top of page
Marian Rivera at Dingdong Dantes - TikTok.jpg

Walang tsunami warning... Japan, niyanig ng 6.9 lindol

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 day ago
  • 3 min read

ni Jenny Rose Albason @Overseas News | June 26, 2026



6.9 earthquake sa Japan 2026 - Kyodo via Reuters


Isang malakas na magnitude 6.9 na lindol ang yumanig sa hilagang bahagi ng Japan kahapon, Hunyo 25. Gayunman, walang inilabas na tsunami warning at wala ring agarang ulat ng nasawi o malaking pinsala.


Naganap ang lindol bandang alas-7:30 ng umaga sa karagatan malapit sa Iwate Prefecture sa isla ng Honshu. Ayon sa Japan Meteorological Agency, may lalim itong humigit-kumulang 50 kilometro.


Naramdaman ang pagyanig hanggang sa Tokyo, na mahigit 700 kilometro ang layo mula sa episentro. Sa Aomori Prefecture, na pinakamalapit sa pinagmulan ng lindol, umabot sa antas na “upper 6” ang lakas ng pagyanig sa Shindo intensity scale ng Japan. Ang antas na ito ay nagdudulot ng matinding pag-uga kung saan nahihirapang tumayo ang mga tao nang walang suporta at maaaring matumba ang mga kasangkapan at mabasag ang mga bintana.


Agad namang sinuspinde ng East Japan Railway ang operasyon ng Tohoku Shinkansen bullet train sa pagitan ng Sendai at Shin-Aomori upang magsagawa ng inspeksyon sa kaligtasan.


Pansamantala ring isinara ang ilang expressway sa Aomori para sa pagsusuri. Sa kabila nito, nanatiling maayos ang daloy ng trapiko sa Hachinohe City at patuloy na gumana ang mga traffic light. Isang residente naman sa Hashikami ang nag-ulat na isang frame ng larawan lamang ang nahulog sa loob ng kanilang bahay dahil sa pagyanig.


Ayon kay Chief Cabinet Secretary Minoru Kihara, wala pang natatanggap na ulat tungkol sa mga nasawi at patuloy na mino-monitor ng pamahalaan ang sitwasyon.


Sinabi rin ng Nuclear Regulation Authority na walang naitalang abnormalidad sa mga nuclear power plant sa Onagawa, Higashidori at Tomari sa Hokkaido.


Nag-utos naman si Prime Minister Sanae Takaichi sa mga ahensya ng pamahalaan na makipag-ugnayan sa mga lokal na otoridad at tiyaking maayos ang pagtugon sa anumang posibleng epekto ng lindol. Hinikayat din niya ang mga residente na manatiling alerto dahil sa posibilidad ng mga kasunod na pagyanig o aftershocks.


Ang Japan ay kabilang sa mga bansang pinakamadalas makaranas ng lindol dahil nakapuwesto ito sa ibabaw ng apat na pangunahing tectonic plate sa Pacific Ring of Fire.

Tinatayang halos 18 porsyento ng malalakas na lindol sa buong mundo ay nagaganap sa Japan.



Kinukuha sa ospital at abandonadong sementeryo... 30-ANYOS NA NANGONGOLEKTA NG PARTE NG KATAWAN NG TAO, ARESTADO


ARESTADO ang isang 30-anyos na lalaki na umano'y nangongolekta ng mga bahagi ng katawan ng tao mula sa mga abandonadong sementeryo at sa ospital sa Hungary, kung saan siya nagtatrabaho


Dinakip siya sa Budapest matapos makatanggap ng impormasyon ang mga otoridad na itinatago niya  ang mga bahagi ng katawan sa kanyang trabaho at bahay.


Sa pagsisiyasat sa kanyang apartment, nakumpiska ang ilang bungo, bahagi ng binti, kamay, at iba pang mga buto na nakalagay sa maleta. Natagpuan din ang isang puso sa loob ng garapon na inaalam pa kung mula sa tao o hayop.


Inamin ng suspek na siya ang nag-ipon ng mga naturang bahagi ng katawan. 


Lumabas din na mayroon umano siyang matinding pagkahumaling sa mga bahagi ng katawan ng tao at nakapaghanda pa umano ng pagkain mula rito na kanya ring kinain.

Nakapiit na ngayon ang suspek habang iniimbestigahan sa kasong ilegal na paggamit at paghawak ng mga labi ng tao.


Pinaniniwalaang nakuha niya ang mga ito mula sa ospital at sa paghuhukay ng mga labi sa mga abandonadong sementeryo sa Slovakia at Hungary.


Nakumpiska rin ng mga otoridad ang kanyang computer, mga laptop, tablet, cellphone at iba pang data storage devices. Isasailalim sa forensic examination ang lahat ng nakuhang bahagi ng katawan upang matukoy ang pinagmulan ng mga ito at kung may iba pang kasong maaaring isampa laban sa suspek.



Unang kaso sa France

DOKTOR NA GALING CONGO, POSITIBO SA EBOLA


KINUMPIRMA ng France ang kauna-unahang kaso ng Ebola sa bansa kaugnay ng kasalukuyang outbreak sa Democratic Republic of Congo (DRC).


Ayon sa French Health Ministry, ang nagpositibo sa virus ay isang doktor na kagagaling lamang sa isang humanitarian mission sa DRC. Agad siyang isinailalim sa isolation at inilipat sa isang espesyal na pasilidad para sa paggamot at mahigpit na pagmamanman.

Nasa matatag na kondisyon umano ang pasyente.


Ito ang unang kaso ng Ebola na naitala sa France at ang unang kaso ng sakit na natukoy sa labas ng Africa kaugnay ng kasalukuyang outbreak sa Congo at Uganda.


Matatandaang idineklara ng DRC ang Ebola outbreak noong Mayo. Sa pinakahuling tala, mahigit 1,000 na ang kumpirmadong kaso ng impeksyon habang nasa mahigit 260 na ang nasawi dahil sa virus.


Patuloy namang nagsasagawa ng contact tracing ang mga awtoridad sa France, habang tiniyak ng mga health official na nananatiling mababa ang panganib ng pagkalat ng sakit sa pangkalahatang publiko sa Europa.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page