- BULGAR
ni Ryan Sison @Boses | November 28, 2023
Dahil sa dengue outbreak ay idineklara na ang state of calamity sa Tagum City sa Davao del Norte.
Ayon sa Tagum City Epidemiology Surveillance Unit (ESU), mula pa Enero hanggang Nobyembre 22, umabot sa kabuuang 1,054 dengue cases na ang naitala sa 23 barangay.
Karamihan sa mga infected na pasyente ay nasa edad na wala pang 5 taong gulang.
Gayundin, nasa 9 na indibidwal na ang namatay dahil sa naturang infection.
Nai-report naman ng Barangay Visayan Village, ang pinakamaraming kaso ng dengue at mga nasawi.
Una nang kinonsidera ng local health authorities ang pagdedeklara ng outbreak matapos ang humigit-kumulang 61 porsyento ng mga barangay ay nakapag-ulat ng mga kaso ng dengue.
Kaya naman agad na inirekomenda ng City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC) sa City Council na magdeklara ng state of calamity upang anila, mas maraming pondo ang magamit ng local government para matugunan ang nasabing outbreak.
Sa ngayon ay nagsasagawa na ang pamahalaang lungsod ng misting, larvicide, at education campaign operations para makontrol ang dengue outbreak.
Mabuti at agaran ang pagkilos ng kinauukulan para mapigilan ang pagdami pa ng mga tinatamaan ng dengue.
Mabilis at matindi kasi magparami ng mga itlog ang mga lamok at nagpapabigat pa rito ay iyong madale ng Aedes species mosquito na may dala ng naturang sakit.
Dapat sigurong sa atin na mismo magsimula ang pag-iingat, sundin natin ang bilin ng kagawaran ng kalusugan na 4S strategy na, “search and destroy mosquito breeding places, seek early consultation, secure self-protection, and support anti-dengue fogging or spraying operations when necessary”.
Walang pinipili ang dengue, bata o matanda, kahit sino ay puwedeng ma-infect nito kaya kailangan nating magdoble-ingat lalo na at panay-panay ang mga pag-ulan at pagbaha sa maraming lugar.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com