ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | March 5, 2021
Isa sa hindi gaanong nabibigyan ng atensiyong sektor sa ating lipunan ay ang hanay ng mga senior citizen at kahit may mga benepisyo silang nakukuha dulot ng kanilang edad ay tila hindi naman ito sapat para makapamuhay sila ng maayos.
Kaya nga isinumite natin ang panukalang batas na SBN-1267: Increasing the Monthly Social Pension of Senior Citizens o ang An Act Increasing the Monthly Social Pension of Senior Citizens, Expanding the Coverage Thereof.
Layon nitong kahit paano ay madagdagan ang tinatamasang pension ng senior citizen at mapalawak pa ang ibang aspeto nito na makapagbibigay kaluwagan sa ating mga lolo at lola.
Isinumite rin natin ang SBN-297: Lowering the Age Covered by the Senior Citizen’s Act From 60 to 56 Years Old o ang An Act Expanding the Coverage of the Senior Citizens’ Act, Amending for the Purpose Republic Act No. 7432.
Upang maibaba ang edad ng senior citizen na maging 56-anyos na lamang upang maagang mapakinabangan ang mga diskuwentong ibinibigay sa senior citizen, partikular ang mga bumibili ng kanilang maintenance na gamot.
Isinumite rin natin ang SBN-295: Amending the Centenarians Act by Advancing the Age Coverage From 100 to 80 Years Old o ang An Act Amending Section 2 of Republic Act No. 10868, Otherwise Known as the Centenarians Act of 2016 and for Other Purposes.
Layunin nitong sa edad na 80 ay makuha na agad ang paunang P10,000 at sa edad na 90 ay makuha na ang panibagong P10,000 at pagsapit ng 100-anyos ay ang makuha na ang kabuuan ng P100,000 na ipinagkakaloob ng pamahalaan upang maagang mapakinabangan.
Ayon sa datos ng Commission on Population and Development (Popcom), apat sa bawat limang senior citizen ay walang natatanggap na pensiyon at karaniwang umaasa na lamang sa tulong ng pamahalaan.
Ngayong 2021 ay inaasahang aabot na umano sa 10 milyon ang bilang ng mga senior citizen na nagtala ng malaking marka dahil sa kauna-unahan itong pangyayari sa kasaysayan ng ating bansa.
Sa kasalukuyang ay 5.53 milyong senior citizen na babae o 4.99 porsiyento ng ating populasyon at 4.53 milyon naman ang senior citizen sa mga lalaki o 4.08 porsiyento ng kabuuang populasyon ng bansa.
Ang mga senior citizen na walang natatanggap na buwanang pensiyon ay karaniwang umaasa na lamang sa tulong na ipinamamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nagbibigay ng P500 pensiyon sa may tatlong milyong matatanda.
Itinuturing umano ang ating mga senior citizen na bahagi ng sektor na nakaasa sa ating pamahalaan at kapag hinigitan pa umano nito ang bilang na sampung milyon ay posibleng magkaroon na ng epekto hindi lang sa napakaliit nilang pensiyon kung hindi maging sa pagtugon sa kanilang kalusugan.
Ayon sa Popcom, marami umanong senior citizen ang naninirahan sa mga bahay na nasa 20 square meters lamang ang sukat at nasa 84,726 sa National Capital Region (NCR) ang nakatira sa 4.9 sqm na ispasyo kasama na ang ilang kaanak kaya hirap ipatupad ang social distancing ngayong pandemya.
May 51,365 na senior citizen sa NCR pa rin ang namumuhay naman ng mag-isa sa iba’t ibang kadahilanan at kasalukuyang naghahanapbuhay pa rin para maitawid ang pang-araw-araw nilang pamumuhay.
Kaya kung may pagkakataon ay personal tayong nagtutungo sa ilang home for the aged upang mabigyan sila ng kasiyahan at tulong upang mapagaan ang kanilang pamumuhay na karaniwan ay wala ng kaanak o inabandona na nang tuluyan.
Hindi rin humihinto ang ating programa para makapagbigay ng libreng gamot, puhunan sa mga may kapasidad pang maghanapbuhay at patuloy tayo sa pagtulong na maipagamot ang mga maysakit na matatanda.
Kaya ganoon na lamang ang pagsisikap nating makapagsumite ng iba’t ibang panukala upang mapagaan ang buhay ng ating mga senior citizen at hindi tayo titigil sa pag-iisip kung paano pa sila matutulungan.
Kaya sa mga alibughang anak na walang pakundangan kung itrato ang kani-kanilang mga magulang ay mag-isip-isip kayo dahil darating ang panahon na tatanda rin kayo.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com