ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Oct. 11, 2024
Tuluy-tuloy ang ginawa nating pamamahagi sa mga kababayan sa Mindanao nang magbalik tayo noong nagdaang Huwebes (Oktubre 9) upang manguna ulit sa pagbibigay ng cash assistance sa libu-libong benepisyaryo sa mga lalawigan ng Lanao del Sur, Misamis Oriental, at Bukidnon.
Ito na ang ikatlong pagkakataon na nagtungo ang inyong lingkod sa Mindanao sa loob lamang ng lagpas isang linggo. Noong Setyembre 30 ay nagpunta na tayo sa mga lalawigan ng Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur, at Sultan Kudarat kung saan pinangunahan rin natin ang pamamahagi ng financial assistance sa halos 10,000 na mga benepisyaryo. At nito lamang Oktubre 3 ay nagtungo naman tayo sa Davao Region upang mag-abot ng kaparehong ayuda sa mahigit 6,000 na mga kababayan.
Nang lumapag tayo sa Laguindingan airport ay agad tayong nagpunta sa Wao, Lanao del Sur kung saan namahagi rin tayo ng ayuda sa halos 2,000 na mga benepisyaryo -- sa pamamagitan ng Assistance to Individual in Crisis Situations (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay pinangunahan natin ang pagbibigay ng cash assistance kasama sina Lanao del Sur Gov. Mamintal Adiong Jr. at Cong. Zia Adiong.
Pagkaraan nito ay nagtungo naman tayo sa lalawigan ng Misamis Oriental kung saan ay sinalubong tayo nina Gov. Peter Unabia at Cong. Christian Unabia para ipagpatuloy ang pagbibigay ng ayuda sa kanilang mga kababayan. Mahigit sa 1,600 ang nabiyayaan ng ayuda na nagkakahalaga ng tig-P3,000 bawat residente.
Bandang hapon naman ay nagpunta tayo sa Bukidnon, at doon ay kasama natin sina Gov. Rogelio Roque at Cong. Laarni Roque, upang muling mamigay ng ayuda sa kanyang mga kababayan doon na may kabuuang halaga na P4 milyon para sa nasabing lalawigan.
Dire-diretso lang tayo sa pagtulong dito sa ating mga kababayan sa Mindanao at talagang sobrang lapit sa puso ko ang lugar na ito. Kaya asahan niyo na hindi rito matatapos ang ating paghahatid ng tulong at malasakit sa ating mga kababayan.
Gaya nga ng lagi kong sinasabi, binibigay lang natin sa ating mga kababayan ang mga dapat naman talaga nilang natatanggap mula sa gobyerno. Nawa ay makatulong ito sa inyong mga pang-araw-araw na pangangailangan hanggang sa tuluyang umunlad ang inyong mga buhay.
Nakakalungkot lamang dahil sa papalapit na ang halalan at marami na ang gumagalaw na pulitiko kahit malayo pa ang kampanya kaya hindi malayong isipin ng iba na pulitika lamang ang lahat sa kabila ng napakatagal na natin itong ginagawa kahit noong wala pang eleksyon.
Sabagay, kung iintindihin natin ang sasabihin ng ating mga kalaban sa pulitika ay wala tayong magagawa kaya mas mabuting kumilos na lamang tayo nang kumilos at bahala na ang mga basher sa sasabihin nila.
Ang mahalaga ay seryoso tayo sa ating ginagawa at hangad lang natin ay ang kapakanan ng ating mga kababayan at kahit ang mga basher ay tinutulungan din naman natin dahil hindi tayo namimili ng tutulungan.
Nakatakda rin akong magpunta sa Aklan at Antique ngayong araw na ito para ikutin natin ang mga bayan sa mga nasabing lalawigan upang maipamahagi rin ang AICS sa lahat ng ating mga nangangailangang kababayan.
Magbibigay din ako ng tig-P2,000 bawat residente na dadalo sa mga lugar na aming pupuntahan kasama si Gov. Joen Miraflores na aabot sa mahigit P8 milyon sa kabuuan na mula rin sa AICS o posibleng tumaas pa.
Sa susunod na labas natin ay ikukuwento ko sa inyo ang naging karanasan namin sa Aklan at Antique dahil alam kong excited na ang ating mga kababayan bago pa man tayo magtungo roon – tulad ko rin, excited na ako makadaupang-palad ngayong araw ang ating mga kababayan doon.
Marami pa tayong mga lalawigang pupuntahan sa mga darating na araw at marami tayong mga kababayang mapapasaya bago pa sumapit ang Pasko.
Kaya bantayan n’yo lang ang schedule ng ating ikot upang sakaling magawi tayo sa inyong lugar ay magkita-kita tayo at mabahaginan kayo ng mga biyaya na matagal na nating ginagawa at hindi ito papansin lang.
Nakakataba ng puso nang magtungo tayo sa Mindanao dahil halos hindi tayo makalakad sa dami ng taong sumalabong sa atin na lahat ay gusto tayong halikan at yakapin bukod pa sa mga nais magpakuha ng larawan.
Dahil sa sobrang pagmamahal na naranasan natin sa Mindanao ay hindi malayong magpabalik-balik ako sa lugar na ito para makasama natin ang ating mga kababayan na nagmamahal din sa atin.
May mga kababayan talaga tayong maganda ang tingin sa ating ginagawa ngunit hindi rin talaga maiiwasan na may mga kababayan tayong minamasama pa ginagawa natin lalo na sa social media. Ngunit hindi tayo magpapaapekto — tuloy lang ang mabuting gawa!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com