."


Sa India, ayon sa ulat ng Reuters, pinatigil ng New Delhi ang mga gawain ng isang maliit na non-profit na pinopondohan ng Bloomberg Philanthropies matapos mabigong ideklara ang pinagmumulan ng pondo. Isang opisyal ang nagsabing ang iba pang foreign-funded organizations ay mangangailangan ng paunang pahintulot bago makapagsagawa ng anti-tobacco activities sa kabisera.


Sa Vietnam, sinabi ng Consumer Choice Center na ang "harmful interference" ng Bloomberg ay nagbabanta sa paglaganap ng harm reduction. Isang Facebook post ang nagpakita na ang mga opisyal ng WHO sa Vietnam ay nagpapasalamat sa mga organisasyong pinopondohan ng Bloomberg para sa tulong sa pagbibigay ng technical assistance ukol sa smoking at nicotine products.


"The push from Bloomberg Philanthropies and the WHO represents a form of regulatory colonialism, where foreign entities dictate policies without considering the unique challenges of individual countries," ayon sa Consumer Choice Center.


Nagpahayag ng pagkabahala ang CAPHRA sa mga alegasyon, lalo na’t malapit na ang 11th Conference of the Parties to the FCTC na gaganapin sa Geneva mula Nobyembre 17 hanggang 22, 2025.


Ang pag-atras ng U.S. mula sa WHO, bunsod ng mga isyung may kinalaman sa pagtugon nito sa pandemya ng COVID-19 at political influence, ay nagtulak sa ilang bansa—kabilang ang Argentina, Hungary, Italy, at posibleng Russia at United Kingdom—na muling suriin ang kanilang pakikipag-ugnayan sa WHO.


Hinikayat ng CAPHRA ang mga bansa sa Asia-Pacific, kabilang ang Pilipinas, na igiit ang kanilang sariling polisiya at tanggihan ang dayuhang impluwensiya.


"At this year’s COP, it is crucial that the Philippines assert its sovereignty against Bloomberg’s influence over the FCTC and advocate for its own policies. This ensures that smokers who do not quit will have access to less harmful alternatives," saad ng CAPHRA.


Ipinaglalaban ng CAPHRA ang tobacco harm reduction (THR), at nagsusulong ng paggamit ng mas ligtas na alternatibo sa sigarilyo gaya ng vape, heated tobacco at nicotine pouches, batay sa mga siyentipikong pag-aaral na nagpapakitang mas konti ang panganib nito kumpara sa sigarilyo.

 
 

ni Chit Luna @News | June 14, 2025


File Photo: World Health Organization (WHO)



Nanawagan ang isang grupo ng mga harm reduction experts sa World Health Organization (WHO) na kilalanin ang mga makabagong produkto tulad ng vape, heated tobacco at nicotine pouch bilang mga epektibong alternatibo para tulungan ang milyun-milyong naninigarilyo sa buong mundo.


Sa isang international webinar na "How the WHO undermines World No Tobacco Day," binatikos ng Taxpayer's Protection Alliance (TPA) ang pag-aatubili ng WHO na suportahan ang harm reduction sa kabila ng tumitinding ebidensya ng kanilang pagiging epektibo sa pagtulong sa mga naninigarilyo na huminto.


Sinabi ni TPA fellow Martin Cullip, isang kilalang harm reduction advocate, na binabalewala ng WHO ang malaking populasyong nasa panganib ng paninigarilyo.


Iginiit ng mga kalahok mula sa Australia, South Africa at United Kingdom na ang "prohibitionist stance" ng WHO ay kontra-produktibo, nagpapalala ng pagkamatay na may kaugnayan sa paninigarilyo at nagsusulsol sa black market.


Sinabi ni Pippa Starr, tagapagtatag ng ALIVE (Australia, Let’s Improve Vaping Education), na hindi binago ng WHO ang retorika nito sa nakalipas na dekada. Ayon kay Starr, mayroon paring mahigit 1 bilyong naninigarilyo sa buong mundo mahigit isang dekada matapos itong banggitin ng WHO.


Partikular na binanggit ni Starr ang problema sa Australia, kung saan may napakalaking black market, at 66 katao ang namamatay araw-araw mula sa sakit na may kaugnayan sa paninigarilyo. Ang mga kinalabasan na ito ay nauugnay sa mga patakarang sinusuportahan ng WHO, ayon kay Starr.


