Walang “K” ang sinuman na manguha ng kahit abot-kamay lang na bunga ng puno ng kapitbahay
- BULGAR
- Nov 8, 2021
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | November 8, 2021
Dear Chief Acosta,
Dahil sa pandemya ay nagtanim kami sa aming bahay ng ilang grafted na halaman.
Nang mamunga ang aming maliit na punong manga ay kinuha ito ng aming kapitbahay sapagkat sinabi niyang abot-kamay na niya ito buhat sa kanilang bintana.
Tama ba ito? –Olga
Dear Olga,
Para sa inyong kaalaman, ayon sa Article 441 at 442 ng ating Civil Code:
“Art. 441. To the owner belongs:
(1) The natural fruits;
(2) The industrial fruits;
(3) The civil fruits.
Art. 442. Natural fruits are the spontaneous products of the soil, and the young and other products of animals. xxx”
(Biningyang-diin)
Samakatwid, bilang may-ari ng inyong pananim kayo talaga ang siyang tunay na may-ari ng bungang manga ng inyong grafted plant. Gayunman, ayon sa Article 681 ng parehas na batas, magkakaroon na ng karapatan ang inyong kapitbahay sa prutas ng inyong alagang halaman kung:
“Art. 681. Fruits naturally falling upon adjacent land belong to the owner of said land.”
(Binigyang-diin.)
Sa kadahilanang hindi naman nahulog sa lugar na pag-aari ng inyong kapitbahay ang bunga ng inyong halaman, wala siyang karapatan na kunin na lamang ito nang hindi nagpapaalam sa inyo. Hindi rin dahilan ayon sa nabanggit na probisyon na batas na abot-kamay na niya ito kaya’t dapat na niyang kunin. Kinakailangang ito ay natural na nahulog sa kanyang sakop na lugar upang siya ang magkaroon ng karapatan dito.
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments