Walang-bisa ang pagbili o pagbenta sa ari-arian nang walang pahintulot ng isa sa mag-asawa
- BULGAR

- Jan 21, 2021
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | January 21, 2021
Dear Chief Acosta,
Ako ay ikinasal sa aking asawa noong 2015. Nakabili kami ng lupa ngunit noong mga panahong ‘yun, nasa ibang bansa ako kaya naman ang titulo nito ay nasa pangalan lamang niya. Lingid sa aking kaalaman, ito ay kaniyang ibinenta, maaari ba ‘yun? – Karlo
Dear Karlo,
Ang mga batas na sasaklaw tungkol sa inyong katanungan ay ang Executive Order No. 209, s. 1987 o mas kilala bilang The Family Code of the Philippines. Nakasaad sa Articles 91 at 96 na:
“Art. 91. Unless otherwise provided in this Chapter or in the marriage settlements, the community property shall consist of all the property owned by the spouses at the time of the celebration of the marriage or acquired thereafter.
“Article 96. xxx In the event that one spouse is incapacitated or otherwise unable to participate in the administration of the common properties, the other spouse may assume sole powers of administration. These powers do not include disposition or encumbrance without authority of the court or the written consent of the other spouse. In the absence of such authority or consent, the disposition or encumbrance shall be void... xxx”Alinsunod sa mga nabanggit na probisyon ng batas, liban lamang kung nagkasundo ang mag-asawa bago sila ikasal, ang lahat ng kanilang pagmamay-ari mula nang sila ay ikasal, at ang lahat ng kanilang magiging ari-arian ay mapabibilang sa kanilang absolute community property.
Kaugnay nito, isinaad din ng Korte Suprema sa kaso ng PNB vs. Garcia (G. R. No. 182839, June 2, 2014, Ponente: Honorable former Associate Justice Arturo D. Brion) na ang pagrehistro ng ari-arian sa pangalan ng isa sa mag-asawa ay hindi nangangahulugang ito ay kanyang ekslusibong pagmamay-ari. Samakatwid, ang pagbili sa nasabing ari-arian nang walang pahintulot ng parehong partido ay walang bisa.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.




Comments