top of page
Search
  • BULGAR

Walang “K” ang employer na magtanggal ng buntis na empleyado o nakabakasyon dahil sa pagbubuntis

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | March 7, 2021


Itinuturing ang mga babaeng manggagawa na isa sa mga espesyal na grupo ng mga manggagawa ayon sa Labor Code. Ito ay sa dahilang ang kababaihang manggagawa ay may kakaibang kalagayan kaysa sa kalalakihang manggagawa. Kaya naman, bukod sa mga parehong karapatan na mayroon sila tulad ng kalalakihan ay binibigyan ang mga babaeng manggagawa ng karagdagang karapatan tulad ng mga sumusunod:


Para sa mga babaeng manggagawa, maliban sa mga nasa pamahalaan, taga-silbi at empleyado sa korporasyong pag-aari at pinangangasiwaan ng pamahalaan, sila ay hindi hinahayaang magtrabaho ng may sahod o wala sa mga industriya o pagawaan sa pagitan ng alas-10: 00 ng gabi hanggang alas-6: 00 ng umaga ng susunod na araw. Kung sila naman ay nagtatrabaho sa agrikultural na uri ng trabaho, sila ay hindi pinapayagang magtrabaho sa pagitan ng alas-10: 00 ng gabi hanggang alas-6: 00 ng umaga o alas-12: 00 umaga hanggang alas-6: 00 ng umaga ng susunod na araw maliban na lamang kung sila ay mabigyan ng pahinga ng hindi bababa sa siyam (9) na oras.


Ang babaeng manggagawa na nabuntis ay may karapatang magkaroon ng maternity leave benefits. Kailangan lamang na siya ay nakapagtrabaho ng anim (6) na buwan para sa nakaraang labing-dalawang (12) buwan.


Mariing ipinagbabawal din ng batas na ang employer ay gumawa ng mga aksiyon na maituturing na diskriminasyon para sa kababaihan ng dahil lamang sa kanilang kasarian. Ilan sa mga uri ng diskriminasyon ay ang mga sumusunod:


a. Pagbabayad ng mas mababang suweldo at benepisyo para sa kababaihan kumpara sa kalalakihang empleyado kung ang trabaho ay pantay lamang na ginagawa;

b. Pagbibigay ng pabor sa lalaking empleyado, katulad ng pagbibigay-promosyon, pagdadalubhasa at scholarship nang dahil lamang sa kanilang kasarian.

Bawal din para sa mga employers na gawing kondisyon para makapagtrabaho o makapagpatuloy sa pagtatrabaho ang babaeng empleyado na siya ay hindi mag-aasawa at kung siya ay nag-asawa na habang nagtatrabaho ay siya ay ituturing nang dismissed o tanggal sa trabaho.


Ayon sa Article 137 ng Labor Code, labag sa batas ang anumang gawain ng employer na:

a. Ipagkait sa babaeng empleyado ang mga benepisyong ibinibigay sa kanya ng batas para sa kadahilanang ayaw ng employer na magkaroon siya ng mga nasabing benepisyo;

b. Tanggalin ang babaeng empleyado dahil sa siya ay buntis o habang siya ay nakabakasyon dahil sa kanyang pagbubuntis;

c. Pagtanggal o hindi pagtanggap ng empleyadong babae na nanganak sa pangambang siya ay muling mabuntis.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page