top of page

Walang ranggo sa batas; mga taong sangkot sa katiwalian, parusahan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 hour ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | January 11, 2026



Boses by Ryan Sison


Parusa ang nararapat sa mga taong nadadawit sa katiwalian, lalo na kung ang sangkot ay mga opisyal na dapat nagtatanggol sa dangal ng bansa. Sa pag-amin mismo ng isang kawani ng Department of Foreign Affairs (DFA) na may ilang diplomat at personnel na iniimbestigahan at pinapauwi dahil sa umano’y iregularidad sa pondo, malinaw na may bitak na kailangang ayusin at hindi ito dapat tabunan ng pananahimik.


Bilang bagong kalihim ng DFA na itinalaga noong Hulyo 2025, itinaguyod niya ang “fiscal prudence” bilang pangunahing prinsipyo ng ahensya. Ilang buwan pa lamang sa puwesto, natuklasan ang mga puwang at lapses sa transaksiyong pinansyal ng ilang opisyal sa mga embahada at konsulado.


Tahimik ngunit matatag ang naging tugon: imbestigasyon, pagpapabalik sa Maynila, babala ng posibleng kasong administratibo at kriminal, pati na ang posibleng pagtanggal sa serbisyo. Hindi ibinunyag ang mga pangalan, ngunit malinaw na walang ranggo ang makakaligtas kung ang pondo ng bayan ay inaabuso.


Para sa taumbayan, ito ay mahalaga. Bawat sentimo na hawak ng isang diplomat ay buwis ng ordinaryong Pinoy na umaasang maaasahan ang gobyerno at hindi pagkakakitaan.


Sa gitna ng malalaking iskandalo sa iba’t ibang ahensya, nananatiling bihira ang DFA sa ganitong usapin. Kaya’t ang mabilis na aksyon ng kalihim ay hindi lang pagprotekta sa reputasyon ng departamento; pinapakita rin nito na ang international work matters ay hindi exempted sa pananagutan.


Pinalakas ang procurement rules, mas istrikto ang paggamit ng pondo, at binigyan ng malinaw na responsibilidad ang mga administrative at property officers, lalo na ang mga nasa abroad.


Mahalagang tandaan na, sa kabila ng kontrobersiya sa ibang sektor ng pamahalaan, nananatiling buo ang tiwala ng mga dayuhan. Walang grant ang kinansela, patuloy ang development assistance, at bukas pa rin ang pinto ng kooperasyon. Patunay ito na kayang ipagtanggol ng bansa ang kredibilidad nito kung may malinaw na paninindigan laban sa katiwalian.


Ang laban na ito ay hindi lamang internal na usapin ng DFA. Ito ay laban para sa bawat Pinoy na naghahanap ng gobyernong tapat at responsable. Ang disiplina sa loob ng ahensya ay salamin ng respeto sa taumbayan.


Ang katiwalian, maliit man o malaki, ay pare-parehong sugat sa tiwala ng mamamayan. Ang mahigpit na tindig ng DFA ay paalala na ang serbisyo-publiko ay isang mabigat na tungkulin, na hindi dapat inaabuso. 


Kung tuluy-tuloy ang ganitong pamamalakad, mas magiging malinaw sa bawat Pinoy na ang gobyerno ay kayang linisin ang sariling hanay at iyon ang unang hakbang sa pagbabalik ng tiwala ng mamamayan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page