Pinuna naman ni Kurt Yeo, internasyonal na tagapagtaguyod ng pagbabawas ng pinsala at co-founder ng VSML (Vaping Saved My Life), ang pagkakahiwalay ng WHO mula sa realidad.


Aniya, ang mga patakaran ng WHO ay scripted at disconnected. Kailangan ng bagong devices para makamit ang isang lipunang walang usok.


Sinabi ni Yeo na ang pinakamalaking hamon pagdating sa 'no tobacco' ay ang paghahanap ng mga paraan para matulungan ang mga tao na huminto sa paninigarilyo.


Sinabi ni Reem Ibrahim, communications manager sa Institute of Economic Affairs ng UK, na binabalewala ng WHO ang ebidensyang siyentipiko.


Epektibo ang harm reduction, at mga produktong ito ay nakakatulong sa mga tao na huminto sa paninigarilyo, ayon kay Ibrahim.


Sinabi ni Ibrahim na ang mga bansa tulad ng UK at Sweden na yumakap sa harm reduction ay nakaranas na pagbaba sa antas ng paninigarilyo.


Ang National Health Service sa UK ay nagsabi sa website nito na ang vaping ay maaaring gamitin bilang isang kasangkapan para matulungan ang mga tao na huminto sa paninigarilyo.


Sinabi ng NHS na habang ang nikotina ay isang nakakahumaling na gamot, hindi ito naglalaman ng mga nakakalason na kemikal na matatagpuan sa sigarilyo, kabilang ang tar at tabako.


Ang maraming iba pang nakakalason na kemikal na nasa usok ng tabako ang sanhi ng halos lahat ng pinsala mula sa paninigarilyo. Ang nikotina mismo ay hindi nagiging sanhi ng cancer, sakit sa baga, sakit sa puso o stroke at ligtas na ginagamit sa loob ng maraming taon sa mga gamot upang matulungan ang mga tao na huminto sa paninigarilyo, ayon sa NHS.


Sinabi ni Ibrahim na nagawa ng Sweden na ibaba ang kanilang smoking rate sa 5 porsyento, na maaaring ilarawan bilang "smoke-free threshold."


Nagawa ito ng Sweden sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa mga nasa hustong gulang na pumili ng mas ligtas at mababang-panganib na produkto ng nikotina, partikular ang snus.


Subalit ito ay salungat sa ipinaglaban ng World Health Organization, ayon kay Ibrahim.


Bilang tugon sa webinar, sinabi ng Nicotine Consumers Union of the Philippines (NCUP) na ang iba pang mga anyo ng paghahatid ng nikotina tulad ng e-cigarettes, heated tobacco at nicotine pouches ay nakatulong sa milyun-milyong naninigarilyo na huminto.


Ang Tobacco Harm Reduction (THR) ay nagbibigay sa mga mamimili ng mga alternatibo sa paninigarilyo ng sigarilyo, na nagpapahintulot sa kanila na pumili ng mga produktong hindi gaanong nakakapinsala sa kanila, ayon kay Anton Israel, pangulo ng NCUP.


Sinabi ni Israel na ang THR, bilang isang diskarte sa kalusugan ng publiko, ay mas epektibo kaysa sa tahasang pagbabawal sa pagbabawas ng masamang epekto sa kalusugan na nauugnay sa paggamit ng tabako, partikular para sa mga indibidwal na ayaw o hindi makahinto sa nikotina nang buo.


Hiniling ng TPA sa WHO na yakapin ang pagbabago para matugunan ang pandaigdigang krisis sa paninigarilyo.


Ipinahihiwatig ng mga pag-aaral na ang e-cigarettes ay 95 porsyento na mas mababa ang panganib kaysa sa tradisyonal na sigarilyo, na sinusuportahan ng UK Health Security Agency at Office for Health Improvement and Disparities (dating Public Health England).


Sinabi ng NHS na ang vaping ay hindi gaanong nakakapinsala kaysa sa paninigarilyo at nakatulong sa libu-libong naninigarilyo na huminto.


Hiniling ng harm reduction experts sa WHO at sa Framework Convention on Tobacco Control (FCTC) na yakapin ang pagbabago, makinig sa mga mamimili at suportahan ang pagbabawas ng pinsala bilang isang lehitimong landas para wakasan ang pandaigdigang epidemya ng paninigarilyo..

 
 
RECOMMENDED
bottom of page