Nagtanim nang walang pahintulot, puwede bang humingi ng bayad sa may-ari ng lupa?

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 28, 2026

Dear Chief Acosta,
Kamakailan, may isang taong humingi ng bayad para sa mga punong sinasabi niyang siya ang nagtanim sa lupang binili ko. Iginiit niya na halos lahat ng mga punong namumunga sa nasabing lupa ay tanim niya at gumastos siya sa pag-aalaga sa mga ito. May karapatan ba ang lalaking iyon na humingi ng ganitong uri ng bayad lalo na sinabi ng aking pinagbilhan na bagaman totoo na ang nasabing tao ang nagtanim ng mga nasabing punongkahoy, ito ay walang pahintulot mula sa kanya? — Luna
Dear Luna,
Bilang legal na bagong may-ari ng lupa kung saan nakatanim ang mga nasabing puno, ikaw rin ang may-ari ng lahat ng bagay na nalikha, nakakabit, o nakapaloob dito. Ito ang nakasaad sa Artikulo 445 at 449 ng New Civil Code:
“Article 445. Whatever is built, planted or sown on the land of another and the improvements or repairs made thereon, belong to the owner of the land, subject to the provisions of the following articles.
xxx
Article 449. He who builds, plants or sows in bad faith on the land of another, loses what is built, planted or sown without right to indemnity.”
Alinsunod sa konsepto ng right of accession at kung walang nakasaad na salungat na probisyon sa kontrata ng pagbili noong nakuha mo ang nasabing lupa, hindi lamang ang lupa ang naging pag-aari mo kundi pati na rin ang lahat ng mga halaman o punong nakatanim dito.
Bukod pa rito, ang taong humihingi ng bayad para sa mga puno ay hindi ang dating may-ari ng nasabing lupa. Itinanim niya ang mga puno “in bad faith” dahil ginawa niya ito nang walang pahintulot mula sa dating may-ari. Itinuturing na in bad faith ang isang tao kung alam niyang wala siyang karapatan, o may depekto ang kanyang titulo o ang paraan ng pagkuha niya rito.
Sa iyong sitwasyon, nagtanim ang kabilang partido sa lupa kahit alam niyang pag-aari ito ng iba. Dahil dito, siya ay kumilos nang may hindi mabuting hangarin kaya hindi siya maaaring humingi ng anumang bayad mula sa dating may-ari, lalo na sa iyo na bumili ng ari-arian na ikinokonsiderang purchaser in good faith and for value.
Sa kaso na Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) vs. New Dagupan Metro Gas Corporation, Purita E. Peralta and Patricia P. Galang, G.R. No. 173171, July 11, 2012, sa panulat ni Honorable Associate Justice Bienvenido L. Reyes, sinabi ng Kataas-taasang Hukuman na:
“A purchaser of a registered property can rely on the guarantee afforded by pertinent laws on registration that he can take and hold it free from any and all prior liens and claims except those set forth in or preserved against the certificate of title.”
Bilang isang purchaser in good faith and for value, may karapatan kang tamasahin ang legal at mapayapang paghawak sa ari-ariang iyong binili nang malaya sa anumang mga paghahabol, maliban na lamang kung ang mga ito ay nakasaad sa mismong titulo ng lupa.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





Comments