ni Chit Luna @News | May 4, 2025
Pasig City – Ikinagulat ni mayoral candidate Sarah Discaya ang mainit na suporta mula sa mga kababaihang urban poor ng Pasig, kabilang ang mga senior citizens, na ipinakita sa isang martsa noong gabi ng Mayo 1. Kasabay ito ng pagdiriwang ng ika-123 Araw ng Paggawa.
Hindi inaasahan ni Ate Sarah ang naturang pagsuporta na ginanap sa labas ng St. Gerrard Construction Office, kung saan libu-libong kababaihan mula sa iba't ibang barangay sa lungsod ang nakiisa.
“Hindi sapat ang salitang salamat,” ang tanging nasabi ni Ate Sarah bilang tugon sa kanyang pagkabigla.
Nagmula sa Brgy. Rosario, Brgy. Manggahan, at Brgy. Bambang ang mga kalahok na kababaihan at senior citizens, dala-dala ang kanilang sigasig at paninindigan. Ang mga ito ay kumakatawan sa mga sektor ng lipunan na madalas hindi naririnig ang tinig sa usaping pampulitika.
“Sobrang nakaka-overwhelmed, sobrang nakaka-touched,” dagdag pa ni Ate Sarah habang pinanonood ang pag-agos ng pagmamahal at pagtitiwala mula sa mga tagasuporta.
Ang martsa ay sinamahan ng mga plakard, streamers, at mga banner na may nakasulat na pangalan ni Ate Sarah hatid ang mga mensahe gaya ng “Magsuri, lumahok.
Magpasya. Tara na.” Ipinakita rito ang matatag na suporta ng mga kababaihan at senior citizens sa kandidatura ni Ate Sarah at ng kanyang Team Kaya This.
Hinimok naman ni Ate Sarah ang lahat ng sumuporta na manatiling aktibo at ipagpatuloy ang kanilang suporta hanggang sa mismong araw ng halalan sa Mayo 12.
Aniya, ito ang panahon upang tunay na marinig ang boses ng masa sa lungsod.
Ayon sa mga organizer, walang tumanggap ng bayad o insentibo sa isinagawang martsa, patunay umano na bukal sa loob ang kanilang paglahok at pagtindig para sa isang kandidatong matagal nang kasama sa mga adhikaing pang-komunidad.