‘Walang Matigas na Pulis’, mapapanood na uli tuwing Linggo
- BULGAR
- Feb 3, 2024
- 3 min read
ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Pebrero 3, 2024
Tuluy-tuloy na ang pananabik na nararamdaman ng ating mga tagasubaybay dahil bukod sa magsisimula na ang pinakabago nating palabas na ‘Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis’ Season 2, na nakatakdang ipalabas sa GMA Network ganap na alas-7 ng gabi sa Linggo, Pebrero 4, 2024, ay magsasagawa rin tayo ng motorcade na dadaluhan ng malalaking artista na kasama sa ‘Walang Matigas na Pulis’ upang makapiling namin nang personal ang aming tagasubaybay.
Maraming salamat din sa mga sumubaybay sa Season 1 at dahil sa inyong lahat ay nasa Season 2 na tayo na mas pinalaki at mas pinaganda ang mga eksena na ngayon pa lamang ay excited na kaming lahat na mapanood ang mga bagong kabanata ng ‘Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis’ na ilang panahon din ninyong sinubaybayan. At dahil sa patuloy ninyong pagtangkilik ay nagpasya ang pamunuan ng GMA Network na sundan ng Season 2.
Eto na! Nandito na! Talagang excited na excited na rin akong mapanood ang Season 2 ng naturang serye. Labis namin itong pinaghirapan at pinagpuyatan ng aking mga co-stars para makapaghatid ng saya kasabay ng pahinga sa ating mga mahal na kababayan tuwing Linggo.
Asahan na rin na ang Season 2 ng ‘Walang Matigas na Pulis’ ay maghahatid ng dobleng ligaya sa mga manonood lalo na’t magbabalik sa palabas ang mga batikang artista na minahal ng mga tagapanood noong una sa pangunguna ng inyong lingkod bilang Major Bartolome “Tolome” Reynaldo at Beauty Gonzales bilang Gloria Reynaldo. Kasama rin sa mga babalik sina Niño Muhlach (Style), Dennis Padilla (Major Policarpio), Max Collins (Elize), Angel Leighton (Pretty), Maey Bautista (Kapitana Candida), Carmi Martin (Tiya Lucing), Kelvin Miranda (Gary), Raphael Landicho (Kiko), at ER Ejercito (Juancho).
Napakalaki ng pagbabago ng Season 2 dahil sa mga karagdagang karakter na gagampanan nina Jestoni Alarcon, Ejay Falcon, Michael De Mesa, Jay Manalo, Ramon Christopher Gutierrez, Roi Vinzon, Celeste Cortesi, Herlene Budol, Liezel Lopez, Lianne Valentin, at Mika Salamanca na siguradong magpapatindi pa lalo ng mga eksena.
Sobra akong nagpapasalamat sa lahat ng sumubaybay at tumangkilik sa Season 1 ng ‘WMPMM’ noong nakaraang taon. Kaya ngayong Season 2, mas pinaganda, mas pinatindi, at mas pinainit pa natin ang mga mangyayari. Siguradong mas mapapatawa kayo at mapapahigpit ang kapit sa mga action-packed scenes. Abangan n’yo rin ang mga bago naming kasama sa kabanatang ito.
Kaugnay nito, bago ipalabas ang pilot episode ng ‘WMPMM’ Season 2 sa Linggo ng gabi, isasagawa muna natin ang isang grand motorcade sa Linggo ng hapon kasama ang lahat ng cast kung saan ito ay daraan sa bayan ng Taguig, Muntinlupa at San Pedro sa Laguna. Inaasahan na maraming tagasuporta ang sasalubong sa parada ng mga kasamang artista.
Kaya nga inaanyayahan natin ang lahat ng ating mga tagasubaybay na makibahagi at makisaya sa gaganaping motorcade at manood ng unang episode ng Season 2 sa Linggo ng gabi. Ang assembly area ay sa Burgoo Resto Vista mall Taguig, 11:00AM, samantalang magsisimula naman ang motorcade ng alas-12:30 ng tanghali at magtatapos ito sa Mesa Restaurant sa Robinson Galleria South San Pedro, Laguna.
Kita-kits tayo sa motorcade sa Linggo ng hapon. Sabik na kaming makita kayong lahat para pasalamatan kayo sa inyong suporta! Gagawin nating parang parade sa piyesta ang motorcade na ito. At ‘wag kalilimutan, sabay-sabay din nating panoorin ang pilot episode sa gabi para maging masaya at may ngiti nating kakaharapin ang bagong linggo.
Sa rami ng problema ng ating bansa ay panahon na upang bigyan naman natin ng pansin ang ating mga sarili para maaliw ng kahit sandali upang maging maganda ang pagsalubong natin sa pagpasok ng panibagong linggo.
Kapag may ngiti sa ating mga labi ay pawang positibong pangyayari ang naghihintay sa bawat isa ngunit kapag nakasimangot sa pagpasok ng bagong linggo ay asahan nating puro negatibo rin ang naghihintay sa atin, kaya sama-sama tayong sumaya sa panonood ng ‘Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis’ at kita-kits tayo sa motorcade. Masaya ito, promise!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com








Comments