Walang peace of mind… NIKKO, AMINADONG BIBIGAY NA SA TINDI NG PINAGDARAANAN

ni Vinia VIvar @Frankly | November 6, 2026

Photo: IG _nikkonatividad
Inamin ng aktor-content creator na si Nikko Natividad na wasak na wasak siya ngayon at may mabigat na pinagdaraanan.
Sa kanyang latest social media post, nag-open-up ang aktor sa estado ng kanyang mental health.
“Durog na durog ako sa loob pero nakikita n’yo lang ako sa social media na palaging masaya. Kasi ‘yun ang gusto n’yong makita sa ‘kin ‘yung puro masaya at kalokohan lang kaya ang hirap din humarap sa tao kasi ini-expect nila na laging maayos ka,” pag-amin niya.
Ipinagtapat din niyang malapit na siyang bumigay bagama’t hindi na niya ikinuwento pa kung ano ang kanyang problema.
“Pero sa totoo lang, bibigay na ‘ko, ‘yung tipong hawakan mo ‘ko sa likod, hahagulgol ako na parang bata. ‘Di na para magkuwento pa ako kung bakit,” aniya.
“Pero nagpapasalamat ako kasi alam ng Diyos kung ano talaga kailangan ko sa buhay at ‘yun ang pamilya ko (heart & pray emoji),” patuloy niya.
Sa huli ay nagbigay ang aktor ng payo sa katulad niyang bagsak ang mental health at walang peace of mind.
“Sa mga kagaya ko na bumabagsak ang mental health at nawawala ang peace of mind, pray tayo at puntahan n’yo ‘yung taong alam n’yong magpapagaan ng loob n’yo,” paalala ni Nikko.
Samantala, maraming fans at netizens ang nagpaabot ng kanilang pagmamahal, dasal, at encouragement para sa aktor.
“I think everyone goes through this phase in our lives but just like you said, you have your family as your support system, so I hope you overcome whatever it is that you feel ‘durog’ inside,” anang isang netizen.
“Isang mahigpit na yakap @nikkonatividad Kung ano man ang pinagdadaanan mo, lilipas din ‘yan (pray emoji). Tibayan mo lang (strong emoji), tiwala lang sa itaas,” komento naman ng isang fan.
“You continue to inspire people with your strength, humor and authenticity. Laban lang, Idol,” ang words of encouragement naman ng isa pa niyang supporter.
Nagtapon sa mga patay na aso at pusa…
ALFRED: PET CREMATORIUM, ‘WAG PALAMPASIN, KASTIGUHIN
NAKIKIISA ang aktor-pulitiko na si Alfred Vargas sa panawagan ng publiko upang mabigyan ng hustisya ang mga labi ng fur babies na naiulat na itinatapon lamang ng isang pet crematorium sa halip na bigyan ng maayos na libing.
Matatandaang nagdulot ng matinding lungkot at galit sa madlang people ang nakakadurog-pusong insidente ng umano’y pagtatapon ng mga labi ng mga alagang aso at pusa sa San Jose del Monte, Bulacan.
Marami na ring celebrities ang nagpahayag ng kanilang galit especially those who are animal lovers and pet owners.
Sa kanyang latest social media video, direktang nagbigay ng mensahe si Alfred sa kanyang mga kapwa Quezon City (QC) residents, pet parents, at animal lovers. Nanawagan din siya ng hustisya para sa mga inosenteng hayop na naging biktima ng umano’y iresponsableng paghawak sa kanilang mga labi.
“Nakikiisa po tayo sa panawagan para mabigyan ng hustisya ang mga fur baby na natagpuan sa San Jose del Monte, Bulacan. Suportado po natin ang imbestigasyon upang mapanagot ang sinumang mapatunayang responsable,” pahayag ng aktor-public servant.
“Sa Quezon City, patuloy tayong makikipagtulungan sa mga kinauukulang tanggapan upang palakasin ang proteksiyon para sa ating mga alagang hayop at fur parents,” patuloy niya.
Bilang isa ring animal lover, naniniwala si Alfred na dapat lamang na tratuhin ang mga hayop nang disente at may paggalang even after death.
“Manindigan po tayo. Every fur baby deserves to be treated with love and dignity,” saad pa ni Konsi.
Mapapanood din sa video ang mensahe ni Alfred sa mga kapwa pet owners.
“Bilang isang animal lover and concerned pet owner, dama ko po ang matinding sakit at galit ng bawat pamilyang nabiktima.
“‘Di lamang po sila mga alaga kundi bahagi na ng ating mga pamilya. Hanggang sa dulo, dapat lamang na bigyan sila ng paggalang at pagmamahal na ipinapakita sa kanila ng kanilang mga fur parents,” aniya.
Panawagan pa ng aktor, hindi dapat palampasin ang ginawang injustices sa labi ng mga aso’t pusa.
“We must bring these people to justice and bring peace to the fur babies and fur parents affected,” pahayag niya.





Comments