top of page
Kim Chiu - IG.jpg

Walang disiplinang ‘kamote’ drivers, dapat sampulan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 16, 2025
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Apr. 16, 2025



Boses by Ryan Sison

Hindi lang gulong ang umiikot sa kalsada, pati ang problema – paulit-ulit at paikut-ikot na lang. At sa sentro ng gulong na ito, laging may isang “kamote” na driver na akala mo’y walang batas sa daan.


Sila ‘yung sumisingit kahit walang espasyo, dire-diretso kahit pula pa ang ilaw, at minsan pa’y nakakabangga. Ilang beses na tayong nagluksa dahil sa kapabayaan ng ganyang klase ng driver, ilang aksidente pa ba ang kailangang mangyari bago tayo matuto?


Kamakailan, inanunsyo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na magpapatupad sila ng zero tolerance policy laban sa mga “kamote “ drivers, marami ang umaasang hindi ito manatili na salita lamang. 


Ayon kay LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III, titibagin na nila ang mga pasaway dahil banta ito sa kaligtasan ng mamamayan.


Isa sa mga hakbang na agad nilang ipinatupad ay ang preventive suspension sa anim na unit ng isang bus company na sangkot sa aksidente sa NLEX kung saan 13 ang nasugatan.


Paliwanag ni LTFRB Spokesperson Ariel Inton, may rason kung bakit hindi buong fleet ang sinuspinde, marahil para bigyang pagkakataon ang ibang hindi sangkot, pero sapat na para ipadama ang bigat ng pananagutan.Bukod dito, iniimbestigahan na rin nila ang isang viral video ng bus na umano’y overspeeding sa La Union.


Wala pa raw sapat na detalye ang video, pero umaasa si Inton na makikipagtulungan ang uploader upang mapanagot ang dapat managot. 

Hindi na kasi sapat ngayon ang pagsisisi sa huli kaya kailangang may agarang aksyon.


Dagdag pa nito, tutok din ang kagawaran sa mga kolorum na sasakyan, lalo na’t delikado ang mga ito dahil hindi ininspeksyon ang mga unit at hindi rin tiyak kung may lisensya ang driver.


Mismong LTFRB na ang nagbabala na ang pagsakay sa kolorum ay delikado, at nanawagan sila na kung may impormasyon hinggil sa pugad ng mga kolorum na sasakyan ay ipagbigay-alam sa ahensya upang hindi mabiktima.


Totoong may nakikita tayong galaw, babala, at plano. Ngunit sapat ba ito para mawala ang kultura ng “kamote” driver? Ang panawagan para sa disiplina ay hindi lang dapat manggaling sa gobyerno. Tayo mismong mga pasahero, motorista, at mga driver ang may responsibilidad na sumunod at magsumbong.


At sa mga driver, ugaliin nating mag-ingat sa daan. Hindi lang preno at manibela ang hawak natin kundi pati ang buhay ng mga pasahero. Ang pagiging responsable sa kalsada ay hindi opsyon kundi obligasyon. Kaya kung ikaw ay kamote, huwag ka sa daan, du’n ka sa taniman.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page