top of page
Search

ni Gerard Arce @Sports | December 24, 2025



Jerwin Ancajas

Photo: Si Jerwin Ancajas sa isang mainit na bakbakan laban kay Jonathan Rodriguez noong 2021, pero ang comeback fight sa junior featherweight bout ay nabalahaw dahil sa hand injury laban kay dating Japanese bantamweight champion Ryosuke Nishida sa 2026 sa Japan. (bigfightweekendpix)



Pahinga pansamantala sa upakan si dating super-flyweight champion Jerwin “Pretty Boy” Ancajas para sana sa kanyang comeback fight sa junior featherweight bout kasunod ng tinamong hand injury upang tuluyang mabalahaw ang suntukan kay dating Japanese bantamweight champion Ryosuke Nishida sa susunod na taon sa bansang Japan.


Nakatakda sanang ganapin ang isang title eliminator para sa International Boxing Federation (IBF) junior featherweight kay Nishida, ngunit nagawang palitan ito ni Mexican boxer Bryan “El Chillon Destructor” Mercado para sa Pebrero 15, 2026 na tapatan sa Sumiyoshi Sports Center sa Osaka, Japan.


Kinakailangan munang magpagaling sa kanyang tinamong hand injury na nakuha sa training, kaya’t maghihintay muna ulit sa panibagong pagkakataon si Ancajas na maipagpatuloy ang three-fight winning streak matapos dalawang beses sumabak ngayong taon, kabilang ang 8th round majority decision panalo laban kay Ruben Dario Casero ng Uruguay noong Agosto 2 sa Thunder Studios sa Long Beach, California. 


Antayin pa namin na gumaling muna 'yung kamay niya,” pahayag ng head trainer at manager ni Ancajas na si Joven Jimenez sa mensahe nito sa Bulgar Sports kahapon, na naging abala rin sa paggabay kay unbeaten Pinoy boxer Weljon Mindoro sa nagdaang 33rd Southeast Asian Games, kung saan nag-uwi ng tansong medalya sa men’s 75kgs sa unang sabak sa biennial meet.


Nagbalik sa bansa mula sa matagal na pagsasanay sa U.S.  ang 33-anyos na tubong Panabo City sa Davao del Norte na naging abala rin sa paggabay kay 2020 Tokyo Olympics bronze medalist Eumir Felix Marcial sa nagdaang makasaysayang Thrilla in Manila II na ginanap sa Smart Araneta Coliseum noong Oktubre na matagumpay na nakuha ang World Boxing Council (WBC) International Middleweight title kontra Eddy Colmenares ng Venezuela. Umaasa ang dating long-time boxing champion na makakamit ang ikalawang korona sa ibang dibisyon sa pakikipagbanatan sa super-bantamweight division. 


 
 

ni Gerard Arce @Sports | November 11, 2025



Nonito Donaire

Photo: Nonito Donaire


Maaaring sagana sa arsenal pagdating sa kanyang estilo sa pakikipaglaban si four-division World champion at World Boxing Association (WBA) interim bantamweight titlist Nonito “The Filipino Flash” Donaire Jr. – subalit mas kinakailangang pagtutuunan ng pansin ang kanyang kabuuang kondisyon upang makasabay sa mga birada ng mas batang Japanese boxer at undefeated na si Seiya Tsutsumi sa world title fight sa Dis. 17 sa Tokyo, Japan.


Hindi na umano maitatanggi ang kakayahan at kahusayan ng 42-anyos na Filipino-American na nagnanais na maging oldest champion sa 118-pounds, na umaasang makukuha ang lehitimong korona matapos na makamit ang interim belt laban kay Andres Campos ng Chile nitong Hunyo 14 sa Casino Buenos Aires sa Argentina.


Gayunpaman, mula sa paggabay ng kanyang misis na si Rachel Donaire, na minsang naging nominado bilang Trainer of the Year ng World Boxing Council (WBC) noong 2021 matapos mapagwagian ni Nonito ang WBC title belt kontra Nordine Oubaali ng France, mas kinakailangang tutukan umano ang magiging tibay o pagtagal sa pakikipagsabayan ng tubong Talibon, Bohol sa mas bata at agresibong atake ni Tsutsumi


Nonito Donaire is one of the few boxers who has mastered their style. All we gotta do is keep his conditioning up to prepare him against a fighter, a boxer who wants to put a living legend on his record,” pahayag ni coach Julius Erving “Doc J” Junco sa panayam ng Bulgar Sports patungkol sa  kapasidad ng kalabang Hapon, habang nagsasanay sa Omega Boxing Gym sa Mandaue City.

 
 

ni Gerard Arce @Sports | October 30, 2025



Taduran vs Balunan boxing


Maghihintay hanggang Pebrero ang kampo ni Olympian boxer at unbeaten Filipino challenger Charly “The Kings Warrior” Suarez kung maitutulak pa ang susunod na rematch fight kay Mexican champion Emanuel “El Vaquero” Navarrete. 


Pinaka-aabangan ni Suarez kung mabibigyan ito ng tsansa ng Top Rank Promotions na matupad ang laban kasunod ng kautusan ng World Boxing Organization (WBO), Subalit sakaling walang mangyari ay maaaring mahubaran umano ng korona ang Mexican boxer matapos ipag-utos ng California State Athletic Commission (CSAC) na desisyunang “No Contest” para sa junior-lightweight title sa pagitan nila ni Navarette na naganap noong Mayo 10 sa Pechanga Arena sa San Diego, California. 


Itinakda ang panibagong tapatan kasunod ng kontrobersyal na unang pataw na technical decision matapos magtamo ng cut ang Mexican boxer dulot umano ng accidental headbutt nang ipatigil ni referee Edward Collantes ang laban.


"Hintay lang kami hanggang Pebrero kung tuloy ang rematch kasi kung hindi mahuhubaran na siya ng title," pahayag ng head coach ni Suarez na si Delfin Boholst sa panayam ng BULGAR Sports sa ginanap na world title fight ni Pedro Taduran kontra Pinoy boxer Christian Balunan para sa International Boxing Federation (IBF) minimumweight title noong nagdaang Linggo ng gabi sa San Andres Sports Complex sa Malate, Maynila. 


Nais namang magkaroon ng tune-up fight si Suarez na nananatiling nakatali sa rankings ng WBO, kung saan hawak pa rin ang No.1 contender. Inaalala ng kampo ng Pinoy boxer ang mawala ang hinahawakan nitong ranggo tulad ng naging karanasan sa ibang boxing organization, kung saan nawala ang rankings nito.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page