Walang puwang sa kalsada ang mga iresponsableng drayber
- BULGAR

- 4 hours ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | June 14, 2026

Hanggang kailan ba dapat pagtiisan ng mga disiplinadong motorista ang mga pasaway sa kalsada na tila walang pakialam sa buhay ng kapwa?
Sa rami ng aksidente, traffic violations, at reklamo sa lansangan, tila malinaw na may panahon talagang kailangan higpitan ang pagpapatupad ng batas upang iparamdam na hindi biro ang responsibilidad ng paghawak ng manibela.
Mahigit 800 lisensya ng mga lumabag sa batas-trapiko ang sinuspinde o tuluyang binawi ng Land Transportation Office (LTO) mula noong Oktubre ng nakaraang taon.
Ayon sa isang opisyal ng LTO, umabot sa 434 driver’s licenses ang pinawalang-bisa habang 396 naman ang isinailalim sa suspensyon. Bahagi umano ito ng mas pinaigting na kampanya upang mapabuti ang disiplina sa kalsada, makaiwas sa aksidente, at mapangalagaan ang kaligtasan ng publiko.
Sa tala ng LTO, kabilang sa mga binawing lisensya ang 325 na may dalawang taong kanselasyon, 15 na may apat na taong pagbabawal, at 94 na permanenteng inalisan ng pribilehiyong magmaneho. Samantala, iba’t ibang haba ng suspensyon naman ang ipinataw sa 396 motorista—mula isang buwan hanggang isang taon—depende sa bigat ng paglabag.
Magandang senyales ito na seryoso ang gobyerno sa pagpapatupad ng batas-trapiko. Hindi maikakaila na maraming Pilipino ang direktang naaapektuhan ng kapabayaan sa kalsada—mula sa mga commuter, rider, delivery worker, estudyante, hanggang sa ordinaryong pamilyang nais lamang makauwi nang ligtas. Sa bawat reckless driving, illegal parking, o pagbalewala sa batas, hindi lang sarili ng driver ang nalalagay sa peligro kundi maging ang buhay ng inosenteng mamamayan.
Gayunman, mahalaga ring tiyakin na patas at malinaw ang proseso sa pagpataw ng parusa. Ang disiplina sa lansangan ay hindi lang dapat nakasentro sa paghuli kundi sa mas matibay na edukasyon, responsibilidad, at tamang asal sa pagmamaneho.
Paalala ito na ang lisensya ay hindi simpleng ID lamang kundi isang malaking pananagutan. Kapag mas naging responsable ang bawat motorista, mas magiging ligtas ang biyahe ng lahat. Ang tunay na sukatan ng maayos na sistema ay hindi sa rami ng napaparusahan, kundi sa rami ng natututong sumunod para sa kapakanan ng buong komunidad.





Comments