WBC Champ Jerusalem planong pataubin si Kuse
- BULGAR

- May 6
- 2 min read
by Gerard Arce @Sports News | May 6, 2026

Photo: File / Circulated
Hindi inaalis ng kampo ni reigning World Boxing Council (WBC) minimumweight champion Melvin “El Gringo” Jerusalem ang peligrosong hatid ng pagdayo sa South Africa para idepensa ang korona sa ikalawang pagkakataon laban kay challenger Siyakholwa Kuse sa Sabado ng gabi sa Emperor’s Palace, Kempton Park, sa Johannesburg, South Africa.
Subalit, handang-handa umano ang 2-time world champion sa anumang labang ipakikita ng hometown bet na minsan na niyang tinalo sa main event bout ng Manny Pacquiao Presents: Blow-by-Blow “Thrilla in Manila II” noong Oktubre 2025 sa Smart Araneta Coliseum sa bisa ng 12-round unanimous decision sa iskor na 115-113, at dalawang 116-112 sa mga hurado, kung saan inamin ni Jerusalem na hindi siya kumbinsido sa panalo.
“Kung sa negative side, yes risky siya, pero positive kami ni Melvin kaya walang problema,” pahayag ni 2-time Trainer of the Year Michael Domingo sa mensahe nito sa Bulgar Sports kahapon na nagawa pang magbiro, na kahit sa harap pa mismo ng bahay ni Kuse.
“Kailangang magawa lang ni Melvin yung game plan namin, na hindi niya masyadong nagawa last fight, kaya mas magiging madali itong laban kung magagawa ni Melvin yung plano.”
Tatlong linggo bago ang laban ay dumating sa South Africa sina Domingo at Jerusalem upang ipagpatuloy ang paghahanda at ang kanyang kabuuang siyento-por-siyento na kondisyon at preparasyon sa laban.
Bagaman mapanganib ang naturang hakbang sa ikaapat na title defense ni Jerusalem (25-3, 12KOs) siniguro ni Sanman Promotions promoter Jim Claude Manangquil na mangagaling ang mga hurado at referee mula sa neutral na bansa. “Melvin has a tough opponent and a decent fighter, but Melvin gives a good fight. Nag-perform naman siya abroad and outside of the country. He just took care of the jetlag and high-altitude kaya maaga sila dun,” saad ni Manangquil sa panayam ng Bulgar Sports sa telepono kasunod ng mataas na lugar ng South Africa na may 6,000 talampakang taas.





Comments